Sa kabila ng pag-angkin at militarisasyon ng China sa West Philippine Sea, makikipagtulungan ang Pinas sa nasabing bansa para sa paghanap ng natural gas sa naturang karagatan.
Ni: Quincy Joel V. Cahilig
Ang West Philippine Sea (WPS) ay isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng iba’t-ibang mga lamang dagat ng ating mga mangingisda para sa suplay ng pagkain ng bansa. Subalit mula noong 2013, humina ang kontrol ng Pilipinas doon dahil sa agresibong pag-angkin ng China at patuloy na militarisasyon sa naturang rehiyon. At marami nang mga pagkakataong napaulat ang umano’y pangbu-bully at pangha-harass ng hukbong dagat ng China sa ating mga mangingisda at maging sa Philippine Navy.
Kung tatanungin ang kasaysayan at ang United Nations, Pilipinas ang siyang tunay na may-ari ng WPS, na sakop ng ating Exclusive Economic Zone na itinakda ng United Nations Convention on the Law of the Sea. Sa katunayan nga ay naipanalo na ng Pilipinas ang pagmamay-ari nito sa Permanent Court of Arbitration noong 2016, subalitpinagmamatigasan talaga ng China ang kanilang pag-angkin, na batay sa “Nine-Dash Line” (kung minsan pa ay nagiging “Ten-Dash Line” at “Eleven-Dash Line), na hindi naman kinikilala ng UN.
Hindi naman kataka-taka kung bakit gayon na lamang ka-agresibo ang China sa pag-angkin sa WPS. Sa ilalim ng tone-toneladang mga isda at sari-saring mga yamang dagat na malalambat dito, sinasabing nakabaon ang tinatayang 190 trillion feet ng natural gas, isang uri ng malinis na enerhiya.
Samantala, marami naman ang pumupuna sa tila malambot na posisyon ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isyu ng WPS sa kabila ng pagpabor ng Permanent Court of Arbitration sa Pilipinas sa naturang isyu. Sa paningin ng ilan, sa halip na igiit ang karapatan ng bansa, kinakaibigan pa ng Pangulo ang nangangamkam sa teritoryo at likas na yamang totoong pagmamay-ari ng mga Pinoy.
Department of Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano
FRIENDSHIP WITH BENEFITS
Ipinaliwanag naman ng Pangulo sa ilang pagkakataon na minabuti niyang makipagkaibigan, sa halip na lumaban sa China para sa mas ikabubuti ng bayan. Isang bunga nga nito ay ang joint exploration ng dalawang bansa sa WPS.
“Ngayon, offer nila, eh di joint exploration. Eh di parang co-ownership, parang dalawa tayong may-ari niyan, eh di mas maganda ‘yan kaysa away,” wika ni Duterte sa isang talumpati sa Marawi.
“Kita mo, eh kung inasar ko noon, pinagpu-p***ng ina ko sila, wala nangyari,” dagdag ng Chief Executive.
Nilinaw naman ng Malacañang na hindi nangangahulugang ang WPS ay pag-aari na nga ng dalawang bansa.
“The President just wanted to explain that joint exploration and exploitation will be undertaken by both Philippine and Chinese nationals,” paliwanag ni Presidential Spokesman Harry Roque.
Ayon naman kay Department of Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na kung matuloy man ang joint exploration, ay hindi nangangahulugang isinasantabi na ng Pilipinas ang usapin sa WPS.
Sa pakikipagpulong kamakailan ni Cayetano kay China State Counsellor Wang Yi sa Beijing, pinag-usapan nila ang mga detalye ng proyekto, na inaasahang masimulan bago magtapos ang termino ni Pangulong Duterte.
“We talked about some of the details. We agreed not to have a deadline but we agreed to work on it with an ASAP mentality so that we can get it done. Of course, I explained to them that in the Philippines, we have a six-year term. It’s difficult when you have projects that will last more than three or four, five years to do it at the end of an administration because we want the people to feel the benefit as soon as possible,” sabi ni Cayetano.
Senior Associate Justice Antonio Carpio
BAKIT KAILANGAN ANG WPS JOINT EXPLORATION?
Isa ang Malampaya gas field, na matatagpuan sa hilagang kanluran ng Palawan, sa mga pinagkukunan ng malaking porsyento ng enerhiya ng Luzon. Ito ang nagbibigay ng 2,700 megawatts ng kuryente para sa 50 porsyento na kailangang enrhiya ng pinakamalaking isla ng bansa.
Subali’t ang liquefied natural gas (LNG) ng Malampaya ay tatagal na lang ng 12 taon kaya kailangan nang makapaghanap ng panibagong mapagkukunan ng enerhiyang katumbas o higit pa sa isinusuplay nito upang maiwasan ang napipintong krisis sa enerhiya sa bansa, lalo na’t kaakibat ng paglago ng ekonomiya ng bansa ang pagtaas ng demand sa enerhiya.
Isang solusyon na nakikita ng gobyerno ay ang paghahanap ng panibagong makukunan ng LNG sa WPS. Subali’t walang sapat na kakayahan ang Pilipinas upang maisulong ang hakbangin kaya ang napipisil na estratehiya ng kasalukuyang administrasyon ay ang makipagkasundo sa China dahil sila ang may teknolohiya at kapital para sa exploration at pagkuha ng LNG sa ilalim ng pinagtatalunang karagatan, na umano’y mahigit 50 porsyento ang dami kumpara sa Malampaya.
Ayon sa 1987 Constitution, pinapayagan naman ang ganitong klase ng kasunduan. Nakasaad sa Section 2, paragraph 4 ng Article XII ng Saligang-Batas: “The President may enter into agreements with foreign-owned corporations involving either technical or financial assistance for large-scale exploration, development, and utilization of minerals, petroleum, and other mineral oils according to the general terms and conditions provided by law, based on real contributions to the economic growth and general welfare of the country. In such agreements, the State shall promote the development and use of local scientific and technical resources.”
Dagdag pa ng Konstitusyon, “the exploration, development, and utilization of natural resources should be under the full control and supervision of the State.”
Tiniyak ng Malacañang na mas mananaig ang interest ng bansa kung matutuloy man ang joint exploration.
“We are following the specific provision in the Constitution that foreigners can participate on a 60-40 basis, meaning 60-percent Filipino-owned, 40 percent foreign-owned,” wika ni Roque.
DAPAT MAG-INGAT PA RIN ANG PINAS
Sang-ayon naman si Senior Associate Justice Antonio Carpio sa WPS joint exploration basta hindi makokompromiso ang nararapat na hatian.
“As long as the joint development complies with the Philippine Constitution and there is no waiver of our sovereign rights under the arbitral ruling, I have no objection,” aniya.
Ganito rin ang pananaw ni Senate President Vicente Sotto III: “Yes, it is acceptable. It means China is accepting the fact na lamang tayo. “
Subalit babala ng isang eksperto, kailangan pa rin mag-ingat na huwag maisahan ng China ang Pilipinas sa kasunduang ito.
“Entering into a joint exploration agreement with China is a slippery slope. Done right, we can enjoy the resources of our territories without compromising our claims over it. Done wrong, the joint exploration can be construed as a cessation of territory. This is why we must follow the constitutional provisions to a tee,” ayon sa ekonomistang si Andrew Masigan.
“What is ours, is ours. No entity should prevent us from benefitting from our own natural resources. Engaging in joint exploration with China, or any other nation for that matter, works to our best interest so long as constitutional safeguards are satisfied,” dagdag niya