Ni: Debbus Blanco
ANG Trusteeship Council ay may gampanin na pandaigdigang gabayan ang labing-isang (11) Trust Territories sa ilalim ng pitong (7) kasaping bansa ng United Nations na inatasang ihanda ang mga nasabing labing-isang trust territories tungo sa pagsasarili at ganap na kalayaan.
Noon taong 1994, ang lahat ng mga Trust Territories na ito ay nagkaroon na ng malayang pamamalakad ng pamahalaan at tuluyan ng nakamit ang kanilang ganap na kalayaan dahilan kaya’t nasuspinde na ang gampanin nito simula nong Nobyembre 1, 1994. Ito ay nagpupulong na lamang kung kinakailangan at batay sa hiling ng Presidente nito o ng kanilang mga kasapi o kasapi ng General Assembly at Security Council.
Ang International Court of Justice ay ang pangunahing hudikatura ng United Nations.
Ito ay matatagpuan sa Peace Palace, Hague, Netherlands. Isa ito sa anim na organo o institusyon ng United Nations na hindi matatagpuan sa pangunahing headquarters ng UN sa New York, United States. Ang pangunahing tungkulin nito ay madesisyunan ayon sa international law ang mga legal na pagtatalo ng mga bansa at magbigay ng payong opinyon sa mga legal na katanungang ipinapasa sa kanila ng mga awtorisadong organo at ahensya ng United Nations.
Ang Secretariat naman ay pinamumunuan ng Secretary-General kasama ang libo-libo nitong empleyado na nagmumula sa iba’t ibang panig ng mundo at sa iba’t ibang lahi. Ang Secretariat ang nagpapatakbo ng mga araw-araw na gawain ng UN batay sa mandatong ibinigay ng General Assembly at iba pang organo at ahensya nito. Ang Secretary-General ang tumatayong punong ehekutibo ng United Nations na itinatalaga ng General Assembly batay sa rekomendasyon ng Security Council sa loob ng limang taon na terminong puwede i-renew.
Pagkatapos ng mga istruktura at organo ng UN, ay pag-usapan naman natin ang mga mandato nito. Ang UN ay mayroong limang (5) pangunahing tungkulin at gampanin, ito ay ang a) panatilihin ang pandaigdigang kapayapaan at seguridad, b) protektahan at ipagtanggol ang karapatang pantao, c) Magbigay ng tulong sa nangangailangan na sangkatauhan, d) pagtataguyod ng sustinableng pag-unlad o sustainable development at, e) Igalang at respetuhin ang international law. Ang mga mandato na ito ay siya ring nagsisilbing hamon at pagsubok sa kasalukuyang liderato ng UN. Isa-isahin natin ang mga pagsubok na ito.
Halimbawa, sa gawain ng UN na panatilihin ang pandaigdigang kapayapaan at seguridad sa sangkatauhan, may mga bansa pa rin na may mga namumuong alitan na nangangailangan ng isang mahusay na tagapamagitan sa isyu ng Israeli-Palestinian dispute sa West Bank, Golan Heights at Gaza Strip at ng South Korea-North Korea dispute na ipinaghihiwalay lamang ng 38thparallel line. Huwag na tayong lumayo, sa usaping territorial dispute na lamang ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea na kinasasangkutan ng mga isla tulad ng Spratlys Island, Benham Rise, Scarborough Shoal at Kalayaan Island ay bahagi din ng pagsubok na kinakaharap ng UN ngayon. Higit pa rito ang pagsawata at pagpigil sa banta ng terorismo at armas nukleyar na naglalayong maghasik ng takot at lagim para mapigil ang pang-araw araw na gawain ng mga mamamayan. (Ipagpapatuloy).