EUGENE FLORES
PATULOY ang pagpapatunay ni Carmelo Anthony na hindi pa tapos ang kanyang karera sa NBA matapos mapasali sa 26,000 points club ng liga.
Sa kaniyang ika-walong puntos sa laban ng Portland Trail Blazers kontra sa Dallas Mavericks nakamit niya ang milestone kung saan 18 manlalaro lamang sa buong kasaysayan ng NBA ang nakagawa.
Simula nang pumasok sa NBA noong 2003 ay kilala na si Anthony bilang isang elite scorer mula sa panahon niya sa Denver Nuggets at New York Knicks.
Nagsimulang bumagsak ang laro nito pagpasok ng edad na 30 at nang mapunta sa Oklahoma City Thunder at Houston Rockets.
Matapos nito ay walang kumuha kay Anthony ngunit ginawa itong motibasyon ng 35-anyos upang buhayin ang kanyang laro.
Nagbigay ng pagkakataon sa All-Star ang Portland ngayong 2019-2020 season at patuloy naman na sinusuklian ni Anthony sa kanyang 16.5 puntos at 6.3 rebounds per game.
Marami rin ang natuwa sa pagbabalik ni Anthony sa liga lalo na sa pagpapatunay nito na kaya pa niyang makipagsabayan sa mga bagong manlalaro.
Sa kasalukuyan, si Anthony at LeBron James ng Los Angeles Lakers lamang ang active players sa NBA na may 26,000 na puntos (33,000+ kay James).
Itinuturing nang marami na ‘revenge’ season ng 6’8″ forward ngayon at inaasahang makapapasok din ito sa All-Star game na gaganapin sa Chicago.