Ni: Noli C. Liwanag
NAPAKAHALAGA ng elektrisidad sa pang-araw-araw na buhay ng bawat mamamayan, mula sa tahanan, ito ang nagpapaandar sa mga kasangkapang de-kuryente, maging sa mga opisina, pabrika at iba pang negosyo ay nakasalalay din sa elektrisidad ang pag-unlad ng bayan.
Nagpahayag ng suporta ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) upang tiyakin na nasa itinakdang panahon ang pagsisimula at pagtatapos ng mga proyektong transmission line at substation sa mga lokal na pamahalaan.
Ipinahayag ni DILG OIC Secretary Eduardo M. Año, na bilang may pangkalahatang superbisyon sa mga pamahalaang lokal, magiging katuwang ng DILG ang NGCP sa pagtataguyod ng kaligtasang pampubliko at hindi napuputol na transmisyon ng kuryente gayundin sa proteksyon, seguridad at integridad ng transmission system ng bansa.
“Ang kuryente ang haligi ng ating ekonomiya. Kaya sisiguraduhin ng DILG na makakarating ang elektrisidad sa pinakamalayong barangay at sitio ng bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng kinakailangang tulong at suporta sa NGCP sa kanilang mga transmission projects,” saad ni Año.
MANDATO NG NGCP
SA ilalim ng batas, ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ay may mandato na mangasiwa, magsagawa at panatilihin ang transmission system sa bansa at palawigin ang national grid na siyang titiyak na ang kuryenteng nagmumula sa mga power plant ay naipapadala sa lahat ng distribution utilities at directly-connected customers.
Kamakailan, lumagda sina Año at NGCP president/chief executive officer Anthony L. Almeda sa isang kasunduan para sa mabilis na transmisyon ng elektrisidad sa bansa. Saksi sa paglagda sina DILG Undersecretary Epimaco Densing III at NGCP chief administrative officer Bryan Andersen Co.
Sa kasunduan, ie-endorso ng DILG ang kahilingan ng NGCP na maipasa ang mga lokal na ordinansa na magbabawal ng pagtatanim ng mga puno, pagsagawa ng mga mapanganib na gawain, at pagtatayo ng mga istruktura sa right-of-way corridors ng transmission at distribution lines.
Magbibigay din ng police assistance ang kagawaran para panatilihin ang kapayapaan at kaayusan upang maiwasan ang karahasan sa oras na igawad ng NGCP ang writs of possession o injunction mula sa Korte sa mga pribadong istruktura na may kaugnayan sa pagpapanatili, pagsasaayos, rehabilitasyon at restorasyon.
Kasama rin sa responsibilidad ng DILG ay tawagin ang pansin ng mga lokal na pamahalaan upang agarang maresolba ang mga isyu kung hindi agad nakakuha ng mga permiso ang NGCP kahit na ito ay nakatugon sa mga requirements.
“Buo ang suporta ng DILG sa mga proyekto at inisyatibo ng NGCP para sa ligtas na operasyon at maintenance ng mga transmission facility nito tungo sa hindi napuputol at maaasahang probisyon ng transmission services para sa publiko sa pamamagitan ng pagtatapos ng mga transmission projects sa tamang panahon,” paliwanang ni Año.
Sinabi ni Año, na ang bagong lagdang Republic Act 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018 at Executive Order No. 30 na inilabas noong Hunyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naging daan upang likhain ang Energy Investment Coordinating Council (EICC) ay tumutugon sa pagpapabilis ng pagpapatupad ng mga energy project.
Walang sinayang na oras ang EICC at agad na inilabas ng Department of Energy (DOE) ang sertipiko ng Energy Project of National Significance (EPNS) sa Atimonan One Energy (A1E) at ng iba pang power projects noong Setyembre 11.
Ang bagong mga proyektong pang enerhiya ay kasama rin sa programang Build, Build, Build ng administrasyon. Ang mga bagong imprastruktura kalsada at tulay, mga pambansang gusali, paliparan at pantalan, at marami pa ay mangangailangan ng kuryente sa kanilang konstruksiyon at sa pagsisimula ng kanilang operasyon.
Bukod sa megawatts na maibibigay ng bagong mga planta ng kuryente sa bansa, makikinabang din dito ang mga lokal na komunidad, kasama na ang pagbibigay ng trabaho sa mga lokal na residente.
Sa Atimonan, pinangunahan ng pangulo ng Municipal Agricultural and Fisheries Council, Demosthenes Hernandez, ang mga magsasaka, mangingisda, manggagawa, residente at mga opisyal ng barangay sa rally sa Energy Regulatory Commission (ERC) upang ipahayag ang kanilang suporta sa 1,200-megawatt power plant ng A1E.
Bukod sa Atimonan plant, pinagkalooban na rin ng sertipikasyong EPNS ni Energy Secretary Alfonso Cusi ang isang wind power project sa isla ng Talim sa Binangonan at Cardona, Rizal at ang isang geothermal project sa probinsiya ng Kalinga.
Ang mga proyektong nakapasa bilang mahalaga sa bansa ay mayroong capital investment na hindi bababa sa P3.5 bilyon. Dahil dito, nararapat lamang na hindi na patagalin pa ang pagbibigay ng Energy Regulatory Commission ng final approval sa mga ito.
MODERNISASYON NG POWER GENERATING PLANTS
Sinabi ni Energy Secretary Alfonso Cusi sa kanyang pagbisita sa lalawigan ng Bulacan kamakailan na bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte, makakabitan ng kuryente ang bawat tahanan sa buong bansa.
Idinagdag pa ni Cusi na tinututukan ng ahensya ang patuloy na modernisasyon ng mga power generating plants at mga nakalinyang itatayo pa.
Base sa datos ng DOE, nakumpleto na ang modernisasyon ng Angat Hydropower Plant na nasa bunganga ng Angat Dam sa Norzagaray, Bulacan. Nagsusuplay ito ng 218 megawatt na kuryente mula sa ragasa ng tubig mula sa dam.
Patuloy naman ang pagsasa-ayos sa Limay Coal Plant sa Bataan na kayang magsuplay ng 600 megawatt habang sa Pangasinan, tinitiyak ng DOE na hindi pumapalya ang Sual Coal Plant na nagbibigay ng 1,000 megawatt at ang San Roque Hydropower Plant na may 345 megawatt.
Bukod sa pagpapabuti ng mga dati nang gumaganang mga planta, nakahanda na ring itayo at paandarin ang mga bagong planta ng kuryente na lilikha ng 12,683 megawatt mula sa renewable energy.
OCEAN THERMAL
NGAYONG taon, bubuksan ng DOE ang kauna-unahang Ocean Thermal Energy Conversion habang nakatakdang magkaroon ng Solar grid parity sa taong 2020.
Madadagdagan naman ng 2,345 megawatt ang suplay ng kuryente dahil sa wind energy pagsapit ng taong 2022; 25,398 megawatt mula sa hydro power sa 2023; at 75 megawatt mula sa ocean energy sa 2025.
Iba pa rito ang 284 megawatt na mula sa solar power sa taong 2030 at 1,495 megawatt na manggagaling sa geothermal energy.
Isang halimbawa na rito ang bagong bukas na 25 ektaryang solar energy farm sa barangay Pasong Bangkal at Casalat sa bayan ng San Ildefonso, Bulacan. Nakapagdagdag ito ng 15 megawatt na suplay sa power generation. Resulta ito ng pamumuhunan ng Cleantech Global Renewables Inc, na may lokal na subsidiary, ang Bulacan Solar Energy Corporation. Nakakasa na rin ang planong dagdagan pa ito ng mga solar panels upang umabot sa 85 megawatts ang malilikhang kuryente.