EUGENE FLORES
TILA isang unos ang humagupit sa mga manlalaro, fan, at sa basketball community matapos ang isang trahedyang tumapos sa buhay ng Los Angeles Lakers legend Kobe Bryant.
Binalot ng lungkot ang buong mundo sa nangyari. Kasama sa mga nasawi ang kaniyang anak na si Gianna Marie Bryant, basketball coach Christina Mauser, college baseball coach John Altobellie at anak nitong si Alyssa Altobelli at asawang si Keri Altobelli. Mag-inang sina Sarah at Payton Chester at ang piloto ng helicopter na si Ara Zobayan.
Ayon sa balita ay lumipad sa foggy condition ang helicopter kung kaya’t nangyari ang aksidente.
Bagama’t binigla at sinubok ng pangyayari ang milyon-milyong tao sa mundo lalo na ang mga pamilyang naiwan ng mga biktima, umalingawngaw ang mga aral at inspirasyong iniwan ni Kobe Bean Bryant para sa lahat.
Kilala bilang isang napakahusay na manlalaro si Bryant. Naglaro siya ng 20 season sa NBA suot ang lilak at gintong uniporme ng Lakers.
Sa dalawang dekadang paggugol nito ng pagmamahal at dedikasyon sa basketball ay milyon-milyong tao ang nabighani at inidolo si Bryant, kabilang sa mga ito ang mga magiging bagong mukha ng liga sa mga darating na taon.
Tunay na hindi matatawaran ang ambag nito sa buhay ng marami lalo na sa hanay ng mga atleta.
Marahil ay sasang-ayon ang marami na ang mentalidad ni Bryant sa loob at labas ng court ang pinakamatinding marka na kaniyang iniwan.
Tinatawag itong “Mamba Mentality” na hango sa kaniyang moniker sa liga — Black Mamba.
Narito ang pahayag dati ni Bryant ukol sa mentalidad na ito.
“If you see me in a fight with a bear pray for the bear. That’s ‘Mamba Mentality.’ We don’t quit, we don’t cower, we don’t run. We endure and conquer. Stop feeling sorry for yourself, find the silver lining and get to work with the same belief, same drive and same conviction as ever.”
Ganitong mentalidad ang dinala ni Bryant hindi lamang sa dalawang dekada niya sa NBA kundi sa pang araw-araw na buhay.
Ang killer instinct ni Bryant ang siyang nagpahanga sa mga taong nasa paligid nito at nagbigay sa kanya ng limang NBA championships, dalawang Finals MVPs, isang NBA MVP, apat na All-Star Game MVP, 17 beses na All-Star at marami pang iba.
Nabuo rin ang Mamba Sports Academy na may layong hasain ang mga manlalaro hindi lamang sa kanilang talent sa sports maging kung paano haharapin ang mga pangyayari sa buhay.
Pilosopiya ng Mamba Academy
“Mamba Mentality isn’t about seeking a result. It’s about the journey and the approach. It’s a way of life.”
Tinangkilik ng marami ang mga ganitong itinayo ni Bryant dahil tunay ito sa salita at gawa.
Tila itinadhana rin kay Bryant ang kanyang moniker dahil magkasintulad sila ng killer instinct ng makamandag na black mamba.
Bryant — Ang alamat
Bumuhos ang pag-alala at pasasalamat mula sa iba’t-ibang panig sa mundo na siyang nagpapakita ng impact ng isang Kobe Bryant.
Ganon din ay inalala ng mga tao ang kaniyang anak na si Gigi, 13 taong gulang na kasama niyang nasawi. Binansagan itong Mambacita dahil sa pagkakatulad niya sa ama na nahilig din sa basketball.
Inalala rin ang iba pang nasawi sa trahedya ngunit hindi maikakaila ang labis na pagkahinayang ng mga tao sa pagpanaw ng 41-anyos na manlalaro.
Sa Pilipinas na kilala bilang isang bansa na basketball-crazy, nagbigay din ng pasasalamat at pag-alala para sa mga biktima.
Kabilang dito ang pagpipintura ng isang court na may mukha ni Kobe at Gigi na ipininta sa pangunguna ng artist na si Mike Swift.
Nagkaroon din ng petisyon na gawing si Bryant ang logo ng NBA at ipangalan sa namayapang manlalaro ang All-Star MVP trophy.