Pinas News
KAHIT wala ang partisipasyon ng China ay maaari pa rin daw ipatupad ng Pilipinas ang naging ruling ng Permanent Court of Arbitration sa isyu ng agawan ng teritoryo sa South China Sea.
Katunayan ay mayroong tatlong mungkahi o opinyon si Supreme Court Acting Chief Justice Antonio Carpio ukol dito. Una ay maaaring pumasok sa isang kasunduan ang Pilipinas at Vietnam kaugnay sa tinatawag na overlapping extended continental shelves sa Spratly islands.
Maaari umanong gawing batayan ng kasunduan ang tinukoy ng Arbitral Tribunal na walang geologic feature sa Spratlys na maaring maging basehan ng exclusive economic zone kaya walang maituturing na overlapping Exclusive Ecoconomic Zone sa pagitan ng Pilipinas at Vietnam, dahil ito anya ay extended continental shelves lamang.
Ikalawa ay maaari din daw pumasok sa kaparehong sea boundary agreement ang Pilipinas at Malaysia para matukoy ang hangganan ng magkadikit na exclusive economic zone sa pagitan ng Borneo at ng Palawan. Ikatlo ay maaari umanong maghain ang Pilipinas sa United Nations Commission on the Limits of the Continental Shelf ng claim para sa extended continental shelf sa baybayin ng Luzon na malapit sa South China Sea.
Hindi umano kailangan ng Pilipinas ang pahintulot o partisipasyon ng China sa paghahain ng nasabing claim na inihalintulad ni Carpio sa pagsusulong ng claim ng Pilipinas sa Benham Rise na nasa Philippine Sea.
Alinsunod umano ito sa ruling ng Arbitral Tribunal na ang Pilipinas ay mayrooong buong 200 nautical miles na exclusive economic zone mula sa baybayin ng Luzon.
Tanong ng Sambayanan, kailan ba natin masosolo ang ating karagatan na inaangkin ng iba? Naaalala ba ninyo ang kwento ng “David and Goliath?”