Ni: Rommel Placente
Tinututukan ngayon ang teleseryeng “Wildflower” ng ABS-CBN bago mag-TV Patrol hindi lamang sa karakter ni Maja Salvador bilang si Ivy Aguas at Lily Cruz ang inaabangan ng mga manonood kundi pati na rin si Camia Cruz na ina ni Lily na ginampanan ni Sunshine Cruz.
“Very happy po ako sa Wildflower dahil sobrang tumatak si Camia Cruz sa mga televiewers. Actually lahat po ng characters sa Wildflower kinakapitan ng tao. Napakainit ng pagtanggap ng mga tao sa seryeng ito. Nakaka-proud po na napabilang ako dito.” Ayon pa kay Sunshine masaya siya kahit puro telebisyon lang muna ang ginagawa niya ngayon dahil hindi naman siya nauubusan ng proyekto.
“Focused on Wildflower for now. We shoot 3-4 times a week kaya solve naman po for now kahit Wildflower muna ang ginagawa ko. May offer na indie film but I have to turn it down because of schedule conflict and medyo controversial ang story. Baka mapagalitan po ako ng mga anak ko. Ha!Ha!Ha!” natatawang sabi pa ni Sunshine.
Nagpasalamat rin umano siya dahil inaalagaan siya ng Kapamilya Network simula nang magbalik showbiz siya.
“Blessed po ako at malaking pasasalamat sa showbiz lalo na sa ABS-CBN sa tiwalang binibigay nila sa akin. Mula nang magbalik-showbiz po ako noong 2013, ay dire-direcho ang serye na aking ginagawa. Unang serye ko ay ‘yung Dugong Buhay, Galema, Purelove, OMG, Dolce Amore at itong Wildflower. Sobrang saya kasi nakakapag- provide ako nang maayos sa tatlong mga anak ko, dahil sa tiwala at pagmamahal sa akin ng ABS-CBN,” sabi ni Sunshine.
Minsan nang tinalikuran ang showbiz
Matatandaan na noong nagpakasal si Sunshine sa aktor na si Cesar Montano noong taong 2000, ay pansamantalang iniwan niya ang showbiz at nag-concentrate siya sa pagbuo ng pamilya.
Nagkaroon sila ng tatlong anak na babae na sina Angeline Isabelle, Angel Franchesca at Samantha Angeline pero naghiwalay sila ni Cesar noong 2013 kaya nagdesisyon siyang bumalik ulit sa pag-aartista.
Sa kabila ng muli niyang pagbalik sa showbiz, ay nagawa pa rin niyang mag-aral. This year ay nagtapos siya ng kursong AB-Psychology sa Arellano University.
“Yes I pursued my studies because it has always been a dream to finish college. Unfortunately, I started young sa showbiz at nung mga panahong iyon ay dire-direcho ang work kaya high school lang po ang natapos ko. I’ve always wanted to study and learn about behavior ng mga tao kaya AB Psychology ang kinuha ko. Given a chance, gusto ko po mag-masters pero sa ngayon ipon muna para sa future ng kids kasi mahabang oras ang kailangan if i want to take up masters,” paliwanag ng actress.
Masaya ang love life
Aminado rin si Sunshine na masaya ang kanyang lovelife sa piling ni Macky Mathay, ang half-brother ng best friend niyang si Ara Mina.
“All I can say is mabuting tao si Macky. My kids are blessed na kahit hindi nila kadugo si Macky ay mahal sila na parang sariling anak. Hindi namin ipinilit. Wala kaming sinabi na “O kailangan maging malalapit kayo!” Automatically nangyari na lang and they are really close,” kuwento niya.
Solo niyang inaalagaan ngayon ang kanyang mga anak dahil sa kanya nakatira ang mga ito.
“As a single mom, I try my best to be a cool mom, but strict kung kinakailangan. Usapan namin ng mga bata, dapat honest at open sila sakin para maituro ko sa kanila ang tama dahil walang nanay na gustong mapasama ang mga anak,” paliwanag pa ng magandang actress.