JHOMEL SANTOS
MARIING sinabi ng Malakanyang na maaring pumasok sa panibagong Visiting Forces Agreement o VFA sa pagitan ng ibang bansa.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo matapos i-terminate ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kasunduan sa Estados Unidos.
Sa ilalim ng VFA, hinahayaan ang mga tropang Amerikano na pumasok sa Pilipinas kahit walang pasaporte o visa sa diwa ng “kooperasyon” para sa interes panseguridad ng dalawang bansa.
Sinabi ni Panelo na nilayon ni Pangulong Duterte na putulin ang VFA sa Amerika dahil sa pagkansela ng US visa ni Sen. Ronald dela Rosa at diumano’y pakikialam ng mga Amerikanong senador sa isyu ng human rights sa Pilipinas at pagkakakulong ni Sen. Leila de Lima.
Samantala nagpahayag ng pagka-konsensya si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa sa naturang disisyon ng Pangulo.
Sinabi ni Dela Rosa na nakokonsensya siya dahil ang kanselasyon ng kaniyang US visa ang naging dahilan ni Pangulong Duterte para i-terminate ang VFA.
Muling nilinaw ni Dela Rosa na hindi siya nagsumbong sa Pangulo at ang media ang naglabas ng ulat tungkol sa kanselasyon ng kanyang visa.
Naniniwala rin si Dela Rosa na may epekto rin sa Pilipinas ang pagtatapos ng VFA lalo na sa palitan ng impormasyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Pero mabuti na rin anya na maging independent ang Pilipinas at hindi na umasa sa Amerika.
Iginiit naman ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief Felimon Santos Jr. na mabubuhay ang AFP kahit wala ang visiting Forces Agreement o VFA kasama ang Estados Unidos.
Ito ang tinuran ni Santos sa isang panayam sa Senado kaugnay ng pagkalas ng Pilipinas sa VFA.
Inihalintulad naman ni Santos ang pagkalas ng Pilipinas sa military bases agreement kasama ang Estados Unidos noong 1992 na kung saan ay nanatiling matatag pa rin ang military forces ng bansa.
Ayon pa kay Santos, kayang palakasin ng Pilipinas ang sarili nitong military forces na hindi umaasa sa VFA sa pamamagitan ng gagawing pagpopondo para sa modernisasyon sa AFP.