JOSEPH Belison (kaliwa) ng R&D, Arvin Peralta (gitna) CEO and founder, Joana Diones (kanan) ng marketing.
Ni: Kristin Mariano
COCONUT, quezo de bola, at chicharon-flavored chocolates, ilan lamang ito sa mga flavors ng Hiraya artisan chocolates na made in the Philippines at hindi mo mahahanap sa iba.
Nakilala ko ang nasa likod ng matamis na negosyong ito na sina Arvin Peralta, Joana Diones, at Joseph Belison na pawang mga millennials. Sa kabila ng kanilang edad, patuloy nilang pinagsusumikapan ang artisan chocolate business na tunay namang maipagmamalaki ng mga Pinoy sa buong mundo.
Ang pangalang Hiraya ay mula sa sawikain na Hiraya Manawari na ang ibig sabihin ay “matupad nawa ang iyong mga hangarin.” Bilang mga batang ‘90s, nakuha nila ito sa popular na children’s show noong dekada ‘90 na may parehong pangalan.
Ang CEO at founder ng Hiraya na si Arvin Peralta ay nagtapos ng certification course para maging isang chocolatier sa Ecole Chocolat, isang chocolate school sa Canada. Iniwan niya ang kanyang trabaho bilang social media manager ng isang Singapore-based company upang palaguin ang kanyang negosyo.
Sa loob ng halos apat na taon, unti-unting nakilala ang Hiraya sa loob at labas ng bansa. Na-feature si Arvin sa isang article sa prestihiyosong Michelin Guide at naitampok na rin ang kanilang produkto sa Salon du Chocolat sa Paris, France.
Ang simula
Noon pa man ay ninanais na ni Arvin na makapagtayo ng kanyang sariling negosyo subalit batid niyang kulang ang kanyang kaalaman kung paano ito sisimulan. Ibinahagi niya na iba’t-ibang mga workshops at seminars na ang kanyang nadaluhan upang makakuha ng mga ideya hanggang sa dumalo siya sa isang camp sa Bulacan. Iba’t-ibang social enterprises ang pokus ng camp kung saan ibinahagi nila ang kanilang mga nalalaman sa social enterprise.
Ang isang social enterprise ay isang negosyo o organisasyon na gumagamit ng commercial strategies upang kumita at makatulong sa isang sektor ng lipunan. Hindi na bago ang konseptong ito dito sa Pilipinas. Naging epektibong paraan ito upang makatulong sa maraming komunidad sa bansa.
“Na-inspire ako sa mga istorya na iba’t-ibang social enterprises nung umattend ako ng isang camp sa Bulacan. Gusto ko rin magtayo ng isang business na may social impact,” bahagi ni Arvin.
Dahil sa kanyang hilig sa tsokolate, naging maliwanag na kay Arvin na ito ang direksyon na nais niyang tahakin. Nais niya na gumawa ng isang world class na tsokolate na magtatampok sa kalidad ng mga cacao ng bansa. Pero “No man is an island,” wika nga nga marami. Sa pagpapalago ng kanyang negosyo, nangalap ng mga katuwang si Arvin at nabuo niya ang core team ng kompanya kabilang sina Joana Diones bilang marketing head, at Joseph Belison sa research and development.
Hindi naging madali ang pagtatayo ng sariling negosyo. Aminado si Arvin na hindi naging madali ang pagpapakilala ng Hiraya sa merkado lalo na at hindi lang lokal ang kompetisyon. Dagdag pa niya na may perception ang mga Pilipino na mas maganda o mas mataas ang kalidad ng mga produktong imported. Natagalan din sila sa paghahanda at pagma-market ng kanilang produkto dahil sa iba’t-ibang lab tests at requirements ng gobyerno at ibang retailers upang masiguro ang kalidad at kaligtasan nito.
Hiraya chocolates vs ibang brands
Marami ang nalilito sa kaibahan ng artisan chocolates sa ibang mga tsokolate na mabibili natin sa mga supermarket. Kung pamilyar kayo sa kwento o pelikulang Charlie and the Chocolate Factory, iisipin niyo ang isang malaking pabrika ng tsokolate na puno ng makina na nag ma-mass produce ng tsokolate na siya nating mabibili sa mga supermarket. Ang artisan chocolates ay ginagawa ng isang malikhaing manggagawa at karaniwan handmade ang mga ito. Ganito ang prosesong sinusunod ng Hiraya. Kaunti lamang ang kanilang ginagawa upang mapanatili ang mataas na kalidad ng produkto.
Isa pa sa mga ipinagmamalaking katangian ng Hiraya ay ang pagiging “bean-to-bar” ng kanilang tsokolate. Kinukuha nila ang kanilang cacao beans direkta sa mga magsasaka sa Malabog, Davao sa kapareho o mas mataas pa na presyo. Sa ganitong paraan mas nasisiguro nila ang kalidad ng mga cacao beans na ginagamit nila.
Prayoridad ng Hiraya na gumamit ng mga cacao beans na makukuha lamang sa Pilipinas. Giit ni Arvin na mayaman ang Pilipinas sa cacao simula pa noong panahon ng mga Kastila. Ito ang pokus ng social enterprise, na matulungan ang mga maliliit na magsasaka.
“We eliminate the middle man. Nakikinabang yung farmers dahil sa pareho kami sa presyo. Nakikinabang ang Hiraya dahil we get only the high quality beans for our product,” wika ni Joseph.
“Hiraya supports the local industry, especially the farmers. We made a crowdfund to sponsor yung facility sa Malabog, Davao para makatulong sa fermentation ng cacao beans. We also help the farmers by connecting them to the right people to widen their network to help their livelihood,” dagdag pa ni Arvin.
Ipinagmamalaki ng Hiraya na naiiba sila sa kanilang kompetisyon dahil 100% Pinoy ang kanilang produkto, mula sa tsokolate hanggang sa packaging. “100% Pinoy! Hindi lang kung saan namin kinukuha yung mga cacao beans, pati flavors at packaging namin, it screams Filipino. Yung packaging for Coffee Nibs shows yung map of Benguet kung saan sourced yung coffee. Yung sa ibang flavors, traditional design ito sa Mindanao ng mga jewelry box noon. Yung art ay gawa ng talented Pinoy artist,” paliwanag ni Joana.
Ang hinaharap
Ikinalulugod na ibinalita ng Hiraya sa PINAS na pasado sa lahat ng lab test ang Hiraya Chocolates. Target ng Hiraya ang mga millennials na naghahanap ng value at experience sa mga binibili nila. Target rin ng kumpanya ang mga OFWs at balikbayans na namimiss ang lasang Pinoy dahil sa mga unique flavors na ino-offer nila. Bukod sa 72% dark chocolate, meron ding chicharon, coconut, at queso de bola flavors. Balak ng Hiraya na palawakin at gawing mainstream pa ang kanilang distribusyon sa pagdadagdag ng mga retailers. Sa ngayon, available ang mga produkto ng Hiraya sa 10 specialty stores at tatlong online stores. Sa mga malls, available ang Hiraya sa GoLokal sa Robinsons Manila at magbubukas ng isa pang outlet sa Festival Mall sa Alabang. Sa paglago ng Hiraya ay kasamang pag-angat ng mga magsasaka sa Pilipinas.
May maipapayo si Arvin sa mga nais pumasok sa chocolate business sa Pilipinas, “Do your research! There is a lot of room in the market. Kailangan mo ng magandang plan. Kapag magbi-business ka, you have to have a vision. That is why I always have the end in mind. You have to know how to get from point A to point B or your goal. It will be very challenging and it may not always go the way you want it to. Be flexible in your approach and look for ways to get there. Have the right attitude such as grit, determination, commitment, and passion.”