Inaasahang magiging ligtas, maginhawa at environment-friendly ang mga modernong sasakyan gamit ang Euro-4, solar o di ginagamitan ng kuryente na mga dyip at bus.
Ni: Maynard Delfin
HINDI ipagpapaliban ng Department of Transportation (DOTr) ang napipintong public utility vehicle (PUV) modernization program ng ahensya sa Marso 2019.
Ito ay sa kabila ng alinlangan ng ilang kongresista at senador sa kahandaan ng DOtr na ipatupad ang planong ito para sa transportation sector na matagal na rin namang nabibinbin.
Nais ng DOTr na palitan ang mga lumang dyip at bus na bumabagtas sa mga pangunahing kalsada sa buong bansa para maging environment-friendly ang mga ito kahit maraming mga drayber at operator ang umaangal sa kamahalan ng proyektong ito.
Mariing sinabi ni Transport Secretary Arthur Tugade sa isang panayam na wala nang makakapigil sa pag rollout ng mga bagong sasakyan sa ilalim ng programa, sa itinakdang panahon.
Sinabi ito ni Tugade matapos lumabas sa hearing sa Senado ang maraming tanong at naipahayag din ng mga mambabatas ang kanilang mga alinlangan tungkol sa PUV modernization program. Tila minamadali ng DOTr at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang programa, saad nila.
ANG pangunahing layunin ng PUV Modernization Program ay maging ligtas ang mga commuter at makasunod ang lahat sa 1999 Clean Air Act.
Handa na nga ba?
Ayon kay Senador Grace Poe, chair ng Senate transportation committee, tila hindi pa handa para sa phase out ng mga jeep ang pamahalaan dahil hindi pa malinaw ang mga panuntunan na dapat masunod ng lahat ng sektor na maapektuhan.
Aniya ang pangunahing layunin ng PUV modernization program ay maging ligtas ang mga commuter at makasunod ang lahat sa 1999 Clean Air Act. Ngunit, hindi rin maaaring ipagwalang bahala ang kapakanan ng mga driver at operator na mahaharap sa malaking gastusin para makasunod sa programa.
Tinanong ni Poe kung bakit minamadali ito ng DOTr kahit malaki ang posibilidad na magdulot ito ng kawalan ng kabuhayan sa libu-libong mga driver sa buong bansa.
AYON kay Transport Sec. Arthur Tugade, Malaking kaginhawahan para sa lahat ang inaasahan sa pagpapatupad ng Public Utility Modernization Program sa Marso 2019.
Planong PUV modernization
Noong Hulyo 2017 inilunsad ng DOTr ang PUV modernization program na may pangunahing layunin na alisin sa lansangan ang mga jeepney, bus at UV Express van na may edad 15 taon pataas at palitan ang mga ito ng mas modernong sasakyan na aprubado ng pamahalaan at alinsunod sa Euro-4 emission standards.
Layunin ng programa na ang mga PUV ay gawing mas ligtas, maginhawa para sa mga commuter at environment-friendly. Kasabay din sa mga pagbabagong maaasahan sa pagsulong ng programa ang pagpapatupad ng Omnibus Franchising Guidelines (OFG).
Binabalangkas ng OFG ang mga bagong regulasyon para sa mga PUV franchise na naglalayong baguhin ang kanilang mga nakasanayang ginagawa na nakakapinsala sa kalikasan at mapabuti rin ang kanilang kapakanan sa bandang huli.
Sa bagong patakaran, ang mga local government units (LGUs) ay inaasahang bubuo ng local transport plan na may nakapaloob na traffic management measures, plano ng ruta base sa kasalukuyang road networks, at passenger demand.
Sa kasalukuyan, ang mga may PUV franchise ay nakikipag-ugnayan sa pagbalangkas ng mga route proposal para sa mga operator.
Dagdag pahirap sa mga mahihirap
Malakas na tinututulan ng iba’t ibang grupo ng mga driver at operator ng jeepney ang PUV modernization program. Tinawag nila itong isa na namang anti-poor program ng rehimeng Duterte dahil magbibigay ito ng panibagong mabigat na pasaning pinansiyal sa kanila.
Sa gitna ng sunod-sunod na na pagtaas ng presyo ng gasolina, nananawagan sila sa pamahalaan na maglaan ng sapat na pondo na maari nilang mautang upang makabili ng mga bagong sasakyan na nagkakahalaga sa ngayon ng P1.8 milyon bawat isa.
DOtr handang tumulong
Ayon kay Assistant Transport Secretary Mark de Leon, ang ahensya ay may nakalaang pondo para makapagbigay sa mga jeepney driver ng kinakailangang suporta at subsidies upang matulungan sila sa transition period.
Ilan sa mga ito ay ang P5,000 subsidy sa gasolina sa ilalim ng ibinalik na Pantawid Pasada Program at P80,000 subsidy para sa pagbili ng mga bagong sasakyan.
Wala nang atrasan
Ipinaliwanag ni De Leon na ang PUV modernization program na magsisimula sa Marso 2019 ay “isang timeline at hindi deadline.”
Ang opisyal na pahayag na ito ay reaksyon ng DOtr assistant secretary sa mga balitang ipagpapaliban ang pagpapatupad ng PUV modernization program.
Pinagdiinan ni De Leon na dahil ito ay timeline at hindi deadline, dapat asahan na ito ay matutuloy na at ang transition period na magsisimula sa Marso 2019 ay matatapos sa Hunyo 2020. Ito ay tatlong taon mula sa paglulunsad ng PUV modernization program at ang pagpirma ng OFG.
Sinigundahan ni De Leon ang pahayag ni Martin Legara, chairman ng LTRFB, na walang franchise ang mapapaso o makakansela kung ang mga operator at driver ay hindi agad makakasunod sa LTFRB memorandum circular sa Marso 2019.
“Walang mga sasakyang papalitan at mga prankisang kakanselahin. Ang pinag-uusapan lang po natin dito ay ang pagpapatatag ng mga unit na kasalukuyan na po nating ginagawa,” saad ni Legara.
Mga pagbabagong inaasahan
Alinsunod ang mga ito sa mga nakasaad sa Memorandum Circular 2018-006 o Guidelines for the Public Utility Vehicle Modernization Program’s Initial Implementation, at MC 2018-008 o Consolidation of Franchise Holders in Compliance with the OFG.
Batay sa LTFRB memorandum circular, ang mga kasalukuyang ruta at prankisa ay ibibigay sa ibang mga kooperatiba kung ang mga driver at operator ay hindi susunod sa mga patakaran ng programa.
Inaatasan ang mga franchise operator ayon sa mga memorandum circular na bumuo ng kooperatiba at magpatupad ng fleet management para mapabuti ang kanilang pamamasada sa mga lansangan.
Kinakailangan din ng mga franchise holders na palitan ang kanilang mga sasakyan ng bagong Euro-4, solar o sasakyang di ginagamitan ng kuryente sa loob ng isang taon pagkatapos ang paglabas ng mga circular sa Marso 2019.
Benepisyo sa mga pasahero
Maaasahang higit na maseseguro ang kaligtasan ng mga commuter sa ilalim ng PUV modernization program. Lalagyan ang mga bagong sasakyan ng GPS at CCTV upang masubaybayan ang mga driver at pasahero habang binabagtas ang mga lansangan sa ano mang oras. Ipatutupad din ang mga limitasyon sa bilis ng pagpapatakbo ng mga sasakyan gamit ang speed limiters. May mga itatalaga ring safety officer sa kalsada.
Masusing papalawakin at pag-iibayuhin ng programa ang public transport network. Kasabay dito ang paglalagay ng mas madaling access para sa mga PWD, matatanda, bata at mga taong may limitadong paggalaw.
Kapakinabangan sa mga namamasada
Di lingid sa lahat na maraming mga jeepney driver ang tutol sa PUV modernization program. Subalit dapat ipaalam din na marami ring nakalaang benepisyo para sa kanila ang pagbabagong ito. Isa sa pinakamahalaga rito at ang pagkakaroon nila ng tiyak na buwanang sahod at iba pang benepisyo sa ilalim ng programa.
Di na nila kailangang pumarada gaya ng dati sa gitna ng kalsada o kung saan-saan para lamang makapuno ng sasakyan at makipag-agawan sa kapwa drayber para sa mga pasahero para makaseguro sa kikitain sa araw-araw.
Mababawasan na rin ang oras ng kanilang pagtratrabaho at magkakaroon na sila ng pagkakataong makasama sa mga government-sponsored driving training program. Higit sa lahat, makakaasa silang mas madaling imaneho ang mga modernong PUVs.