HANNAH JANE SANCHO
NAKAHANDA ang Pilipinas sa bantang dala ng H5N1 bird flu virus mula sa mga bansang apektado nito.
Ito ang tiniyak ni Agriculture Asst. Sec. Noel Reyes sa panayam ng SMNI News.
Aniya, may mga ginagawa na silang hakbang upang pigilan ang pagpasok nito sa bansa.
“May statement na kami diyan na kami, tayo, ang Pilipinas ay ready to ward off or to prevent the entry of, yung H5N6, na bird flu virus,” ani Asst. Sec. Noel Reyes, spokesperson, Dept. of Agriculture.
Dagdag pa ni Reyes, dalawang beses sa isang taon na nagsasagawa ng surveillance ang pamahalaan lalo na sa mga lugar na kalimitang pinupuntahan ng migratory birds tuwing panahon ng winter sa ibang bansa gaya ng Europe at China.
Ilan aniya sa mga minomonitor ng pamahalaan ay ang Candaba at ilan pang swamps na kalimitang pinupuntahan ng migratory birds sa bansa.
Maaalalang maliban sa 2019 nCoV ay nagdulot din ng panibagong pangamba sa publiko ang pagtama kamakailan ng H5N1 outbreak sa Hunan province sa China na kumitil ng nasa libo-libong manok.
Maliban dito, nagpatupad na rin ng temporary ban para sa importasyon ng poultry products mula China at Poland matapos maitala ang bird flu outbreak.
Batay sa pag-aaral maaaring mailipat sa tao ang H5N1 virus at aabot sa 60 percent ang mortality rate ng mahahawaan nito.