Ni: Joyce P. Condat
Madalas bang nanlalabo ang iyong paningin? Sinasabayan ba ito ng pagkahilo? Kung madalas itong mangyari, maaaring may astigmatism ka.
Ang astigmatism ay problema sa cornea, ang transparent na parte ng mata na nasa pinakabungad. Tila bola ng basketball ang hugis nito. Sa mga taong may astigmatism, ang hugis ng kanilang cornea ay parang bola ng football, depende na rin kung gaano kalalim ang degree ng kurba nito. Ibig sabihin, hindi perpektong bilog ang hugis ng kanilang mata.
Ang mata ng taong may astigmatism ay hindi nakakapag-refract ng ilaw nang maayos dulot ng abnormal na hugis nito. Sa normal na mata, iisa lang ang focus ng ilaw sa retina o ang pinakalikod na parte ng mata. Ang pagkalabo ng mata ng taong may astigmatism ay dulot ng kalat-kalat na ilaw na tumatama sa retina mula sa cornea.
Hindi pa nalalaman ang tunay na sanhi ng astigmatism. Marami ang nagsasabi na dulot ito ng palaging nakatutok ang mga mata sa telebisyon o pagbabasa sa madilim subalit hindi ito totoo ayon sa webmd.com. Ayon din sa kanila, natural na umano ito sa karamihan sa atin subalit hindi naman nagkakaroon ng astigmatism. Maaari ring makuha ito mula sa eye injury, sakit sa mata, o surgery.
Magpakonsulta sa isang optometrist kung nagsisimula nang manlabo ang iyong mata. Maaari ka nilang bigyan ng salamin na may grado o contact lenses. Kung talagang malala na ang sitwasyon ng iyong astigmatism, maaari nilang imungkahi sa iyo na sumailalim sa surgery tulad ng laser in situ keratomileusis (LASIK surgery) o photorefractive keratectomy (PRK). Ang mga operasyong ito ang mag-aayos ng hugis ng iyong cornea.