Ni: Louie C. Montemar
Sa kabila ng samu’t saring usaping sumusulpot sa ngayon, nananatili ang bansa natin bilang isa sa mga may pinakamabilis na lumalagong ekonomiya sa Asya-Pasipiko. Mahigit dalawang taong tuluy-tuloy ang naging paglago ng ekonomiya natin ng mahigit sa 6.5%. Halos kapantay ito sa 6.8% na paglago ng Tsina nitong unang tatlong buwan ng 2018.
Abo’t kaya at regular na suplay ng enerhiya o kuryente ang isang mahalagang sangkap upang maipagpatuloy ang ganitong paglago. Upang patuloy na maungusan ang Indonesia (na may 5.1%) at mahabol ang Vietnam (nasa 7.4%), hindi dapat balewalain ang mga senyales na maaaring kukulangin na ang ating suplay ng kuryente. Halimbawa na lamang, nagkaroon na ng pitong yellow alert sa unang hati ng 2018 kumpara sa tatlo lamang nitong nakaraang taon sa kaparehong panahon.
Hindi kataka-taka ang mga alertong ganito sa suplay ng kuryente dahil ayon sa mga pinakabagong datos, ang karagdagang kapasidad sa paglikha ng kuryente ay lumaki lamang ng tatlong porsyento mula 2017 (15,745 MW) hanggang sa unang hating-taon ng 2018 (16,232 MW). Tumaas naman ng 8.2 porsiyento ang demand; mula sa 10,054 MW noong 2017 at naging 10,876MW sa unang kalahati ng 2018.
Dagdag pa rito hindi halos nadama ng mga konsyumer ang pagbaba sa average na taripa ng Meralco kahit pa bumaba na nga ito ng apat na porsiyento mula noong Enero 2016. Higit na mababa ito kumpara sa 12 porsiyentong average na pagtaas sa kaso ng 46 na iba pang bansa ayon sa isang pag-aaral ng International Energy Consultants (IEC), isang Australyanong kumpanyang bihasa sa mga usapin sa enerhiya sa Asya.
Ayon na rin sa IEC, mula noong 2012 hanggang ngayon, bumaba na ng kabuuang 18 porsyento ang kasalukuyang pagpepresyo ng Meralco (Peso/kWh) sa kuryente. Maibababa pa ito.
Patuloy na maibababa pa ang presyo ng halaga ng produksiyon nito sa pamamagitan ng dagdag pang pamumuhunan sa bagong henerasyon ng mga planta upang matugunan ang mabilis na pagtaas ng demand. Unang-una kailangang mabawasan ang red tape upang mapadulas ang pamumuhunan sa sektor.
Maibababa ang presyo ng kuryente sa pamamagitan ng kagyat at istratehikong pamumuhunan sa sektor ng enerhiya at pagpapadulas ng mga pamumuhunan dito. Dapat harapin ang isyung ito dahil hindi natin mapalalago pa ang ating ekonomiya kung kulang tayo sa mga planta ng enerhiya. Palaguin pa natin ang ating ekonomiya.