Ni: Dennis Blanco
NITONG mga nakaraaang araw ay naging mainit na isyu ang bullying incident na nangyari sa isang sikat na paaralan sa Maynila at nag-viral ang video na naging dahilan upang pag-piyestahan at pag-usapan ng mga netizens ganun na rin ng mga ordinaryong mamamayan.
Bagama’t ito ay nalutas na sa pagkaka dismiss ng isang estudyanteng menor de edad sa nasabing paaralan, hindi pa rin nagtatapos ang hamon at isyu ng bullying na hindi lamang nangyayari sa eskuwelahan, kundi na rin sa mga tahanan, opisina ng gobyerno, mga korporasyon o saan mang lugar na mayroong indibidwal at grupo na ginagamit ang kapangyarihan, talino, kayamanan at kakayahan para mang-api at mang-alipusta ng dangal ng kanilang kapwa. Wala itong pinipiling lugar, oras, lokasyon at bansa, samakatuwid, ito ay isang isyung nangangailanagan ng lokal at pandaigdigang solusyon. Ang artikulong ito ay tumatalakay lamang sa konteksto ng bullying sa loob ng paaralan.
Ayon kay Olweus (1993) at Shore (2009) na binanggit sa artikulo nila Simon at Neil (2013, 81) na pinamagatang “Introduction to special issue on bullying: A social influence perspective,” ang tradisyonal na konsepto ng “school-age bullying” ay binubuo ng tatlong elemento: 1) ang paulit-ulit na pangyayari ng pananakit na berbal, relasyonal at pisikal ng bully, 2) ang pagkakaroon ng perception na ang bully ay mas malakas at makapangyarihan kaysa sa biktima o batang binu-bully at, 3) ang pagkakaroon ng intensyon na saktan ang biktima.
Subalit, bibigyang diin din ng ilang authors na ang bullying ay hindi lamang isang sosyal na interaksyon o ugnayan ng bully at biktima, kung hindi kinasasangkutan din ng mas malawak na ugnayan ng indibidwal sa kanyang pamilya, paaralan, at pamayanang ginagalawan.
Halimbawa, para kay Borgwald at Theixos (2013) na binanggit din sa artikulo nila Simon at Neil (2013, 83), ang pagpataw ng parusang expulsion sa estudyanteng guilty sa pag-bully ay hindi mahusay, hindi makatarungan at hindi epektibong anti-bullying policies, sa halip ay isinusulong nila na ang mabisang pagsugpo sa bullying ay ang pagbibigay ng edukasyon at kamalayan sa bully, pagsasanay sa pagbibigay ng empathy para ma-develop ang social skills ng bully, at pagkakaroon ng venue at oportunidad na kung saan ang bully ay humingi ng kapatawaran at ang biktima ay nakapagbigay ng kapatawaran.
Naalala ko tuloy, ang isang istratehiya na ginagamit ng isang paaralan sa United Kingdom para maiwasan ang bullying sa mga batang mag-aaral na napanood ko sa isang balita sa telebisyon na kung saan ang isang sanggol na bata ay pinakakarga ng guro at social worker sa bawat mag-aaral para maramdaman at maipahayag nila ang pagmamahal at pagpapahalaga sa damdamin ng sanggol ng sa gayun ay sa kanilang murang edad ay matuklasan nila ang kahalagahan ng dignidad ng bawat nilalang.
Kung mayroon mang dapat tularan kung paano mapagtagumpayan ang bullying, ay walang iba kung hindi ang ating pangunahing pambansang bayani na si Gat Jose Rizal na ating ipagdiriwang ang ika-122 na death anniversary sa Disyembre 30. Dahil sa kanyang maliit, payat at mahinang pisikal na kaanyuan, ay minsan na rin siyang na-bully noong siya ay nag-aaral pa sa Escuela Pia o Ateneo Municipal ng kaniyang mga ka-klase. Subalit hindi siya nagpagapi at nagpatalo sa halip ay pinatunayan niya na mas mahalaga ang pagbuo ng pagkatao at dignidad kaysa sa pisikal na kaanyuan lamang.