Pinas News
JEEPNEY operator humirit ng dagdag-pasahe at rush hour rate para sa modernong jeepney.
Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Board Member Attorney Aileen Lizada, nais ng mga operator na itaas sa sampung piso ang base fare sa non-air conditioned units habang dose pesos para sa air-conditioned units, mula sa kasalukuyang walong piso.
Idinahilan aniya ng mga modern jeepney operator ang gagastusin sa bagong itinakdang standards ng pamahalaan gaya ng paglalagay ng surveillance cameras, wifi, dashboard cameras at automated fare collection systems.
Sinabi ni Lizada na humirit din ang mga ito ng rush hour rate sa kasagsagan ng peak hours na mula alas-singko ng madaling araw hanggang alas-otso ng umaga at mula naman alas-singko ng hapon hanggang alas-otso ng gabi.
Didinggin aniya ng LTFRB ang fare hike petitions kasama ang National Economic and Development Authority (NEDA) para masuri ang potensyal na epekto ng adjustment.