NI: CHERRY LIGHT
Nasa anim na libo ang bilang ng mga undocumented Overseas Filipino Workers na nakauwi na sa bansa magmula nang ipinatupad ng Saudi Government ang Amnesty program.
Ayon kay Atty. Cesar Chavez,OIC, Repatriation and Assistance Division ng OWWA, bukod sa anim na libo may siyam na libo pang hindi dokumentadong Pinoy ang kasalukuyan pang nasa Saudi at karamihan sa kanila ay naghihintay na lamang ng exit clearance.
Kanina, panibagong batch na naman ng mga repatriated OFWs ang dumating na sa bansa na lulan ng Philippine Airlines Flight PR 663
Ang 117 undocumented OFWs ay bahagi sa amnesty program ng gobyerno ng Saudi Arabia.
Laking pasasalamat at galak ang naramdamang ng mga OFWs sa naging hakbang na ito, dahil marami sa kanila ay matagal nang gustong umuwi sa bansa matapos makaranas ng iba’t ibang suliranin sa Saudi.
Magtutuloy-tuloy aniya ito hanggang sa matiyak ang kapakanan ng mga Pinoy sa Saudi Arabia bago matapos ang itinakdang deadline.
June 25 ang unang itinakdang deadline ng repatriation para sa mga undocumented OFWs pero napalawig ito hanggang sa July 24 ayon sa OWWA.