Louie C. Montemar
PATULOY ang pagtaas ng GDP ng bansa sa kabila ng maraming mga usaping pampulitikang nagsusulputan. Sabi nga ng Department of Finance, nasa isang “Goldilocks zone” ang ekonomiya. Ibig sabihin, napakainam ng batayang sitwasyon sa paglago ng ekonomiya. At sa paglago ng ekonomiya, tiyak na tumataas ang pangangailangan ng bansa sa kuryente upang patakbuhin ang mga pagawaan at iba ibang pamayanan.
Sa ganang ito, malaking bagay ang pahayag ng Meralco hinggil sa palalakihing pamumuhunan nito sa mga planta ng kuryente na lilikha ng renewable o green energy. Ayon mismo sa bagong pangulo at CEO ng Meralco na si Atty. Ray Espinosa, ang korporasyon ay mamumuhunan sa mga proyekto sa RE na lilikha ng dagdag na 1,000 megawatts (MW) sa susunod na lima o pitong taon.
Ayon sa kanya, ang Meralco ay nakatuon sa pagpapaunlad ng malalaking proyekto ng RE na lilikha ng kuryente sa lebel na competitive para sa mga mamimili, “nang walang anumang pangangailangan para sa subsidiya, habang pinapanatili ang pangangalaga sa kapaligiran.”
Ang naging mga pagbaba ng gastusin sa pagpapaunlad ng mga RE projects, lalo na sa solar at hangin, nitong mga nakalipas na taon ang nagtulak sa Meralco na mas suungin pa ang landas na ito.
Magandang balita ang pahayag ng Meralco na mamuhunan sa RE nang walang tulong na salapi o subsidiyo mula sa mga konsyumer. Bukod sa malaking tulong ito upang matugunan ang banta ng kakulangan ng suplay ng kuryente sa isang lumalagong ekonomiya, isang makabuluhang ambag ito sa pangangalaga sa ating kapaligiran sa panahon ng climate change (o para sa iba nga, climate crisis).
Malinaw ang benepisyo sa kapaligiran ng paggamit ng RE. Kailangan natin paunlarin pa ang teknolohiya at tangkilikin ito. Kailangan natin ng mas maraming kompetisyon sa kuryente na kokontra sa mala-monopolyang pagpresyo sa kuryente at maging sapat ang suplay para sa lahat ng mga konsyumer.