Hatol ng FIBA sa Gilas na manlalaro, PBA sumaklolo

Ilan sa mga napipisil na PBA players ang sumaklolo sa kanilang kapwa PBA at Gilas players na masususpinde sa darating na 2nd round ng FIBA Qualifying tournament na magsisimula ngayong Setyembre.  

Ni Edmund C. Gallanosa

ISANG buong buwan na lamang ang magiging paghahanda ng Gilas Pilipinas bago magbukas ang 2nd round ng FIBA Basketball World Cup 2019 Qualifiers tournament.  Kabilang ang Pilipinas sa Group F ng nasabing torneo, kasama ang bigating bansa tulad ng Iran, Qatar, Kazakhstan, Japan, at guess who? Ang Australia.  Subalit malaki ang suliranin kakaharapin ng team Gilas—ibinaba na ang hatol na suspensyon mula FIBA sa mga manlalarong nasabak sa gulo noong huling laro ng Gilas kontra Australia. Sa pagpasok ng round 2, ipapataw ang suspensyon sa mga may sala.

Sa team Gilas, 10 ang sinuspindeng ilang araw ng paglalaro.  Nangunguna si Calvin Abueva na suspendido ng 6 na laro; si RR Pogoy, Carl Bryan Cruz at Jio Jalalon, 5 laro; suspendido naman si Andray Blatche, Jayson Castro, Terrence Romeo at Troy Rosario ng 3 laro; at si Japeth Aguilar at Matthew Wright ay masususpinde naman ng isang araw na laro.

Malaking dagok ito sa ating bansa at sa pagkakataon nitong manalo sa FIBA Championship.  Sapagkat kung iintindihing maigi, malalagasan tayo ng walo hanggang sampung manlalaro sa tatlo hanggang limang laban. Ibig sabihin, sa second round ay tatlo lamang ang opisyal nating manlalaro na makakakumpleto ng first window laban sa limang team —ang Iran, Kazakhstan, Qatar, Japan at laban sa Australia.  Sa sitwasyong ito, lalagpak ang pangarap natin para makalahok sa championship round na gaganapin sa China sa 2019, kung sakaling makakalusot tayo sa 2nd round ngayong taon.

SBP tuliro, PBA to the rescue

Matindi na nga ang labanan sa ikalawang round, mas lalo pang pinatindi ng pagkakasuspinde ng mga basketbolista natin. Malagasan ka na ng isa hanggang dalawang player sa klase ng torneong ito ay malaki na ang suliranin ng isang team, gaano pa kaya kahirap ang malagasan ka ng walo hanggang 10 manlalaro sa gitna ng torneo?

Enter the Philippine Basketball Association (PBA).  Mabuti na lamang at nagbago ang panuntunan ng paghihiram ng mga manlalaro mula sa PBA.  Noong mga nagdaang taon, naging policy ng propesyonal na ligang ito na magpahiram lamang ang bawat koponan ng isang manlalaro para sa Gilas program (one-player-one-team policy).  At dahil sa gulong kinasangkutan ng mga manlalaro, minabuti ng pamunuan ng PBA sa pangununguna ni PBA Commissioner Willie Marcial at mga board of governors ng mga koponan na baguhin ang panuntunan ng player-lending at tulungan ang Gilas program.  Ayon sa bagong policy, open na ang bawat team na magpahiram na kahit na ilang players sa team Gilas para mapunuan ang lakas na nawala dahil sa sinuspinding mga manlalaro.

“Kalimutan na ang one-player-one-team policy,” ani Al Chua, Sports Director ng San Miguel Corporation.  Kung kinakailangan ipahiram ang lahat ng players ng SMC group, gagawin aniya.  Ito naman ay positibong inaksyunan ni PBA Commissioner Marcial at pinalitan ang dating polisiya ukol sa player-lending.

Sinu-sino kaya ang maaaring sumaklolo alang-alang sa ating bansa, sa mga kababayan natin, sa mga kapwa players nila?  Base sa aming analysisopinion ng mga eksperto, taga-PBA, mga basketball aficionados at sa survey naming ginawa noong mga nakaraang linggo, may nabuo kaming listahan ng piling manlalaro na ang kombinasyon ay maaaring maging panapat sa mga mawawalang players at magpapahirap sa mga makakalaban natin.

Bilis sa backcourt, galing sa diskarte

Sa pagkakasuspinde ng 3 laro sa playmakers at shooters na sina Terrence Romeo at main man Jayson Castro, pilay agad ang Gilas.  Si LA Tenorio ng Barangay Ginebra ay mainam na pamalit kasabay ni Stanley Pringle ng Globalport.  Si LA ay beterano na rin ng maraming international tourney, dedicated at hustle player.  Alam nang nakakarami ang puso nito pagdating sa paglalaro.  Mabilis din tulad ni Castro at mataas ang IQ sa paglalaro.  Si Pringle naman ay isang malupit na one-on-one player, deadly sa open court at sa 3-point arc.  Pamilyar na rin ito sa laro sa labas ng bansa.  Subalit sa kasalukuyan, may sabit pa ito sa eligibility niyang maglaro sa FIBA.  Ang mainam na pamalit?  Enter Scottie Thompson ng Barangay Ginebra.  May guard-shooter ka na, may rebounder ka pa.  ‘San ka pa?  Bihira ang talent na ganito.  Pinaka-mainam rin na kapalit ni Abueva dahil sa maraming pinapahiyang matatangkad pagdating sa rebounding.

Pilay sa ilalim, depensang pangmalalaki

Sa suspensyon ng mga big men n sina Troy Rosario, Japeth Aguilar at Andre Blatche ng ilang laro, maaari naman maibsan ang kawalan ng towering enforcer sa loob sa paggamit kay Greg Slaughter ng Barangay Ginebra at Ian Sanggalang ng Magnolia.  Hindi naman mawawala sa kampanya si June Mar Fajardo, kaya maaaring magkatulungan ang kombinasyong ito sa loob.  Ang mga wingmen naman tulad nila Raymond Almazan ng Rain or Shine at Arwind Santos ng San Miguel Beer na parehong mahaba ang galamay, magaling magbantay at may shooting sa labas ay  malaki ang maitutulong kina mainstays Fajardo at Gabe Norwood.  Sa pagkakaroon ng Slaughter sa loob, maaaring mag-slide bilang forward-center si Fajardo at batuhan ng bola para sa tres sina Almazan at Santos sa kanan at kaliwa.

Deadly shooter sa labas

Ito naman ang maaaring dalhin sa team Gilas nila Marcio Lassiter ng San Miguel Beer at Jeff Chan ng Barangay Ginebra, pamalit sa nasuspindeng Matthew Wright at Jio Jalalon.  Iba ang dimension na madadala ng dalawang quick-release shooter na ito na pumupukol ng kabi-kabilang tres, na siya namang isa sa pinaka-mahalagang arsenal sa international competition.

“We just have to continue to fight and play. We can’t give up.”  Sabi ni Samahang Basketbolista ng Pilipinas president Al Panlilio.  Kung nagawang parusahan ng FIBA ang mga nagkasalang players, sigurado may paraan tayo para maresolba ang problemang ito at makalaban nang patas ang Gilas sa ikalawang round.”  Mabuti na lamang at gumawa ng hakbang ang PBA at sumaklolo

Pandaigdigang kaayusan na batay sa mga panuntunan?

Ni: Louie C. Montemar

NANAWAGAN kamakailan ang mga iginagalang sa larangan ng diplomasya na pangalagaan at pairalin ang isang rules-based international order (RBO) o ang kaayusan ng pakikitungo ng ating bansa sa ilalim ng isang rules-based international system (RBIS).

Sa isang kumperensiya na may temang Challenges to a Rules-Based International System: Moving Forward, binigyang pansin ng pangunahing tagapagsalita na si Hon.Mark Field, British Minister of State para sa Asya at Pasipiko, na ang ganitong pandaigdigang kaayusan ay may “positibong epekto sa pandaigdigang seguridad at kaunlaran, proteksyon ng mga mamamayan at bansa, at tumutulong sa mga bansang makamit ang ang kanilang potensyal.”

Makikita ang katunayan nito sa pagsulong ng karamihan sa mga bansang sumunod sa adhikaing ito matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig, pitumpong taon na ang nakararaan. Ayon kay Field, ang “internasyunal na sistemang nakabatay sa patakaran” o RBIS ay “isang network ng mga kasunduan at institusyong nangangailangan ng suporta ng bawa’t bansa upang patuloy na protektahan ang mamamayan at gawing mas maunlad ang lahat ng mga bansa.”

Sinusugan ni Hon. Amanda Gorely, embahador ngayon ng Australia sa Pilipinas, ang pananaw ni Field. Sinabi niya na magandang magkaroon ng isang malinaw na panuntunan hinggil sa South China Sea (para sa mga Tsino) o West Philippine Sea (para sa mga Filipino). Sa pamamagitan nito, ang mga bansang may hinahabol na interes sa usapin ay maaring “makipagtulungan at makipag-ayos upang malutas ang kanilang mga pagkakaiba ng pananaw kaysa sa gumamit ng mga banta o lakas.”

Pahayag naman sa kumperensiya ni Professor Francisco Magno ng De La Salle University, na malinaw na ang mga awtokratikong pamahalaan sa mundo at mga populistang pinuno ay nagsisikap na magtatag ng alternatibong kaayusang pampulitika na “pinamamahalaan ng lakas kaysa sa mga internasyunal na batas o patakaran.” Binigyang-diin niya na kailangang bigyang pansin kung paano naluluklok sa mga bansang may liberal na demokrasya ang mga populista, nasyonalista, at mga puwersang xenophobic at tila dito nakahahanap ng suporta ang mga kontra-ideya sa isang kaayusang pandaigdigang gaya ng inilatag ng mga kinatawan ng Britanya at Australia.

Sa puntong ito ni Prof. Magno mas nagiging makabuluhan na pag-isipan mabuti ang inihayag ni Raul Pangalangan, isang hukom sa International Criminal Court (ICC) at dating dekano ng College of Law ng Unibersidad ng Pilipinas, na “ang pinakamainam na paraan upang palakasin ang pamamayani ng batas sa daigdig ay ang pagpapalakas nito sa loob ng isang bansa.”

Sa isang banda, magandang pag-isipan din naman ang tila namimilosopong tanong na “patakarang pandaigdigan mula kanino at para kanino?” gaya ng nilalatag ng Tsina? Subalit mas naging matingkad sa pagdalo natin sa kumperensiyang ito na itinatag ng Stratbase-ADR Institute for Strategic and International Studies (ADRi), na ang mga hinaharap nating usapin kaugnay sa ating relasyon sa bansang Tsina ay mangangailangan ng matibay na paggalang sa mga batas sa loob ng ating bansa. Paano nga naman natin aasahan ang suporta at respeto ng ibang bansa at ang kanilang mga pinuno kung hindi natin igagalang ang mga karapatan at kagalingan ng ating sariling mamamayan.

 [Maaaring bisitahin ang website ng Stratbase ADRI sa https://adrinstitute.org/]

Gilas at bansa, sama-sama hanggang sa huli

 

Kinaabangan ngayon ang desisyon ng FIBA kung ano ang mangyayari sa Gilas team matapos masabak sa gulo laban sa Australia. Ganun pa man, tiwala ang Gilas at SBP na magiging patas ang FIBA para sa dalawang koponan.

 

Ni: Edmund C. Gallanosa

SIGURADONG buhay na buhay na naman ang dugo ng mga Pinoy sa kakatapos na third window ng FIBA Asia Qualifying Round na ginanap kamakailan.  Bagama’t nanalo ang P’nas sa Taiwan 90-83, sa kasamaang palad naman ay nauwi sa gulo ang kamakailang laban natin sa Australia.  Winner by default ang Australia sa kadahilanang thrown-out ang siyam sa labindalawang player natin, kaya hindi na nakuhang matapos pa ng Pilipinas ang laro.  Ang resulta—89-53 pabor sa mga dayuhan.

Sa opening ng third window, naging mabigat ang pressure nang   kaharapin ng mga Pinoy ang mga      Taiwanese sa kanilang   teritoryo. Maagang nanguna sa puntos ang Taiwan bago tuluyang kumawala ang P’nas dahil sa mahigpit na depensa, at ma­tinding opensa. Panalo ang Gilas 90-83  na siya namang nagpa bagsak nang tuluyan  sa  pangarap ng Taiwan makasama sa 2nd round. Kasabay ng larong ito, tinalo naman ng Japan ang Australia, 79-78 para sungkitin ang ikatlong pwesto sa Asian qualifier.

Balik sa Pilipinas ang laro kalaban ang Australia para sa unang pwesto, nagsimula ang laro na may kartadang 4-1 ang P’nas at Australia. Mainit ang laban, mula umpisa matindi na ang girian ng dalawang koponan. Apat na minuto pa lamang ang nagsisimula sa 3rd quarter nang mag-commit ng personal foul si RR Pogoy kay Aussie Chris Goulding. Sa patulak na foul ni Pogoy bumagsak si Goulding, at siyang sugod naman ni Daniel Kickert kay Pogoy gamit ang siko na siyang nagsimula ng rambol sa third quarter. Nagkagulo sa loob ng Sports Arena at nahinto ang laro ng halos tumagal ng 30 minuto. Pinag-aralan ang footage ng gulo at idineklarang thrown-out ang ilang manlalaro sa bawat koponan.

Dagdag man sa pagsubok, sama-sama pa rin

Tanggal sa laro ang mga Gilas players na sina Calvin Abueva, Japeth Aguilar, Andray Blatche, Jayson Castro, Carl Bryan Cruz, Pogoy, Terrence Romeo, Troy Rosario, at Matthew Wright;  samantalang tanggal din sina Chris Goulding, Daniel Kickert, Thon Maker, at Nathan Sobeys sa panig ng Australia.

Habang isinusulat ang balitang ito, hindi pa nagbababa ng hatol ang pamunuan ng FIBA kung ano ang kaka­hantungan ng gulo na nangyari sa dalawang koponan. Bagama’t pinaglalabanan ng Australia at Pilipinas ang unang pwesto, lumalabas na ‘formality for positioning’ na lamang ang laro sapagkat parehong paso ang dalawang bansa sa susunod na round ng tournament.

Walang dapat ikabahala ang ating mga kababayan sapagkat sa darating na 2nd round ng torneo, nasa ikatlong pwesto ang Pilipinas sa Group F na may 10 points—lamang lang ng tig-isang punto ang Australia at Iran para sa 1st at 2nd place finish. Maliban sa nasabing bansa, makakasama natin sa Group F ang bansang Kazakhstan, Qatar at Japan. Ang second round ng FIBA Basketball World Cup 2019 Qualifiers ay magkakaroon ng 3 windows muli, at aasahang magsisimulang maglaro ang mga koponan sa buwan ng Setyembre, Nobyembre at Pebrero ng 2019.

Sa lahat ng groupings, Ang 31 na pinaka-maga-galing na teams lamang ang papasok at makakasama ang host China para sa World Cup, na gaganapin mula August 31 hanggang September 15, 2019.

Tuloy pa rin ang laban ng bayan

Ayon kay Samahang Basketbolista ng Pilipinas (SBP) Chairman Sonny Angara sa isang panayam, susulat sa pamunuan ng FIBA si SBP President Al Panlilio upang humingi ng kapatawaran sa nangyaring gulo at para li­nawin ang kahahantungan ng ating koponan. Giit ni Angara, malaki ang pagsisisi ng team Pilipinas sa pangyayari, at handa sila sa anumang desisyon o sanction ang ipapataw ng FIBA. Subalit, alam ni Angara na magiging patas sa desisyon ang FIBA para sa Australia at P’nas.

“Alam naman natin na hindi ito ang unang pagkakataon na nagkagulo nang ganito sa isang ‘friendly-environment match’ ng basketball. Halos­ kapareho ‘yan ng nangya­ri noong 2010 sa laban ng Greece vs. Serbia. My point is yes pinatawan ng sanctions, even fines ang ilang players, but I don’t think the sanction on that incident was not be meted out to the whole team. We expect na pag-aaralan maigi ng FIBA ‘yung incident natin and we are positive na tuloy-tuloy pa rin tayo sa 2nd round. ”

Para kay SBP Chair Anga­ra, tiwala ang pamunuan ng SBP na papayagan pa silang bumuo ng team kung sakaling hindi paglaruin ang mga na thrown-out na pla­yers. “Should that happen, matatandaang nakapagsubmit tayo ng pool of players natin sa FIBA and also we’re lucky we have a professional league perhaps we could get some of the services of pla­yers there (sa PBA). I’m pretty sure a lot of them are willing to play for the country.” dagdag pa ni Chairman Angara.

Prepare for the worst, hope for the better ngayon ang stance ng ating Gilas team. Ganun pa man, hindi papabayaan ng pamunuan ng SBP na mabale-wala ang pinaghirapan ng ating mga manlalaro. Nadala man ng emosyon ang iba nating mga players, team pa rin nating haharapin ang ipapataw ng FIBA sa P’nas. Abangan ang susunod na kabanata!

Pinoy netizens, damay sa FB ‘data leak’ scam

Ni: Quincy Joel V. Cahilig

SA patuloy na pagyabong ng teknolohiya ng komyunikasyon, napatunayan nating mga Pinoy na hindi tayo magpapahuli sa paggamit nito. Minsan ay nabansagan na ang bansa bilang “texting capital of the world” dahil sa dami ng bilang ng Pilipinong gumagamit ng short messaging service sa kanilang cellphones. At nang umusbong ang social media sa internet, tulad ng Facebook, Twitter, Instagram at Snapchat ay naging pangunahing paraan ito upang maging “connected” tayo sa isa’t-isa.

Hindi maitatanggi na ang Facebook ang pinakatanyag na social media sa buong mundo, na may 2.2 bilyong users.  Sa Pilipinas, mayroong 47 milyong aktibong gumagamit ng nasabing social media para makipag-usap at maging updated sa mga kaibigan, kamag anak; pagsagap ng impormasyon at balita; gayon din ang iba’t-ibang uri ng libangan tulad ng viral videos at online games at maging sa pagnenegosyo. Talagang parte na nga ng ating buhay sa modernong mundo ang social media.

Subali’t kasalukuyang inu-ulan ng batikos ang Facebook dahil sa iskandalong kinasasangkutan nito, kung saan nagbunyag ang pagkulimbat ng research firm na Cambridge Analytica, na nagsilbing consultant sa kampanya noon ni US President Donald Trump, ang data ng 87 milyong FB users sa buong mundo.

Sa pamamagitan umano ng isang personality-quiz app na “This Is Your Digital Life”, nakuha umano ng kumpanya ang mga personal na impormasyon ng mga netizens upang mapulsuhan kung anong mga katangian na hinahanap nila sa isang leader. Ito ang ginawang batayan umano sa pagbuo ng estratehiya ng kampo noon ni Trump para umarangkada sa 2016 US Presidential Elections.

Dahil sa data leak, ginisa ng mga miyembro ng US Congress ang CEO ng Facebook na si Mark Zuckerberg. Nakumpirma sa kanilang imbestigasyon na maari ngang magamit ang Facebook ng ilang grupo para sa mga political agenda tulad ng ginawa umano ng Russia na nag-“weaponize” sa nasabing social media platform  upang maka-impluwensya sa nakaraang eleksyon sa Amerika.

Aminado naman si Zuckerberg na isang malaking pagkakamali ang nangyari.  Aniya, maging ang kanyang data ay nakuha ng Cambridge Analytica, kaya naman isang “complex issue that deserves more than a one word answer” ang isyu ng data privacy ng mga Facebook users.

Bukas naman ang 33-year old executive na makipagtulungan sa pagbabalangkas ng mga panuntunan upang mabantayan ang mga pribadong impormasyon ng mga netizens, gaya ng suhestiyon  ni  Sen. Amy Klobuchar ng Minnesota ng pagkakaroon ng 72-hour notification kung may maganap na breach of privacy.

Samantala, inanunsyo ng Cambridge Analytica na burado na ang lahat ng data na binili nila mula sa researcher na si Aleksandr Kogan, at nagsagawa sila ng internal audit para masiguro ang pagbura sa mga kontrobersyal na data, alinsunod sa pakiusap ng Facebook.

Sapul ba ng ‘data leak’ ang Pinoy FB users?

Hindi naiwasang mangamba ang mga Pinoy netizens na baka nagamit at magamit ang kanilang mga pribadong impormasyon ng ilang pulitiko, lalo na’t inanunsyo ng Facebook na halos 1.2 milyong Pinoy FB users ang maaring apektado ng data leak scandal.

Umalingawngaw ang alegasyon na nakinabang din ang kampo noon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga data na nakalap ng kontrobersyal na research firm kaya ito nanalo sa pambansang halalan noong 2016.

Lumabas sa South China Morning Post ang larawan na kasama ng apat na Duterte campaign supporters na sina Peter Laviña and Jose Gabriel “Pompee” La Viña, Taipan Millan  at dating pangulo ng National Press Club Joel Sy Egco si Cambridge Analytica CEO Alexander James Ashburner Nix, na direktor din ng behavioral research group na Strategic Communication Laboratories Group (SCL).

Binanggit din sa isang ulat na tinulungan umano ng SCL ang isang kandidato sa Pilipinas na baguhin ang imahe nito bilang isang “strong, no-nonsense man of action”, base sa mga dokumentong nakalap nito noong 2013. Bagama’t hindi pinangalanan ang naturang kandidato sa report, may mga spekulasyon na si Pangulong Rodrigo Duterte ang tinutukoy dahil akma sa kanya ang nabanggit na imahe.

Pinabulaanan naman ng Malakanyang ang inilutang na isyu. Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, tiniyak ni Finance Secretary Carlos Dominguez, na tumayong ingat-yaman ng Duterte campaign team, na hindi siya nagbayad ni isang kusing sa Cambridge Analytica.

“The President won the election fair and square with an overwhelming mandate of over 16 million votes and a margin of over six million. Support for the former Davao city mayor was from all sectors and not just from Facebook or online; thus, the Duterte campaign did not have to purchase information,” pahayag ni Roque.

“We should respect the President’s landslide victory, which was a result of the trust and confidence of the Filipino people, and not undermine it with unsubstantiated allegations.”

Facebook, dapat magpaliwanag sa PH gov’t

Ayon sa National Privacy Commission (NPC), hindi sapat ang paliwanag ni Zuc-kerberg sa nasabing kontrobersiya nang siya ay humarap sa pagdinig ng US Congress.

“We acknowledge the communications of your global and regional representatives made directly to our office,” nakasaad sa liham ng NPC kay Zuckerberg noong Abril 11. “Unfortunately, your response has been generic and inadequate to satisfy the mounting concerns of Filipino users.”

Sa isang statement ay sinabi ng Facebook na handa nilang sagutin ang mga tanong ng ahensya at makipagtulungan dito.

“We are strongly committed to protecting people’s information. We are engaged with the Philippine National Privacy Commission on this,” pahayag ng FB.

Isa lamang ang Pilipinas sa mga bansa sa labas ng US na gustong kastiguhin ang Facebook dahil sa data leak. Ang mga bansa ng United Kingdom, Australia, Brazil, Mexico, Indonesia, Canada, India, at Vietnam ay nais din papanagutin ang nangungunang social media company.

Samantala, maaring malaman ng Facebook users kung nakuha nga ba ng Cambridge Analytica ang kanilang personal data sa Help Center nito (www.facebook.com/help). Maari rin malaman at mai-download kung anu-anong data ng isang user ang hawak ng Facebook sa pagpunta sa www.facebook.com/settings, at i-click ang “Download a copy of your Facebook Data”.

Facebook, nahaharap sa krisis

Close Bitnami banner
Bitnami