Ni: Jun Samson
MARAMING motorista ang natuwa sa proyektong inilunsad ng Land Transportation Office (LTO) para sa kanila. Pinasimulan at binuksan na kasi ang backlog printing site ng LTO-NCR para maresolba na ang 3.6-M backlogs ng mga lisensya, na ang 1.2-M ng mga aplikante ay mula sa Kalakhang Maynila.
Ang hakbang na ito marahil ay reaksyon o sagot ng LTO sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na bawasan ang queue; ayaw niya na nahihirapan ang mga ‘Pinoy sa mahabang pila para makakuha ng kinakailangan nilang dokumento. Kumpiyansa si LTO-NCR Director Clarence Guinto na matatapos na ang problema sa backlog matapos nilang binuksan ang 7 sites sa NCR, maging sa mga Rehiyon blg. 3, 4, at 11, bukod pa sa 6 na SM malls na libreng ipinahiram sa LTO ang espasyo.
“Dati ay 1000 license cards kada araw ang napi-print namin pero dahil sa on-site printing na aming binuksan ay umaabot na ngayon sa 7,000 lisensya ang naiiprenta daily. Mas pinahaba pa ang oras ng trabaho ng mga empleyado mula 6:00 ng umaga hanggang 9:00 ng gabi. Bukod pa rito ay nagtatrabaho na rin kami kahit araw ng Sabado para lamang ma-entertain o ma-accomodate ang lahat ng mga kumukuha ng lisensya at para mas mabilis na maubos o maresolba ang backlog,” wika ni Guinto.
Ang mga bagong labas naman na lisensya na may 5-year validity ay nilagyan pa ng mga additional security features tulad ng biometrics at mga dagdag impormasyon gaya ng blood type at contact person na maaaring tawagan kung mayroong emergency.
Ipinagmamalaki din ni Dir. Guinto na laser engraved sa polycarbonate plastic material ang bagong lisensya. “Dahil diyan ay mahirap na itong gayahin at mas matibay ito kung ikukumpara sa dati kaya mas mahaba ang itatagal ng card ngayon,” Wika ni Guinto.
Agad namang nilinaw ng LTO-NCR na walang dagdag na pondoo mga gastusin para sa on-site printing dahil matagal nang mayroong mga makina kaya wala silang mga bagong binili. Sa bagong bukas na mga printing sites ay may encoding ng data, picture taking at finger print scanning na tatagal ng 10 minuto ang paghihintay sa printing.
Dahil sa nasabing proyekto ay maraming motorist ang natuwa dahil sa loob ng halos ilang taon na paghihintay ay nakuha na rin nila sa wakas ang kanilang license ID cards.