Ni: Melchor Bautista
NAKUKUHA na ni Liza Soberano ang kanyang marka bilang artista na magiging dahilan para magtagal siya sa showbiz. Nag-click ang loveteam nila ni Enrique Gil, dahil kumita sa takilya ang magkakasunod nilang pelikula.
Hindi nagpapabaya si Liza (Hope Elizabeth “Liza” Soberano sa totoong buhay) sa kanyang career. Patuloy niyang pinagbubuti ang kanyang acting para ma-ging ganap na aktres. Sa ngayon ay siya ang pantasya ng bayan dahil isa siya sa itinuturing na may pinakamagandang mukha sa hanay ng mga kabataang artista sa movie industry.
MISS BEAUTIFUL
Pinupuri si Liza na sa sobrang ganda raw ay hindi namimili ng anggulo ang hitsura sa mga eksena niya sa pelikula o kaya’y sa pictorial. Hindi makakalimutan ng mga Kapamilya stars ang naganap two years ago sa Star Magic Ball, nang maging agaw-eksena ang ka-loveteam ni Enrique.
Nang maglakad na noon si Liza sa red carpet patungo sa bulwagan, habang suot ang napakagandang gown ay sa direksiyon niya napunta ang mga mata ng mga taong imbitado sa event na iyon. Napako na ang kanilang paningin kay Liza na higit na nagningning ang ganda nang gabing iyon!
TAYONG DALAWA
Sa unang pagkikita pa lang nina Liza at Enrique ay naramdaman na kaagad nila ang paghanga sa isa’t-isa. Sobrang nagagandahan ang young actor sa mukha ng young actress. Para kay Liza ay nasa hitsura din ni Enrique ‘yung tipo ng lalake na hindi mahirap makagaanan ng loob. Dahil bukod sa guwapo, gentleman, maalala-hanin at sobrang malambing ang binata.
MUTUAL UNDERSTANDING
Sobra ang sweetness nina Liza at Enrique sa likod at harap ng kamera. kaya nga mararamdaman sa mga ginawa nilang pelikula ‘yung sobrang lapit ng loob nila sa isa’t-isa.
Nakakapamasyal na rin sila at nagbabakasyon sa ibang bansa nang sila lang ang magkasama. Kaya nga sabi sa showbiz ay kasal na lang ang kulang sa kanilang dalawa.
ANG LIMITASYON
Gustong mapanghawakan nina Liza at Enrique ang kanilang mga pangako sa kanilang sarili. Na mga bata pa sila para sa mas malalim na desisyon na puwedeng marating ng kanilang closeness. Hangga’t maari ay ayaw nilang sirain ang pagtitiwala ng mga taong naniniwala sa kanila, na career muna ang kanilang priority bago ang lovelife.
Malayo pa ang gustong marating ni Liza bilang artista. Hindi na mawawala ‘yung pagkikilala nila ni Enrique. Sila ang mga bida sa teleseryeng “Bagani” at patuloy na nakatutok ang magkapareha sa pagpapatunay na seryoso talaga sila sa mga proyektong ipinagkakatiwala sa kanila.
KAPALIT NI VICE GANDA
Dahil na rin sa kanilang tambalan ay sunod-sunod ang pagbibida nila sa mga teleserye at pelikula. Patunay iyon ng kanilang pagsikat. Higit sa lahat, naging paboritong product endorser si Liza ng mga naglalakihang kumpanya sa Pilipinas.
Dahil kay Liza ay nakabawi ang kanyang talent manager at komedyanteng si Ogie Diaz, na dati ring talent manager ni Vice Ganda, pero nagkahiwalay sila ng landas. Sabi nga ni Ogie: “Kahit wala na sa pagma-manage ko si Vice Ganda, ay heto’t meron naman ako ngayong Liza Soberano.”
BOTO SI ANGEL LOCSIN
Ang ABS-CBN ang muling maisapelikula ang “DARNA” sa pamamagitan ng Star Cinema. Si Angel Locsin ang isa sa huling gumanap sa papel nina Narda at Darna. Pero dahil sa kanyang health condition ay tinanggihan na niya ang nasabing proyekto.
Pumili ang Star Cinema sa mga pangalan ng marami nilang artista na puwedeng gumanap sa role ni Darna. Si Liza ang masuwerteng napili. Mayroong mga kumokontra. Pero ipinagtatanggol ni Angel si Liza, dahil para kay Angel ay bagay ang role kay Liza.
ANG SIGAW AT PAGLIPAD
Mahigpit ang pagbabawal ng Star Cinema sa mga taong may kinalaman sa pagsasapelikula ng maalamat na obra ng yumaong nobelistang si Mars Ravelo, na magbigay ng mga detalye tungkol sa project. Baka manakaw at gayahin ang mga ideyang nasa kabuuan ng magastos na pelikula.
Sabik na ang mga naghihintay na mapanood ang bagong pagbibida ni Liza. Inaabangan na rin kung ang nasabing pelikula ang maghahatid sa kanya sa tugatog ng kasikatan. Nasasabik na ang buong showbiz sa kanyang paglipad bilang bagong DARNA!