Pinas News
SA kabila ng mga nagbabagang ulat kaugnay sa kakulangan at pagtaas ng presyo ng bigas, ang pagbawi ng Malakanyang sa amnestiya ni Trillanes at sa pananalasa ng Bagyong Ompong ay hindi rin maiwasan na maging usap-usapan ang pagbaba ng halaga ng piso kontra sa dolyar.
Tumuntong na ang halaga ng bawat dolyar sa P54 pinakamababa sa loob ng halos labing tatlong taon at pinangambahang aabot pa ito sa P56 bawa’t dolyar.
Sa ngayon ang piso ng Pilipinas ang pinakamahina sa buong Asya samantalang ang pera ng ibang bansa kagaya ng Thai baht, Malaysian ringgit at Singaporean dollar ay tumitibay laban sa US dollar.
Ngunit ano nga ba ang dahilan kung bakit humina ang piso?
Posible umanong humina ang piso dahil sa biglaang dami ng pagpasok ng inangkat na produkto kung saan ito ay lumampas pa sa halaga ng mga inilabas na produkto. Kapag lumampas ang imports sa exports ito ay nangangahulugan ng trade deficit, nagpapahiwatig na naglabas tayo ng mas mahigit na dolyar kaysa sa kumita tayo rito.
Isa na rin sa umaambag sa pagbaba ng halaga ng piso ang paglago sa ekonomiya ng Amerika dahilan upang mas tumibay ang kanilang dolyar simula sa unang bahagi ng taong ito.
Dapat nga ba nating ipangamba ang pagbaba ng halaga ng piso kontra dolyar?
Kapag mahina ang piso malaking kaluwagan ito para sa mga naglalabas ng produkto sa bansa dahil maibebenta nila ito sa mas mababang halaga sa pandaigdigang kalakalan na magresulta ng mas maraming produksyon at trabaho.
Isa rin sa nakikinabang ang pamilyang may dollar remittances dahil sa mas malaking purchasing power nito at kapag mas mataas ang konsumo, mas maigi para sa ekonomiya.
May hindi magandang epekto rin ang pagbaba ng piso dahil tataas ang presyo ng mga bilihin. Kaya naman ay pinangangambahan ito ng mga local earners dahil mangangailangan sila ng karagdagang piso upang maabot ang kanilang pangangailangan sa araw-araw.
Hindi ito maganda para sa mga umaangkat ng hilaw na produkto sa ibang bansa dahil magiging mas mataas na ang halaga nito dahil sa pagbaba ng piso. At ang magiging kalabasan ng kanilang produkto ay mas tataas na rin ang halaga kung ibenta sa lokal na pamilihan.
Kaya naman kung may mga Pilipinong nakikinabang sa pagbaba ng piso meron din namang hindi masaya sa magiging kahinatnatan nito. Saan kayo?