Ni: Vick Aquino Tanes
ISANG matamis na gum, masarap nguyain pero may sustansya ba ito? Puwede bang lunukin ito? Alam n’yo bang karamihan sa atin ay naranasan nang makalunok ng nginunguyang chewing gum?
Sobrang bihira o wala naman talagang masamang epekto na maaaring maranasan sa paglunok ng chewing gum. Marami pa rin ang takot o nababahala na makalunok nito dahil sa paniniwalang ang nalunok na chewing gum ay maaaring dumikit sa loob ng sikmura o hindi kaya ay hindi matunaw sa loob ang gum nang maraming taon.
Ang chewing gum ay mula sa natural o synthetic gum resin, mga preservative, pampatamis at mga artipisyal na pampalasa. Sa pagngunguya ng chewing gum, unti-unting natutunaw ang taglay nitong tamis at mga pampalasa at ang tanging natitira na lamang ay ang nangunuguyang gum resin.
Ayon sa paniniwala, ang nanguyang gum resin ay maaaaring dumikit sa pader ng sikmura at manatili doon ng ilang taon sapagkat hindi raw ito natutunaw.
Sa katunayan, ang paniniwalang ito ay kalahating tama lang. Tama na walang kakayanan ang pantunaw ng tiyan na tunawin ang materyal na ito kung kaya’t posibleng hindi nga matunaw ang gum resin sa loob ng ilang taon kung sakaling mananatili ito sa sikmura.
Subalit halos imposible o may napakaliit lamang na posibilidad na dumikit at manatili ang gum resin sa loob ng tiyan dahil sa natural na pagkilos ng daluyan ng pagkain (peristalsis) na pababain ang lahat ng nilunok na pagkain kabilang na ang chewing gum.
Dahil sa peristalsis, ang mga nilunok na pagkain kasama ang chewing gum ay bumababa sa sikmura patungo sa bituka hanggang sa tuluyan itong lumabas kasama ng pagdumi.
Ang paglunok naman ng maraming piraso ng bubble gum ay maaari nang magdulot ng masamang epekto. Ang pagnguya at paglunok sa maraming piraso ng chewing gum ay posibleng makabara sa daluyan ng pagkain at pagmulan ng problema. Ito ay lalong delikado kung ang makakalunok ay mga bata.