SA katatapos na midterm elections ay namayani halos ang mga kandidato sa pagka-senador na inendorso ni Pangulong Duterte na pawang mga miyembro ng Partido ng Demokratiko Pilipino-Laban (PDP-Laban) at ng rehiyonal na partidong Hugpong ng Pagbabago (HnP) na pinamumunuan naman ng anak ng presidente na si Sara Duterte-Carpio.
Ang lahat ng kandidato ng koalisyon ng oposisyon na Ocho Derecho ay nabigo na makasungkit maski na isang puwesto sa mataas na kamara.
Bagamat ang resultang ito ay hindi na isang sorpresa at inaasahang talagang magiging matinik at mahirap ang daan tungo sa tagumpay para sa Ocho Derecho, batay sa mga nakaraang survey ng mga polling organization na Social Weather Station (SWS) at Pulse Asia, na nagpakita na karamihan sa kanila ay wala sa Magic 12 maliban kay Bam Aquino at Mar Roxas, itinuring na mayroong posibilidad na makapasok and ilan sa kanila sa 12 na puwesto. Subalit pagkatapos ng bilangan ay nakapagtataka na maski si Bam Aquino at Mar Roxas ay hindi rin nasama sa 12 na pinili ng taumbayan. Bakit nga ba hindi nagwagi maski isa man lamang sa kandidato sa pagka senador ng Ocho Derecho?
Sa aking palagay, may apat na kadahilanan kung bakit nabigo ang Ocho Derecho sa nakaraang midterm elections: 1) kakulangan sa makinaryang politikal, 2) hindi pag-abot sa masa, 3) kawalan ng pagkakataong makipag-alyado sa ibang partido at independyenteng mga kandidato, at 4) ang mataas na popularidad ni Pangulong Duterte.
Una, Kulang na kulang ang politikal at pinansyal na makinarya ng Ocho Derecho kung kaya’t mayroong mga lugar na malalayo na maaring ni hindi na nila narating, dagdag pa rito ang kakulangan sa pondo para sa pangangampanya dahil kaunti lamang ang gustong mag-contribute sa kanilang kampanya mula sa mga pribadong negosyo at iba pang sektor sa pangambang balikan sila ng administrasyon kung sakaling sumuporta sila dito.
Pangalawa, tila baga hindi nila napulsuhan o hindi sila napulsuhan ng masa lalong lalo na ang mga mahihirap mula sa socio-economic Class D at Class E, kung saan halos karamihan sa mga botante ay napapabilang. Maaring naisantabi nila ang isang kampanya na panalo sa masa at pinili ang isang kampanyang marangal, may prinsipyo at may mas mataas na diskurso na kung saan hindi naman maka-relate o maka-identify ang mga masa at mahihirap.
Pangatlo, maaari ring hindi sila naging bukas na makipagsanib puwersa sa ibang partido at ibang mga independent candidates na puwedeng humatak sa mga ibang kandidato na hindi sikat o popular sa taumbayan. Puwede rin sigurong nagtatag din sila ng isang opposition regional political party kasama ang iba pang kaalyadong oposisyon bilang sagot sa HnP para mapalawak pa ang poder ng kanilang mga tagasuporta lalong lalo na ng mga botante.
At ang pinakahuli, ang mataas na tiwala ng publiko kay Pangulong Duterte ang lalong nagpahirap sa kanila upang manalo. Matatandaan na ang mga kandidatong tahasang sinuportahan ng Pangulo na bagamat mga maituturing na bagito sa politika tulad nila, Bong Go, Ronald “Bato” dela Rosa, at Francis Tolentino ay malalaki ang nakuhang boto. Ang “Duterte Magic” ang nagdala sa kanila sa “Magic 12.”
Subalit natalo man ang Ocho Derecho sa halalan, ay dapat natin silang hangaan sa ipinamalas na tapang, talino, prinsipyo at kakayahan na mangampanya sa gitna ng pagsubok, upang mapatunayan lamang na buhay ang diwa ng demokrasya sa pamamagitan ng isang aktibong oposisyon na patuloy na nakikibahagi sa larangan ng halalan.
Natalo man sila sa bilangan, ay panalo pa rin sila sa pagpapatuloy ng diwa ng isang tunay na oposisyon na naghahangad ng kaunlaran na isa sa mga mahalagang sangkap sa pagtamo ng makatotohanang demokrasya.