Pinas News
MAY isang di-gaanong napapansing senyales ng pag-usad ng ekonomiya. Ito ang pag-iimpok ng mga tao sa ating mga bangko.
Sa kasalukuyang paglago ng ekonomiya, may lumalaking bilang ng mga Pilipino ang patuloy na nagtitiwala sa pag-iimpok sa mga bangko. Makikita ito sa paglaki ng kabuuang naimpok—halos siyam na porsiyento sa unang 11 buwan ng nakaraang taon.
Ang kabuuang deposito sa bangko ay umabot sa P12.49 trilyon mula Enero hanggang Nobyembre noong 2018. Ito ay P1.02 trilyong mas mataas kaysa sa P11.48 trilyong naitala sa parehong panahon noong 2017.
Sa mga datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), makikita na ang mga deposito sa peso ay nadagdagan ng 9.6 porsiyento o nasa P10.37 trilyon sa unang 11 buwan ng 2018. Sa kabilang banda, ang pag-iimpok sa dayuhang pananalaping pag-aari ng mga residente ay umabot sa anim na porsiyento na may halagang P2.13 trilyong piso.
Sa ganang ito, dapat lamang na bigyan-diin ang papel ng mga lokal na bangko sa patuloy na pagsuporta ng mga ito sa pangmatagalang pagyabong ng ekonomiya ng bansa at isang matatag na kalagayan sa pananalapi.
Sa pangkalahatan, tila may magandang pagbabadya nga sa ekonomiya kung ang pagbabatayan lamang ay ang industriya ng pagbabangko dahil nagpakita ito ng isang double-digit na paglago sa 10.4 porsyento mula Enero hanggang Nobyembre noong nakaraang taon kumpara sa parehong panahon sa 2017. Ito ay paglago sa P16.72 trilyon nitong 2018 kumpara sa P15.15 trilyon noong 2017.
Kung mas nakapag-iimpok na nga ang mas marami sa ating mga mamamayan, hindi nga ba tanda ito ng pag-inam ng ekonomiya para sa mga mamamayan?
Sa kabila ng iba’t ibang mga usapin sa iba pang mga sektor ng lipunan, nawa’y patuloy nang lumago pa nga ang industriya ng pananalapi sa bayan. Mag-impok pa tayo.
Pagpupugay sa Bangko Sentral sa kanilang pamumuno at padayon!