Ni: Noli C. Liwanag
KASABAY ng pagpasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ng Bagyong Domeng (international name: Maliksi) mainit naman ang aksiyon at pagsalubong sa mga delegado at manlalaro sa 5-days event ng 2018 FIBA 3×3 World Cup noong Hunyo 8 hanggang 12 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Ayon kay Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) executive director Sonny Barrios, nagkasundo ang Board na sa Arena ganapin ang naturang kompetisyon upang mas maraming kababayan ang makapanood ng live na basketball.
Iginiit din ni Barrios na babaan ang presyo ng tiket upang mas marami ang makapanood.
Bukod sa mababang bayad ng tiket, may libreng shuttle bus mula sa Trinoma Mall, Quezon City at Bonifacio Monument sa Caloocan City na sumundo at naghatid pabalik matapos ang laro.
Sumuporta sa international basketball event ang mga Bulakenyo tulad nina Senator Joel Villanueva, Bulacan, 1st District Representative Jose Antonio “Kuya” Sy-Alvarado, Bocaue City Mayor Eleonor J. Villanueva-Tugna.
Dumating din sa naturang events sina Special Assistant to the President Bong Go, Senator Sonny Angara at Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary Benny Antiporda.
SHOOT-OUT CONTEST
MALAKAS ang ingay sa tinaguriang “Fireworks Capital of the Philippines” ng Bulacan dahil kay Janine Pontejos na nag-kampeon sa FIBA 3×3 World Cup 2018 shoot-out contest at nakuha ang country’s first gold sa senior’s division sa mismong Araw ng Kalayaan noong Martes, June 12.
Si Pontejos ay nakapagtala ng 14 points na naorasan ng 41.86 seconds. Bagamat nakatabla sa 14 points si Alexandra Stolyar ng Russia, tinanggap lamang ito ang silver medal dahil mas mabilis na nakatapos si Pontejos.
Nakuha naman ni Marin Hrvoje ng Croatia ang bronze medal na nagtala ng 11 points.
Samantala, bukod sa nanood ng maaksyong laro ng 3×3 basketball, naglaro ng “shoot-out contest” sina SAP Bong Go, Senator Sonny Angara at Senator Joel Villanueva. Tinalo ni Sen. Villanueva sina Go at Angara sa dami ng bolang na-shoot.
MGA DELEGADONG BANSA
KAMPEON sa nakalipas na taon ang Serbia (men’s division) at Russia (women’s division) na dumating sa Pinas upang idepensa ang kanilang korona. Mula day 1 hanggang day 4, pukpukan ang naging laro ng 20 bansa na hinati sa apat. Mula sa Pool A: Naglaban ang Serbia, Netherlands, Romania, New Zealand at Kyrgyzstan. Sa Pool B: Slovenia, Poland, Estonia, Indonesia at Japan. Pool C: Russia, Brazil, Mongolia, Canada at Philippines. Pool D: Latvia, Ukraine, Croatia, Jordan at Nigeria. Dalawang team sa bawat pool ay papasok sa Quarterfinal, kung saan kailangan maipanalo nito ang isang laro upang makapasok sa semifinal.
MAAKSYONG 3×3 BASKETBALL
DAY 5 ng maaksyong 3×3 basketball, Game 1 Men’s Quarter-Final, nakalaban ng depending champion Serbia ang Mongolia kung saan umusad ang Serbia sa semifinal sa score na 21-8. Sa Game 2 tinalo ng Poland ang Latvia sa score na 21-15. Panalo naman sa Game 3 ang Slovenia kontra sa Ukraine (21-15) at sa Game 4. wagi ang Netherlands vs Canada sa score na 18-16.
Sa Semifinal: Tinalo ng Serbia ang Poland sa score na 21-19; Maging ang Netherlands ay pinataob ang Slovenia sa score na 21-16. Dahil sa pagkatalo ng Poland at Slovenia, naglaban ang dalawa para sa 3rd place kung saan nanalo ang Slovenia sa Poland sa score na 21-16.
Sa Final, naglaban ang depending champion na Serbia at Netherlands, tagumpay ang pagdepensa ng Serbia sa men’s title. Nakuha ng Serbia ang third straight world title at fourth overall sa score na 16-13. Women Quarter-Final: Game 1, Russia vs Czech Republic (21-14); Game 2, France vs Spain (19-17); Game 3, China vs Hungary (17-14); Italy vs United States (17-14).
Semifinal: Game 1, Russia vs France (19-17); Game 2, Italy vs China (15-13). Sa pagkatalo sa semifinal, naglaban ang France at China para sa 3rd place kung saan nanalo ang bansang tinaguriang “The Hexagon” sa score na 21-14.
Sa final, naglaban ang depending champion Russia at Italy, kung saan naagaw ng Italy ang kampeonato sa score na 16-12.
PHL WOMEN’S TEAM
HINDI man nakapasok sa quarterfinal ng 2018 FIBA 3×3 World Cup ang mga basketbolistang Pinay na sina Jack Danielle Animam, Afril Bernardino, Gemma Miranda at Janine Pontejos. Buong pusong hinangaan ang kanilang matinding paglaban sa mga dayuhan sa larangan ng basketball.
Sa Day 1, nakalasap agad ng talo ang mga bansa sa Netherlands sa score na 21-11. Sa pangalawang laro ng Pinay cagers, nakalaban ng mga ito ang German kung saan binigyan ng ikalawang pagkatalo ang mga Pinay sa score na 12-10.
Sa ikatlong araw ng laro, tinalo ang mga manlalarong Pinay ng Spain sa score na 21-17. Huling laban ng Womens Philippine team ang Hungary para sa pang-apat na laro sa torneo, ngunit hindi pa rin pinalad na manalo sa score na 18-15.
3-on-3 BASKETBALL SA OLIMPIADA
ISASAMA NA ang 3-on-3 basketball sa Tokyo Summer Olympics na gaganapin sa Hulyo 24-Agosto 24, 2020.
Ayon sa International Olympic Committee (IOC) nagdagdag ang 15 events sa Olympic simula sa Games of the XXXII Olympiad.
Dahil sa patuloy na paglakas ng 3×3, idadagdag na rin sa gaganaping 94th National Collegiate Athletic Association (NCAA) ang 3×3 basketball bilang bahagi ng programa ng liga.
Ayon kay NCAA president Anthony Tamayo ng 94th NCAA host University of Perpetual Help System DALTA, maraming umaayuda sa Policy Board at Management Committee na pagtuunan ng pansin at maisama bilang regular sports ang 3-on-3 basketball.
Ito ang ikalawang sunod na taon na isasagawa ang 3×3 basketball sa NCAA matapos ganapin ang under-14 at under-16 sa nakalipas na taon.
Magbubukas ang NCAA sa Hulyo 7 sa MOA Arena sa Pasay City kung saan magtutuos ang defending champion San Beda at host Perpetual Help sa main game ganap na 2 ng hapon.