Bukod sa Tobacco products, papatawan din ng buwis ang mga e-cigarettes o VAPE.
Ulat ni: MJ Mondejar
HINDI na dadaan sa pagbubusisi ng Bicameral Conference Committee ang Sin Tax Bill na nauna nang inaprubahan ng Senado kamakailan.
Ayon sa tanggapan ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo, gagawin na ng kamara ang concurrence ng ipinasang Sin Tax ng Senado.
Sakop ng panukala ang P45 na pagtaas ng buwis sa kada pakete ng sigarilyo pagsapit ng January 1, 2020.
Magiging P50 ito sa taong 2021, P55 sa 2022 at P60 sa 2023; mula 2024 ay magtataas ito ng limang porsyento kada taon.
Nauna namang sinabi ni Arroyo na i-aadopt nila sa Kamara ang lahat ng mga panukalang ipapasa ngayon ng Senado para lamang maihabol sa 17th Congress.