Masuwerteng dumami sa isla ng Calauit ang lahi ng African giraffe at zebra na makikita sa larawang ito. Idineklara ng dating Pangulong Ferdinand Marcos ang paggamit ng isla ng Calauit bilang ‘sanctuary island’ upang maisalba ang mga hayop na nagmula pa sa Africa. Ang buong isla ay idineklarang sanctuario ng mga hayop noong 1977, at ngayon ito ay dinadayo ng mga lokal na turista at dayuhan upang makasalamuha ang mga hayop na tulad ng giraffe at zebra sa isla.
Ni: Edmund Cunanan Gallanosa
MARAHIL, marami sa atin —kung mabibigyan ng pagkakataon o may kakayahan —ang nagnanais din masilayan ang angking kagandahan at kakaibang pang-akit ng Africa. Bagaman malayo sa Pilipinas ang tinaguriang “Dark continent,” hindi na rin lingid sa karamihan ang mga maaaring maranasan at makita kung bibisitahin ang Africa at lalahok sa isang safari.
SA panahong ito na wala na yatang lugar na hindi maaaring bisitahin kung hindi man sa aktwal na paglakbay ay magagawa rin naman ang virtual trip o sa pamamagitan ng Internet. Kung pasyal kasi sa hindi pangkaraniwang lugar, lalo na kung ang nais ay nature trip, pinakamagandang tumungo sa Africa. Kung nais naman makita ang mga exotic na hayop na sa telebisyon lamang o mga magazine nasisilayan, tulad ng mga zebra, iba’t ibang lahi ng usa, elepante, at higit sa lahat ang leon, mag’ipon na para makapaglakbay doon.
Habang hindi pa handa sa pagtungo sa Africa, huwag kalimutan na dito sa Pilipinas mismo, may matatagpuang lugar na tinaguriang “A little piece of Africa.”
Ang Calauit, isa sa mga isla sa Calamian Group of Islands ay matatagpuan papalaot ng South China Sea ang nabibigay sa mga bumibisita ng kakaibang karanasan at maituturing na isang introduksyon sa Africa. Bagama’t malapit ito sa Mindoro Strait, sakop ang islang ito ng munisipalidad ng Busuanga, sa Probinsiya ng Palawan.
Idineklara ng dating Pangulong Ferdinand Marcos ang isla ng Calauit bilang sanctuary island upang maisalba ang mga hayop na direktang dinala sa Pilipinas mula sa Africa. Ang buong isla ay idineklarang sanctuario ng mga hayop noong 1977. Sa ngayon ito ay mas kilala bilang Calauit Safari Park.
Ang isla ng Calauit —3,700 ektarya sa Calamian Islands chain —ay napili dahil ang lupain dito at klima ay halos kapareho ng mga kapatagan sa Africa. May civil War na nagaganap noong panahon na iyon sa maraming bansa sa Africa. Libu-libong mamamayan doon ang nangamatay, kabilang na ang mga hayop sanhi ng labanan, matinding init, tag-tuyot at gutom. Dahil dito, humingi ng tulong ang ilang liderato ng African nations sa buong mundo. Sa pakiusap noon ng presidente ng Kenya na si Jomo Kenyatta na tulungan silang maisalba ang ilang mga hayop na nagsisipagmatay, at tumugon ang Pilipinas. Nakipag-ugnayan ang Kenya sa Conservation and Resource Management Foundation (CRMF) na namahala naman noon sa itinatag na forest preserve at wildlife sanctuary ng Calauit.
Taong 1977 inangkat ang mga hayop mula sa Africa. Dumating ang 12 bushbucks, 11 elands, 11 gazelles, 15 giraffes, 18 impalas, 12 waterbucks, 10 topis, at 15 zebras. Sa hiling ng ilang pinuno ng Africa na ‘ampunin’ ang ilan sa kanilang mga hayop mula sa pagkakaubos dahil na rin sa giyera at tagtuyot sa bansa nila, tumugon ang Pilipinas sa pangunguna ng dating pangulong Ferdinand E. Marcos at nabuo ang Calauit Island Sarari Park. Lulan ang mga ito ng barkong MV Salvador noong Marso 4, 1977.
Mga hayop ng Africa sa Pilipinas
Taong 1977 ibiniyahe ang mga hayop mula sa Africa hanggang sa Pilipinas. Dumating noong Marso 4, 1977 ang 12 bushbuck, 11 eland, 11 gazelle, 15 giraffe, 18 impala, 12 waterbuck, 10 topi, at 15 zebra, lulan ng barkong MV Salvador. Dahil walang mga predatory animals tulad ng leon at tigre na maaaring pumatay sa kanila, dumami ang mga hayop na ito. Sa loob lamang ng limang taon, may 143 na ipinanganak na hayop sa Calauit. Partikular ang mga giraffe at zebra na sa kagandahang palad, ay naging hiyang sa Calauit at dumami rin.
Ilan pa sa mga matagumpay na nagsipagdami sa Calauit ay ang mga sumusunod:
RETICULATED GIRAFFE. Mas kilala bilang Somali giraffe, matatagpuan ang mga ito sa Somalia, Southern Ethiopia at Northern Kenya. Labinlimang giraffe ang ibinyahe papunta sa Calauit na ‘di nagtagal ay dumami. Sa kasalukuyan, tinatayang may 27 na ang giraffe doon at inaasahang darami pa at mamayagpag sila bilang isa sa pangunahing atraksyon sa isla.
COMMON ELAND (Taurotragus oryx). Isa sa pinaka-malaking lahi ng Antelope sa Africa, 11 ang unang batch ng eland na idinala sa isla. Bagama’t may kahirapan sa pag-track down sa hayop na ito dahil na rin sa mahiyain at bihira magpakita sa mga tao, noong 2013 ay namataan ang tinatayang mga 23 nito sa isla.
GREVY’S ZEBRA (Equus grevyi). Ito ang pinaka malaki sa lahi ng mga zebras. Labinlima sa mga ito ang unang dinala sa isla at sinuwerte ring namayagpag. Naging hiyang ang mga ito sa klima at lokasyon ng lugar kaya naman umakyat na sa 34 na ang dami nito nang huling bilangin sila noong 2016. Masuwerte ang Pilipinas at napaparami na ito sapagkat ang Grevy zebra ang pinaka endangered sa lahi ng mga zebra.
WATERBUCK (Kobus ellipsiprymnus). Isa itong klase ng antelope na matatagpuan sa sub-Saharan Africa. Labindalawa sa mga ito ang dinala sa isla kasabay ng iba pang hayop noong 1977. Mahiyain itong hayop na ito at madalas mailap ito sa mga turista.
Bagama’t sinuwerte ang mga hayop na nabanggit, hindi naman pinalad ang ilang lahi ng mga usa sa isla. Isa sa mga dahilang nakita ay hindi naging hiyang sa klima ang mga ito at ang pagsulpot ng teritorrial dispute sa pagitan ng iba’t-ibang lahi ng usa. Kabilang sa mga lahi ng usa na dinala sa Calauit ang Impala, Topi, Bushbucks at Thomson’s gazelle na idineklara nang extinct sa Calauit ilang taon na ang nakakalipas.
Matatagpuan rin sa isla ang ilan sa ating mga lokal na hayop na ang karamihan ay matatagpuan lamang sa bansa, partikular na sa probinsya ng Palawan. Ilan dito ay ang Calamian deer, ang Palawan bearded pig, ang Philippine crocodile (Crocodylus mindorensis), ang Philippine porcupine (Hystrix pumila), ang pamosong Binturong o Palawan bear-cat (Arctictis binturong) at ang Philippine mouse-deer (Tragulus nigricans), isa sa kinikilalang pinaka-maliit na lahi ng usa na halos sinlaki lamang ng pusa.
Paano mararating o makakabisita sa Calauit? Kumontak sa inyong mga lokal na travel agent. May mga nag o-offer ng tour sa isla. Ang Calauit ay maaaring marating sa halagang P3,500 hanggang P7,000 bawa’t tao depende sa lokasyon ng pagsisimulan ng inyong byahe papunta sa isla.