Ni: Crysalie Ann Montalbo
NASAKSIHAN ng madla ang unti-unting pag-usbong ng pangalan ng bagong Kapamilya singer na si Moira Dela Torre nang makilala ito sa kanyang malamig na boses, rendition ng mga lumang kanta at ang mga awiting talagang nagpaantig ng puso.
Kaya’t kinagigiliwan ngayon ang kanyang awiting Kahit Maputi na ang Buhok Ko na ginamit bilang official soundtrack ng pelikulang The How’s of Us na pinagbibidahan ni Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.
PAANO NGA BA NAGSIMULA?
NAGSIMULA si Moira sa pagiging voice artist at pag-awit ng mga corporate jingle, tulad na lamang ng Hooray for Today! ng McDonald’s.
Sa edad na 12, sumusulat na ng mga kanta ang aktres bilang tugon sa pakikipaglaban niya sa anorexia, na naging resulta ng natatanggap niyang pambubully noon.
“Mataba ako ta’s Inglesera ako noong bata po ako, so noong lumipat ako ng public school medyo hindi ako na-accept. Hindi po ako isasama, ila-lock nila ‘yong classroom tapos ako ay nasa labas.”
Kinaya niya ring sumulat ng kanta nang maghiwalay ang kanyang mga magulang.
Noong 2013, sumali ng The Voice Philippines Season 1 si Moira, kung saan ay napabilib niya si Coach Apl.de.ap sa pag-awit ng Hallelujah ni Bamboo. Subalit na-eliminate rin siya nang makaabot sa battle round.
Hindi tumigil ang tiwala at pag-asa ni Moira kung kaya’t noong 2016, napili ang kanyang awitin na Malaya, bilang theme song ng pelikulang Camp Sawi na pinagbibidahan nila Arci Munoz, Bela Padilla, Yassi Pressman, Kim Molina, Sam Milby at Andi Eigenmann.
Sumunod dito ay ang pagkapanalo ng kanyang kantang Titibo-tibo na isinulat ni Libertine Amistoso sa Himig Handog 2017.
Hindi siya makapaniwala sa mga nangyayari. Giit niya, wala siyang gaanong ideya kung bakit nga ba umaayon ang mga tagapakinig sa tuwing naririnig ang kanyang kanta.
“I don’t know what it is about my songs because [after] I write them, I don’t exactly know how my listeners feel. But one of my friends tried to describe how my songs made her feel and she said she felt as if she was standing in front of a mirror, real time, with honesty. And it reminded me of when I first discovered I might have a lot of empathy. I found my mom crying when I was a kid and I felt all her pain, and she didn’t need to say anything.”
Nailalahad niya ang karanasan ng isang tao sa pamamagitan ng pagsusulat ng mga kanta.
Ang kasalukuyang album ni Moira na Malaya
UMUULAN NG BIYAYA
Sunod-sunod ang biyayang natanggap ni Moira nang inawit niya ang theme song ng pelikulang Love You To The Stars and Back ni Julia Barretto at Joshua Garcia, ang Torete ng Moonstar 88.
Noong Oktubre 2017, naging opisyal na miyembro si Moira ng acoustic group na ASAP Jambayan.
Dahil sa galing na ipinakita ng singer, ngayong taon ay ginawaran siya ng Wishclusive Contemporary Folk Performance of the Year, Wishclusive Viral Video of the Year at Wishclusive Elite Circle-Bronze Award sa 3rd Wish 107.5 FM Music Awards.
Hindi lang ‘yon, tagumpay ang kanyang kauna-unahang solo concert na Tagpuan sa direksyon ni John Prats. Ito ay ginanap noong Pebrero 17 sa Kia Theater. Sa loob ng apat na araw ay sold out agad ang tickets.
Maging ang American trio na Boyce Avenue ay bumilib sa ipinakitang galing ni Moira sa kasagsagan ng kanilang one-night concert na ginanap noong Hunyo.
“I think we all 100 percent think she can do it internationally because from what we’ve been hearing and from what we’ve seen on the videos, she’s the queen of emotion,” sinabi ni Fabian ng Star Music.
“Putting that honesty and that genuine emotion, I think with us, that’s the biggest reason why we’ve been able to do well internationally. People all over the world want to see that genuine emotion. We are excited to see what happens with her. I think it’s going to be incredible,” dagdag niya.
Engaged na ngayon si Moira sa kanyang boyfriend na si Jason Hernandez.
ENGAGED NA
MARAMI ang kinilig sa kakaibang anunsyo ng kanyang soon-to-be-husband na si Jason Hernandez nang mag-propose ito sa music video ng kanyang awitin na Tagpuan.
Kwento niya, hango sa totoong buhay ang music video subalit wala siyang kaalam-alam na mangyayari ang wedding proposal.
“That was the story pero ‘di ko alam na do’n pala siya magpo-propose,” sabi ni Moira.
Inamin niyang ang proposal na iyon ang isa sa pinakamadaling tanong na sinagot niya sa buong buhay.