CRESILYN CATARONG
MARIING kinundena ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang naganap na diskriminasyon sa isang transgender woman sa isang mall sa Cubao sa kabila ng pagkakaroon ng ordinansa na nagpoprotekta sa karapatan ng mga miyembro ng LGBT community.
Kasunod ito ng insidente ng sapilitang pagpapaalis ng isang janitress ng Farmers Mall kay Gretchen Custodio Diez sa CR ng pambabae at sinampahan ng unjust vexation.
Binigyan-diin ni Belmonte na hindi dapat nangyari ang insidente dahil sa ipinatutupad ng Gender Fair Ordinance na pinagbabawal ang lahat ng uri ng diskriminasyon laban sa LGBT sector.
Sinabi ni Belmonte na malinaw na lumabag ang Farmers Mall sa nasabing ordinansa dahil sa kabiguan nito na maglagay ng “All Gender Toilets” para sa LGBT community.
Bunsod nito, ipinag-utos ng alkalde sa Business Permit and Licensing Department (BPLP) na siguruhin na susunod sa lalong madaling panahon ang lahat ng business establishments sa Gender Fair Ordinance ng lungsod.