Ni: Jomar San Antonio
TUNAY namang isang malaking tanong kung ano nga ba ang gusto ng kababaihan sa bigote o balbas ng mga lalaki, asawa man nila, kasintahan, o pawang kaibigan lamang.
Sa Hollywood, mapapansin na nagpapalit ng gustong histura ang mga sikat na artista tulad nina George Clooney, Bradley Cooper, Brad Pitt, Gerard Butler, Hugh Jackman, Ryan Reynolds at Russell Brand na kilala sa balbas-sarado nilang looks samantalang sina Channing Tatum, Vin Diesel, Dwayne Johnson, Tom Cruise, at Antonio Banderas ay wala.
Ayon sa pag-aaral, ang beard o “balbas” ay maraming naitutulong sa pagprotekta mula sa 95% ng UV rays upang makaiwas sa skin cancer. Nakatutulong din ito bilang “filter” mula sa alikabok at kung an-anong particles sa hangin na nalalanghap sa ilong at sa bibig—malaking bagay upang makaiwas sa throat diseases at asthma. Dagdag pa rito, nakakatulong din ito upang makaiwas sa acne o tigyawat dahil hindi makakapasok ang maduduming bacteria sa balat at pores hindi tulad kapag nagshe-shave ang lalaki na nag-iiwan ng maliliit na sugat sa balat.
Ngunit ayon sa ilang kababaihan, ang pagkakaroon ng malagong bigote o balbas sa isang lalaki ay mukhang madumi—na kapag pinabayaan ay nagreresulta sa skin irritation. Ang pagkakaroon ng clean-shaven look ay nagpapakita ng mas katiwa-tiwalang personality para sa isang lalaki. Samantala, ayon naman sa iba, ang bigote o balbas ay nagpapakita naman ng maturity.
Mapapansin na hati ang mga opinyon sa usapin ng beard sa kalalakihan. Hindi malinaw kung ano nga ba ang mas magandang tingnan dahil wala naman talagang tamang sagot. Ang mas mahalaga ay kung anong outlook ang nais ng isang lalaki na makita sa kanila na madadala nila ng may sapat na kumpyansa sa sarili. Siguraduhin lamang ang responsableng pag-aalaga sa katawan may balbas man o wala.