
KUMUKULAY ang kapreskuhan ng talon sa Palo Alto sa Baras, Rizal.
Ni: Crysalie Ann Montalbo
NAPAKAGANDANG isipin na may mga panahong gusto mo munang umalis at ilayo ang iyong sarili sa usok at trapik ng siyudad.
Ilang oras lamang ang layo sa Maynila ay makakarating ka na sa Pinugay, Baras, Rizal at dito ay matatagpuan mo ang talon ng Palo Alto. Isa na naman ito sa mailalagay na bagong listahan para sa mga turista o ‘di kaya naman ay sa mismong residente na malapit dito.
Ang lugar na ito ay para rin sa mga nagbabalak ng piknik at pagligo sa talon tuwing Sabado at Linggo. Sa pagpunta ay madadama mo ang sinseridad ng Inang Kalikasan. Sa pagsayaw ng hangin ay tila wala ka nang masasabi. Wala kang babayaran puwera na lang kung kukuha ka ng cottage na magsisilbing pahingahan.
Mula sa parking area ay kailangan mo munang akyatin ang 249 bilang ng hakbang bago makarating sa paanan ng Palo Alto.
Ang talon ng Palo Alto ay napapalibutan ng mga puno na talagang relaksing at tamang-tama sa ‘yo. Sa iyong pagtampisaw ay dama mo ang linis at lamig na dumidikit sa iyong balat hanggang sa maramdaman mo ang pahingang hinahanap hanap ng iyong sarili.
Masarap balik-balikan ang destinasyong nagpapatunay na marami pang mga biyaya na hindi pa natutuklasan sa ating bansa.