Lumabong lalo ang posibilidad na tapusin na ni Sen. Manny Pacquiao ang kanyang boxing career.
Ito ang naging pahayag ng kaibigan ni Manny na si assistant trainer Buboy Fernandez.
Ayon kay Fernandez, hindi pa niya nakikita sa ngayon ang mga palatandaan ng ganap na pagtatapos ng pamamayagpag ng kanyang kaibigan.
Kahit nga nang mahalal bilang senador ang Pinoy ring icon ay nanatili ito sa pagkokondisyon ng sarili.
Pero kung makakikita raw sila ng mga palatandaan ng pagpalya sa training ng eight-division world champion, sila na mismo ang hihikayat sa fighting senator para tumigil sa boxing at tumutok sa iba nitong pinagkakaabalahan.
Magaganap ang Pacquiao-Horn showdown sa Hulyo 2, 2017 sa Brisbane, Australia.
Samantala, Pacquiao-Crawford fight, niluluto ng Top Rank?
Inamin ni Top Rank big boss Bob Arum na gusto niyang hamunin ni WBC at WBO light welterweight titlist Terence Crawford si eight- division world champion Manny Pacquiao bago matapos ang taong 2017.
Ngunit bago ito mangyari, dapat na maidepensa ni Pacquiao ang WBO welterweight title kay Horn samantalang kailangan namang maidepensa ni Crawford ang kanyang titulo kay Felix Diaz ng Dominican Republic sa Mayo 20, sa Madison Square Garden sa New York City.
Kumpiyansa si Arum na mananalo si Crawford laban kay Diaz at magkakaroon pa ito ng unification bout kay WBA, IBF at IBO super lightweight champion Julius Indongo ng Namibia, bago hamunin si Pacquiao.
Para kay Crawford, saka na niya aalalahanin ang laban kay Pacquiao kapag nagtagumpay sa depensa kay Diaz na gold medalist sa 2008 Summer Olympics sa Beijing at kay Indongo.