DUMAMI ang mga bilang ng mga Chinese nationals na nagtatrabaho sa Pilipinas.
Ni: Quincy Joel Cahilig
Isang malaking issue ang pag-angkin at pang-aagaw ng China sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Nitong mga nagdaang mga taon, nasaksihan ng mundo kung gaano sila kaagresibo sa pangangamkam ng mga isla at yamang dagat ng ating bansa sa kabila ng desisyon ng international arbitral court na Pilipinas nga ang may-ari ng mga pinagtatalunang teritoryo.
At ngayon, tila hindi lamang Philippine territories ang inaagaw ng China kundi maging ang mga employment opportunity sa bansa.
Bago nagtapos ang 2018, pumutok ang kontrobersya ng paglobo ng bilang ng mga Chinese nationals na nagtatrabaho sa bansa. Kinumpirma ng Department of Labor and Employment (DOLE) Undersecretary Ciriaco Lagunzad na mayroon ngang “upward trend” base sa kanilang data.
Mula 2015 hanggang 2017, nakapag-issue ang ahensya ng kabuuang 115,652 Alien Employment Permits (AEPs), at 51,000 sa kabuuang bilang na ito ay ibinigay sa mga Chinese nationals. Nasa mahigit 21,000 naman ang AEP ang ipinamigay sa first quarter ng nakaraang taon.
Ayon sa Labor Code, ipinagkakaloob lamang ang AEP sa foreign workers kung walang may gusto o may kakayahan na Pinoy na makakagawa ng trabaho. Ang naturang permit ay ibinibigay sa mga trabahong nangangailangan ng highly-specialized technical, supervisory, at managerial na trabaho. Pagkatapos ng permit, bibigyan ng Bureau of Immigration (BI) at ng Department of Justice ang isang foreign worker ng foreign visa.
Ngunit nasa 2,000 na mga Chinese nationals ang binigyan ng trabaho sa construction industry mula 2016, ang taon kung kailan nagsimula ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
MARAMI ang nangangamba sa kanilang job security dahil sa pagdami ng Chinese nationals na nagtatrabaho sa bansa.
PAANO SILA NAKALUSOT?
Sa isang pagdinig ng Senate Committee on Labor kamakailan, sinabi ng BI na nasa 20,000 foreigners lamang ang kanilang binigyan ng working visa mula 2017 hanggang 2018. Kaya naman ipinagtaka ng chairman ng naturang committee na si Senator Joel Villanueva kung paano sumipa ang bilang ng mga Chinese workers sa Pinas, kasabay ang paggisa sa DOLE sa pagbigay nito ng 1.6 million tourist visas sa mga Chinese nationals, na sa kalaunan ay nagsipag-apply ng work permits.
Dahil dito, nagbigay babala si Senator Grace Poe sa DOLE at BI sa pag-issue ng extensions sa mga may hawak ng tourist visa.
“Obviously niloloko lang tayo. Sabi nila turista sila ‘yun pala may balak naman pala sila ditong magtrabaho. Sa umpisa pa lang dapat tinitigil na natin ‘yon,” wika ni Poe. “Kung turista ka tapos humingi ka ng work permit para mag-extend, wag na nating payagan ‘yon. At marami sa kanila wala talagang lehitimong work permit pagpasok dito,”
Inilahad ng senadora na maliban sa 115,000 AEPs, nasa 119,000 ang nakatanggap ng special working permits, na karamihan ay nagtatrabaho sa Philippine OffShore Gaming Operations (POGO). Hindi pa kasama sa bilang ang mga illegal workers.
Kaya naman nais isulong ni Villanueva sa Senado ang pag-amyenda sa Labor Code para siguruhin na ang ang workforce sa mga kumpanyang nag-ooperate sa bansa ay binubuo ng 80 porsyentong Filipino workers upang hindi maagawan ng trabaho ang mga manggagawang Pinoy, na patuloy na hinaharap ang hamon ng 5.1 porsyentong unemployment rate sa bansa.
Iginiit naman ni Poe na kailangang hulihin ang mga illegal foreign workers sa bansa na di lamang umaagaw sa mga trabahong dapat na para sa mga Pinoy, kung saan nadedehado ang marami nating mga kababayan.
“Nagkakaroon ng superficial market conditions. Ibig sabihin nakadepende sa iisang partikular na grupo dahil sa dami nila; nakakabili sila ng floor by floor, natural nagmamahal, may demand dito. Ang nangyayari, ang ating mga kababayan, na ang kinikita ay sapat lamang, hindi nakakapag kumpetensiya dahil tumataas ang value ng lupa at ng presyo ng mga condominiums at presyo ng mga renta dahil sa kanila,” sabi ng mambabatas.
NAGPULONG sina Pangulong Rodrigo Duterte, Malaysian Prime Minister Mahathir Mohamad, at mga opisyal sa Malacañang Palace.
FRIENDLY ADVICE
Sa three-day state visit ni Malaysian Prime Minister Mahathir Mohamad kamakailan, nagbigay babala siya sa pamahalaan ng Pilipinas sa pagpapahintulot nito na dumami ang Chinese workers sa bansa dahil posibleng magulo umano nito ang “political equations”.
“Foreign direct investment should not involve bringing huge numbers of foreigners to live in the country because that might disturb the political equations in the country,” sabi ni Mahathir sa isang panayam.
“If huge numbers of any foreigners come to live and stay in the country or to even influence the economy of a country, then you have to do some rethinking as to whether it is good or bad, or the limits that you have to impose on them,” wika pa ng 93-anyos na Prime Minister ng Malaysia, na tinawag ni Pangulong Duterte na “friend, partner and brother.”
Sa kaniyang pag-upo sa pwesto bilang leader ng kanyang bansa nitong nakaraang taon, sinuspindi ni Mohamad ang multi-billion dollar major projects ng China sa Malaysia, kabilang dito ang East Coast Rail Link (ECRL) project at natural gas pipeline project. Ginawa niya ang naturang hakbang dahil dehado umano ang Malaysia sa infrastructure deals nito sa China, mga kasunduang pinasok ng kanyang sinundang prime minister na si Rajib Nasak.
DUTERTE: HAYAAN NYO SILA
Sa kabila ng mga pagkabahala sa pagdami ng illegal Chinese workers sa bansa, hindi naman ito malaking isyu para kay Pangulong Duterte.
“Iyong mga Chinese dito, hayaan mo ‘yan na dito magtrabaho. Hayaan mo. Bakit? We have 300,000 Filipinos in China,” sinabi ng Pangulo sa isang campaign rally ng PDP-Laban sa Biñan, Laguna kamakailan.
“Kaya hindi ako maka — sabihin, o umalis kayo dito, deport ka doon. Eh kung bigla paalisin ‘yun doon 300,000 of them.
Paliwanag naman ng Malacañang, mayroon kasing kakulangan sa construction workers at gayon din sa skills para sa massive infrastructure projects ng pamahalaan sa ilalim ng “Build, Build, Build” kaya kailangan natin ang ayuda ng Chinese workers.
“We lack so many construction workers. Siguro that’s why maraming Chinese na kinukuha dahil walang mga Pilipino,” wika ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.
“Maraming Pilipinong walang trabaho and yet they lack the skill so we need to teach them. And most likely ‘yan ang magandang project ng TESDA (Technical Education and Skills Development Authority),” aniya pa.
Hindi din umano dapat mabahala kung legal namang nakapasok sa bansa ang mga Chinese workers, kasunod ang pagsiguro na “full force” na ipapatupad ng gobyerno ang immigration laws laban sa mga Chinese workers na iligal na nagtatrabaho sa bansa.
“We wish to clarify that the President’s policy on Chinese workers who are illegally staying in the country remains the same, which is the enforcement of immigration laws against violators,” wika ni Panelo
“Our laws will be applied with full force and effect equally to all foreign nationals who violate them,” pagtiyak ng tagapagsalita ng Palasyo.