HINIHIKAYAT ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar ang publiko na gamitin ang Freedom of Information para masiguro ang transparency sa mga ahensya ng gobyerno.
Ni: Quincy Joel Cahilig
SA isang click lang, ngayon, nasa mga kamay mo na ora mismo ang anumang impormasyon na hinahanap mo. Salamat sa biyaya ng modernong teknolohiya na internet at natapos na nga ang mga araw ng paghahalungkat at pagbubuklat ng mga maalikabok na libro sa mga shelves ng library.
Sa panahong ito, halos lahat ng ating ginagawa ay isinasangguni natin sa internet — produktong pipiliin, pasyalan at mga events na pupuntahan, lunas sa karamdaman, troubleshooting, at marami pang iba.
Kasama sa kinokonsumo ngayon ng mga tao sa internet at social media ang mga pinakabagong balita, na batayan sa pang araw-araw na gawain. Bagama’t nananatili pa rin na telebisyon ang pangunahing source ng balita at mas pinagkakatiwalaan ng audience, unti-unti nang humahabol ang social media platform sa paghahatid ng balita dahil sa patuloy na improvement sa communications technology.
Subali’t gaano nga ba ka-realiable ang mga balita na nakikita sa new media? Lalo na kung mayroong tinatawag na fake news o ang mga artikulong naglalayong makapanlinlang, na ipinepresenta sa anyong balita subalit mali-mali ang mga impormasyong nakasaad. Wika nga ng batikang columnista na si John Nery, taglay ng fake news ang tatlong Ds — “deliberate, disguised, and deceiving.”
Para sa UP Professor at batikang journo na si Luis V. Teodoro, hindi na bago ang ganitong taktika upang makapag-kundisyon ng isipan at damdamin ng madla sa iba’t-ibang personalidad at isyu.
“Fake news is not the new phenomenon most people, and apparently — some senators — think it is. Its proliferation is driven by popular misunderstanding of the responsibilities of communication and its value in human affairs. But it is also the means through which human perceptions of the most crucial issues of public concern and interest are manipulated by forces whose interests are contrary to mass understanding,” aniya.
Gaano ba kalala ang impact ng fake news? Di na kailangan ng extensive research para matukoy ito. Tumungo lamang sa mga comments sections ng mga online news pages at makakakita ka ng “hate speech” ng mga online trolls para ibagsak ang mga respetadong institusyon ng lipunan. At marami ang nahahawahan ng naturang takbo ng pag-iisip– kahit pa ang mga kamag-anak at kaibigan natin, sadly.
Dahil sa panganib na kaakibat ng fake news, naging aktibo ang mga technology companies gaya ng Facebook, sa tulong ng mga respetadong news organizations, sa pagtugis sa mga nagpapalaganap ng disinformation. Kamakailan nga ay tinanggal ng Facebook ang 200 pages at accounts, na may libo-libong mga followers, dahil sa pagpapalaganap ng fake news at trolling na naglalayong makapanira ng imahe ng ilang mga kandidato sa nalalapit na halalan.
AYON sa mga eksperto, upang malabanan ang pagkalat ng fake news, kinakailangan din na maturuan ang mamamayan kung papaano matukoy kung alin ang opinion at alin ang news.
‘Quality journalism’ vs. Fake news
Subalit sa panig ng mga eksperto, di sapat na i-take down lang ang mga promoter ng disinformation. Kailangan isulong ang “Quality journalism” sa hanay ng mga mamamahayag at turuan ang mamamayan kung papaano mag-verify ng impormasyon.
Tinalakay sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Workshop for Addressing Fake News sa Bangkok ang naturang isyu. Tinukoy ng mga lecturers na ang mga nakapaloob sa quality journalism ay ang verification, independence, accountability, and transparency.
Para sa veteran Thai journalist Kavi Chongkittavorn, dapat iwasan ng mga mamamahayag ang pag “dramatize” ng balita, sa halip ay mas pagtuunan ng pansin ang fact-checking.
“People often spread rumors.’Mouthbook’ (gossip) is faster than Facebook. They say, ‘This is just what I heard.’ Thus, we need to verify,” sabi ni Chongkittavorn.
Sinang-ayunan naman ito ni Dr. Masato Kajimoto, assistant professor sa Journalism and Media Studies Centre sa University of Hong Kong.
“If somebody says something to the public, we have to verify. Misinformation spreads far and wide. We must be able to differentiate opinions from facts,” ani Kajimoto.
Dagdag pa niya, hindi sapat ang pagtitiwala sa pinanggagalingan ng balita para tukuyin kung totoo ba ito o hindi.
“When your mother says the pizza is in the fridge, you believe it because you trust her. But do you actually check whether the pizza is really in it? It’s the same for news,” paliwanag niya.
Duterte admin kontra disinformation
Isa sa mga commitment ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang transparency at good governance. Kaya aktibo rin sa pakikibaka sa fake news ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa pangunguna ni Secretary Martin Andanar.
Naglunsad ng PCOO ng mga anti-fake news na mga programa, na naglalayong turuan ang mamamayan kung papaano matutukoy ang tama sa maling balita, tulad ng Real Numbers PH na nagbibigay ng accurate numbers sa anti-illegal drugs campaign ng Duterte administration; Provincial Communications Officers Network, na direct link ng national government sa local government units; at ang Dismiss Disinformation, isang advocacy na tumutulong para sugpuin ang paglaganap ng fake news.
Kamakailan ay inilunsad naman ng Bureau of Communication Services (BCS) ang Balita Central, isang pahayagan na tagapaghatid sa publiko ng mga balita tungkol sa mga programa ng pamahalaan upang iangat ang kabuhayan ng mamamayan.
“This as we seek to make the public informed of the current and relevant events, we believe that one of the hallmarks of democracy is a literate, informed citizenry,” wika ni PCOO Undersecretary George Apacible sa launching ng pahayagan sa LRT-2 Araneta-Cubao Station, kung saan ito ay libreng ipinamimigay.
FOI: Sandata kontra fake news
Samantala hinimok naman ni Andanar ang publiko na gamitin ang Freedom of Information (FOI) Order na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte wala pang isang buwan pagkatapos ng kanyang pagkakaluklok noong 2016.
Sa ilalim ng FOI, inaatasan lahat ng ahensya ng gobyerno sa ilalim ng executive branch, national government, at lahat ng mga opisina, departamento, bureaus, government-owned and controlled corporations, state universities and colleges, at local government units na maging transparent sa kanilang serbisyo.
“Kung hindi ninyo gagamitin, wala din. There lies this freedom to be free from hypocrisy, free from hatred, free from anger, free from the false expressions of opinions that contaminate the mind and wounded the heart, free from the fake news, free from the false reports, from the fabricated stories,” wika ni Andanar sa kanyang talumpati sa PCOO Roadshow sa Leyte Normal University.
“In that space lies your ability or your right to know what is true,” aniya. “Our people are now at the doorsteps of government as it opens itself for their entrance.”
Binigyang diin ni Andanar na kailangang lumahok ang mamamayan upang maisakatuparan ang pagbabagong inaasam ng lahat.
“The FOI ideal is information for transformation. Clearly, it is not just a matter of knowing how our government functions but the manner of acting on that knowledge for improving both the work of government and the living standards of the people,” sabi ng PCOO Secretary.