PNP Spokesperson Brigadier General Bernard Banac
HANNAH JANE SANCHO
TULUYAN nang inilipat sa New Bilibid Prison o NBP ang ilang miyembro ng Pamilya Ampatuan at iba pang convicts matapos sentensyahan ng reclusion perpetua kaugnay sa kasong multiple murder ng karumaldumal na Maguindanao massacre kung saan 58 katao ang napatay.
Kabilang sa Ampatuan clan members na convicted ay sina Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr., former Autonomous Region in Muslim Mindanao Governor Zaldy Ampatuan, Anwar Ampatuan Sr., Anwar “Ipi” Ampatuan Jr., at Anwar Sajid “Ulo” Ampatuan na hinatulang guilty sa 57 counts of murder.
Tiniyak naman ng Bureau of Corrections (BuCor) na walang special treatment na ibibigay sa mga miyembro ng Pamilya Ampatuan sa New Bilibid Prison.
Ito ang inihayag ni BuCor director General Gerald Bantag matapos ilipat sa pasilidad ng New Bilibid Prison mula sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang magkapatid na sina Zaldy at Andal “Unsay” Ampatuan Jr.
Bagama’t tumanggi si Bantag na sabihin kung saang gusali sa loob ng maximum security compound ikukulong ang magkapatid ay tiniyak nito na mahigpit nila itong babantayan.
Ayon kay Bantag, hindi magkakaroon ng hiwalay o espesyal na selda para sa mga Ampatuan dahil ihahalo sila sa iba pang person deprived of liberty.
Samantala naglunsad na ng massive manhunt operation ang Philippine National Police (PNP) sa walumpu pang suspek ng Maguindanao massacre na hindi pa naaresto.
Sa panayam ng SMNI news kay PNP Spokesperson Brigadier General Bernard Banac, sinabi nito na hindi nila maaring hayaang at-large lamang ang mga suspek.
Aminado naman si Banac na malaking hamon sa PNP kung paano matutukoy ang mga kinaroroonan ng mga suspek.
Sinabi ni Banac na isa sa gagawin ng PNP ay ang mailathala ang mga larawan at personal na impormasyon ng mga pugante para madaling mahanap ang mga ito sa tulong ng publiko.
Samantala, nilinaw ni Banac na hindi basta maibabalik sa serbisyo ang mga police officer na acquitted sa multiple murder.
Sa ngayon ay sinisimulan na aniya ang pag-review sa individual case folders ng mga acquitted na mga pulis para maihanda ang mga rekomendasyon kung sakaling may umapela man sa kanila ng reinstatement.