Ni: Vick Aquino Tanes
Hindi mawawala sa hapag kainin ng mga Pilipino ang kanin dahil ang staple grain na ito ay ka partner ng maraming paboritong ulam na Pinoy tulad ng adobo, sinigang, kare-kare, ginisang mungo, guinataang isda at ilan pang popular na lutuin.
Swak pa rin sa panlasang Pinoy ang galunggong na masarap ito bilang pinirito, adobong galunggong, paksiw at ginataang galunggong.
Sa panahon ngayon, tila nagkakahirapan nang bumili ng bigas na swak sa badyet ng mga Pinoy. Mayroon na kasing mga bigas na mula sa ibang bansa at inaangkat para sa karagdagang paninda subalit tila yata natatabunan ang ating mga bigas dahil pinapakyaw naman ito ng National Food Authority (NFA).
Ganuon din ang isda na kung saan ay marami nang klase ng isda na mapagpipilian kaya ang galunggong ay natatabunan.
BIGAS – Pangunahing pagkain ng pamilyang Pilipino
NFA rice sulit pang-masa
Sulit na sulit para sa masa ang NFA rice. Ito ay dahil sa mababang halaga na patok para sa mga pamilyang mahihirap subalit bakit sa mahihirap lang? Marami kasing klase ng bigas na mapagpipilian kaya na swak sa badyet ng ilang pamilyang Pinoy.
Mayroon tayong ipinagmamalaking Rice Granary of the Philippines sa Nueva Ecija at Cagayan, Banawe Rice Terraces sa Benguet at iba pang malalaking palayan ngunit bakit tila nagkakahirapan nang bumili ng bigas ngayon sa sariling bansa at kailangan pang bumili ng iba o mag-import ng bigas mula sa ibang bansa.
Bakit sa dami ng ating mga palayan ay nagkakaubusan pa rin ng bigas.
Sa nararanasang kahirapan sa bansa ay mumurahing bigas na lamang ang tanging nakakain ng ilang mga pamilyang Pinoy mula sa National Food Authority (NFA).
Galunggong – simpleng isda na patok sa panlasang Pinoy
Galunggong noon at galunggong ngayon
Tunay na masarap ang isdang galungong. Pinag-aagawan pa nga ito sa hapag-kainan lalo na kung malutong ang pagkakaluto.
Pero, ganito na rin ang sitwasyon ngayon sa paboritong isda ng mga Pinoy na galunggong. Alam n’yo bang tumaas na ang presyo ng galunggong na dapat sana ay abot kaya ng mga mahihirap nating kababayan.
Sa taas ng presyo nito na P160 hanggang P200 ang bawat isang kilo ay mamarapatin na lamang nilang kumain ng karne ng baboy o manok.
Simpleng isda subalit bakit hindi makontrol ng pamahalaan na ibaba ang presyo?
Pag-angkat ng bigas
Sa kabila ng pagsirit ng presyo ng bigas, nais paimbestigahan ni House Appropriations Committee Chairman, Davao City Rep. Karlo Nograles sa National Food Authority (NFA) ang pagsirit ng presyo ng bigas na una nang tumaas sa Zamboanga peninsula.
Ayon kay Nograles, kailangang matukoy agad kung may iligal na nangyayari sa kalakalan ng bigas sa lungsod ng Zamboanga para maagapan ito ng gobyerno o posibleng may nangyayaring manipulasyon sa panig ng mga rice traders doon.
Marami na kasing reklamo na mayroong mga rice trader ang nagho-hoard ng bigas kaya lalong napapataas ng mga ito ang presyo.
Kaya naman sa kabila ng hoarding, pasok ang NFA rice sa murang halaga.
Umaabot sa P55 hanggang P60 per kilo ang bigas sa Dipolog, Zamboanga Del Norte; Pagadian, Zamboanga Del Sur at Ipil, Zamboanga Del Sur habang P60 hanggang P68 per kilo naman sa Zamboanga City at mas malala naman umano ang sitwasyon sa Basilan dahil nasa P60 hanggang P70 ang kada kilo doon ng bigas ngayon habang nasa P27-30 lamang ang presyo ng NFA rice.
Bigas sa Mindanao, sumirit
Idineklara ang state of calamity sa Zamboanga City dahil sa pagtaas ng presyo ng bigas.
Ayon kay Zamboanga City Mayor Isabelle Climaco-Salazar, sa kanilang monitoring umaabot sa P50 hanggang P70 ang presyo bawat kilo ng bigas sa lungsod.
Ang Zamboanga City ay nangangailangan ng 180,000 na sako ng bigas para mapunan ang tatlong buwan na buffer stock.
Gayunman, nakatanggap lamang ito ng 40,000 hanggang 50,000 na sako ng NFA rice na bahagi ng subsidiya ng gobyerno at base sa monitoring ng Zamboanga City local government.
Sa bahagi ng Tumaga District umabot sa P68 kada kilo ang pinakamahal na presyo ng bigas habang P70 naman ang pinakamahal sa Ayala District at Manicahan District.
NFA, sosolusyunan ang problema sa bigas
Handa ang National Food Authority (NFA) na agapan ang kakulungan sa bigas mula sa tulong ng ating mga magsasaka.
Mas maaga umanong masasawata ang pagtaas ng presyo ng bigas sa mga merkado kung mayroon nang bagong suplay ng bigas.
Ayon kay National Food Authority spokesman Rex Estoperez, mahalagang sapat ang bigas ng gobyerno sa mga pamilihan para maging stabilize ang presyo ng bigas.
Isa sa mga isinusulong ng economic managers ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpataw ng taripa sa mga aangkating bigas kapalit ng pagtanggal sa quantity restrictions.
Kaugnay nito, pinagpaliwanag ng mga kongresista sa pagdinig ng House Appropriations Committee si Department of Agriculture (DA) Secretary Manny Piñol kaugnay sa mataas na presyo ng bigas.
Sa pagdinig sa panukalang P49.8 Billion na badyet ng DA, inatasan ng mga mambabatas si Piñol na pababain ang presyo ng bigas at iba pang mga pangunahing bilihin.
Nakitang solusyon naman ng NFA ay ang pagkakaroon ng Tariffication Bill na mag-aalis sa quota sa pag-import ng bigas na sa pamamagitan nito ay dadami ang suplay ng bigas na magpapababa ng presyo sa merkado.
Gayunman, dapat ding masiguro na mapupunta ito sa mga magsasaka para makabibili ng magandang binhi ang mga ito at madoble pa ang kanilang ani.
Bigas sa Zamboanga City, balik na ang suplay
Unti-unti nang bumabalik ang suplay ng bigas sa mga pamilihan matapos ang maagap na aksyon ng pamahalaan kaugnay sa pagsirit ng presyo nito.
Ibinalita ni Zamboanga City Mayor Isabelle Climaco-Salazar na bumabalik na ang normal ang suplay ng bigas sa lungsod matapos ang pagpasok ng suplay ng bigas mula sa Isabela City sa Basilan at mga imported rice na nagmula naman sa India.
Dumagdag pa ang 40,000 sako ng bigas mula sa NFA at may darating din mula sa Cotabato City at mga munisipyo ng Zamboanga Sibugay.
Patuloy na nakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan ang Department of Agriculture, Department of Trade and Industry (DTI), NFA at mga rice supplier upang tuluyang maresolba ang kakulangan ng bigas sa lungsod.
Galunggong, hind lang pang-import, pang-export din
Dahil nga masarap ang galunggong ng Pilipinas ay nakararating na ito sa ibang bansa.
Ngunit sa kabila ng pag-export nito palabas ng bansa at siya naman ang pasok ng bagong isda, lalo na ang galunggong mula sa China.
Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), asahan ang pagdami ng isda at klase ng galunggong mula sa ibang bansa.
Sa katunayan ay pumasok na sa bansa ang may 17,000 metric tons na galunggong para umano madagdagan ang suplay sa bansa.
Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, aprubado na ito ng pamahalaan at aprubado at inaasahang magpapatuloy ang pag-import nito hanggang 90-days.
Ngunit sa kabila ng kaliwa’t kanang batikos sa pang-angkat ng galunggong ay tila nasisisi ang Department of Agriculture dahil pinapaboran umano nito ang pag-aangkat ng isda mula sa ibang bansa na dapat sana ay palakasin na lamang ang isda natin at hindi sagot ang importasyon.
“May mga reports sa amin na ang pagbagsak ng isda sa fish port, halimbawa ng galunggong, ibababa ng mga barko natin at fishing companies ang presyo sa 100 pesos per kilo na, bakit makikita natin pagdating sa mga palengke umabot na siya sa 140 o 160,” ayon kay BFAR Assistant Director Sammy Malvas.
Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang DA kaugnay sa naganap na paglabas ng mga baguhang isda.
Pagpasok ng imported na isda
Siniguro ng BFAR na hindi kakalat sa bansa ang mga imported na galunggong at tanging sa mga accredited facilities lamang ang bentahan nito.
Mahigpit kasi ang guidelines na ipatutupad ng BFAR para hindi malusaw ang bentahan ng local na galunggong.
Ayon naman sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA-Pilipinas) kailangan mas palakasin ng BFAR ang local production at hindi ang pagbebenta sa labas.
Malaki ang pag-aaring karagatan ng Pilipinas kaya asahan na malaki at maraming isda ang makukuha at tiyak na hindi magugutom ang mga Pinoy dahil sapat para sa lahat ang taglay na yaman ng bansang Pilipinas.