BI Acting Intelligence Chief Fortunato Manahan
CHERRY LIGHT
NANGUNGUNA ang mga Chinese national sa mga dayuhang lumalabag sa mga batas ng Pilipinas.
Batay ito sa rekord ng Bureau of Immigration kaugnay sa mga dayuhang naaresto simula Enero hanggang Disyembre 2019.
Sa kabuuan ay nakaaresto ang mga otoridad ng 2,257 na mga pasaway na mga dayuhan mula sa iba’t-ibang operasyon sa nakalipas na labindalawang buwan.
Mula sa nasabing bilang, 1,577 dito ay pawang mga Chinese, sumunod ang Taiwan na animnapu’t anim, Myanmar na may apatnapu’t lima, India na may dalawampu’t lima at Vietnam na may labing siyam.
Sinabi ni BI Acting Intelligence Chief Fortunato Manahan na mayorya ng mga naaresto ay mga Chinese national dahil sa iligal na pananatili sa bansa, pagkakasangkot sa cyber fraud activities at iligal na operasyon ng online gaming.
Kabilang sa listahan ng mga naarestong Chinese national ang 500 illegal Chinese worker sa Pasay City noong Oktubre at ang mahigit nilang 300 kababayan na dinambot sa iba’t-ibang establisimiyento na nasa Puerto Princesa, Palawan noong Setyembre.