YNA MORTEL
PINA-IGTING ng Department of Health (DOH) ang pagbabantay sa mga biyaherong papasok mula sa China matapos mapaulat ang mga kaso ng misteryosong pneumonia sa Wuhan City.
Inatasan ng DOH ang Bureau of Quarantine (BOQ) na higpitan ang surveillance sa lahat ng pantalan at paliparan sa bansa.
Ayon kay DOH Undersecretary Eric Domingo, mayroon nang naitalang apatnapu’t apat katao na naapektuhan ng naturang sakit at labing isa rito ay kritikal.
Wala naman pinagkaiba ang sintomas nito sa karaniwang pneumonia ngunit hindi pa rin alam ang pinagmulan nito.
Hinimok din ni Domingo ang mga nanggaling sa China na agad kumonsulta sa doctor kung makararanas ng mga sintomas ng nasabing sakit.
Patuloy naman na pinag-iingat ang publiko sa banta ng nasabing pneumonia.
Samantala, nakikipagtulungan na rin ang DOH sa China at World Health Organization (WHO) kaugnay sa nasabing sakit.