CHERRY LIGHT
TINIYAK ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP kasama ng Cebu Pacific, Philippine Airlines at Air Asia ang pagtulong nito sa repatriation ng mga Pilipino mula sa Middle East na posibleng apektado ng tensyon sa rehiyon.
Ayon sa CAAP sagot ng Cebu Pacific at Philippine Airlines ang libreng accommodation para sa mga stranded na overseas Filipino worker sa UAE o alinmang Middle East available flights kung ang mga plano para sa repatriation ay kasado na.
Habang ang Air Asia naman ay sumang-ayong para sa posibleng alokasyon at libreng domestic flights para sa mga repatriated Filipino na nangangailangan nang makabalik sa kani-kanilang probinsya.
Ang mga naturang pledge of commitment ng mga airlines para sa mass repatriation ay bunga na rin sa isinagawang meeting kamakailan ng DND, Labor at ng Transportation officials para bumuo ng mga plano para sa paglikas ng mga Filipino na apektado ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan.
Una na rin tiniyak ng CAAP ang routine coordination sa mga local at international carriers na nag-ooperate sa bansa kaugnay sa pinaghahandaang mass repatriation.
Ayon din sa CAAP, kasado na rin ang air requirement, air asset need, at ang air traffic aid sa pag-facilitate ng air movement sa nasabing repatriation.
Regular na rin ang koordinasyon ng CAAP sa mga ahensya ng gobyerno para sa iba pang updates sa paghahanda ng repatriation.