Aabot sa 1.3 milyon ang bilang ng mga drug surrenderees sa buong bansa sa ilalim ng Oplan Tokhang ng PNP.
Ni: Quincy Joel V. Cahilig
KAPAG naririnig ang salitang “tokhang”, agad may negatibong konotasyon dito ang mga Pilipino dahil sa pagkakaugnay ng terminong ito sa madugong kampanya kontra droga ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo R. Duterte.
Sa ilalim ng Oplan Tokhang ng Philippine National Police (PNP) libo-libo na ang napaslang batay sa mga mga report, bagay na patuloy namang itinatanggi ng gobyerno. Nguni’t inaamin naman ng otoridad na may mga napapaslang na suspek dahil sila’y nanlaban.
Wala naman talagang masama sa terminong tokhang na hango sa salitang Cebuano na “toktok-hangyo” na ang ibig sabihin ay katok at pakiusap, na siyang ginagawa ng pulisya sa kanilang operasyon: Kakatukin nila ang bahay ng suspected drug dealer o drug addict at hihikayatin itong sumuko at ihinto ang kanilang gawaing mahigpit na ipinagbabawal ng batas.
Batay sa numero ng PNP, nasa 1.3 milyong drug users na ang sumuko sa pamahalaan mula Hulyo 1, 2016 hanggang sa kasalukuyan.
Kaalinsabay ng paghikayat sa mga sangkot sa droga na sumuko ay ang pagtulong sa kanila ng PNP na maituwid ang kanilang landas sa pamamagitan ng rehabilitasyon sa ilalim ng programang Life After Tokhang o LIFT, sa pakikipagtulungan ng non-government organization na Life Rispondé Foundation Corporation, at iba pang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Health (DOH).
Rehabilitasyon ng mga sumuko
Kamakailan iniulat ng DOH na umabot na ng 8,662 ang bilang ng mga grumaduate sa mga rehabilitation facilities ng ahensya.
“We have 8,662 who have successfully graduated from the various (treatment and rehabilitation centers). Right now, our in-patients from 2016 to 2018 total about 8,826 and the aftercare beneficiaries total about 5,450,” saad ni Health Secretary Francisco Duque III sa isang media briefing sa Malacañang.
Sa unang tingin, ang naturang numero ay tila maliit kung ikukumpara sa kabuuang bilang ng mga sumukong drug users.
Paliwanag ni Duque, sa 1.3 million drug surrenderees, nasa .6 hanggang 1 porsyento ang nangangailangan ng in-patient treatment. Nasa 2 hanggang 10 porsyento ang nangangailangan ng outpatient treatment, samantalang ang 90 porsyento ay puwede nang matulungan sa pamamagitan ng community-based interventions.
“Iyong sinabi ko kanina na 8,000, ito iyong mga nag-graduate. Ito iyong mga nanirahan sa ating mga DATRCs (Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Centers). Pero karamihan sa kanila, the biggest portion, really are being managed on an outpatient and also community based interventions being provided to them,” aniya.
Sa kasalukuyan ay nasa 53 ang DOH-licensed DATRCs sa bansa na kinabibilangan ng residential at outpatient facilities. Inaasahang madadagdagan pa ang bilang na ito dahil naglaan ng malaking pondo ang gobyerno para sa pagpapatayo ng karagdagang mga rehab centers.
“And as a measure to augment the current number of DATRCs in the country, 11 constructions in different regions are still underway, and where three of those are expected to be completed and operational before 2018 ends. All the other DATRCs are expected to be completed by the last quarter of 2019,” sabi ni Duque.
Patuloy ang pagbibigay ng livelihood training ng lokal na pamahalaan ng Quezon City sa mga indibidwal na sumailalim sa drug rehab upang matulungan silang makabangon muli.
Kabuhayan para sa mga surrenderees
Naniniwala ang alkalde ng Cainta na si Keith Nieto na di lamang rehabilitasyon ang dapat na ibigay ng pamahalaan sa mga sumukong drug users kundi maging ang pag-alalay sa kanila na muling makapanumbalik sa lipunan.
“Pag nakalabas siya ng maayos, six months after, mayroon siyang chance na maging empleyado ng munisipyo dahil ang pakiramdam ko, kapag nanggaling ka sa treatment center ay munisipyo lang naman o gobyerno ang unang pwedeng tumanggap sa’yo sa lipunan, to integrate yourself and be a productive person dito sa lipunan natin,” wika ni Nieto sa isang panayam ng SMNI News.
Isa si Jake (hindi tunay na pangalan) sa 100 drug surrenderees na natulungan ng Lokal na Pamahalaan ng Cainta. Laking pasasalamat niya sa panibagong pagkakataon na ibinigay sa kanya at mga kasamahan sa rehab upang maitama ang kanyang pagkakamali sa buhay.
“Lahat nung gustong magpa-rehab noon dinadala namin sa Bicutan lahat yun. Tinutulungan sila pagkatapos may trabaho na sila ngayon at nasa WMO nagtatrabaho, yung iba pinapasok ni mayor sa mga dating kliyente nya sa pagkaabogado para magkaroon ng magandang buhay pagkatapos ng rehabilitasyon,” wika niya.
Ganito rin ang ginawang pagtulong ng lokal na pamahalaan ng Quezon City sa 2,000 drug surrenderees sa lungsod, na kanilang binigyan ng skills and livelihood training sa pakikipagtulungan ng Quezon City Skills and Livelihood Foundation, Inc. at ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
“We do not judge you because of your past. We’re here to help you get back on your feet, that’s why we have provided you with these simple, short courses that you will really find useful in starting your own livelihood,” wika ni Vice Mayor Joy Belmonte sa graduation ceremonies ng programa kamakailan.
Nasa 300 na indibidwal ang sumailalim sa nasabing programa, na kinabibilangan ng mga kursong decor-making, candy-making, soap-making, meat processing, at bread-making. Maliban dito, pinagkalooban din ang mga drug surrenderees ng certificates at starter kits na ayon sa kursong kanilang kinuha upang makapagsimula ng maliit na negosyo, na isang hakbang sa kanilang muling pagbangon sa buhay.
Laking pasasalamat din ni Reynaldo Bulatao, 43, ng Malasiqui, Pangasinan sa Oplan Tokhang sa pagkakasagip nito sa kanya sa pagkakalulong sa iligal na droga sa loob ng halos apat na taon.
Nagsimula siyang gumamit ng droga noong 2014 nang matanggal siya sa pinapasukan niya noong ship construction company sa Subic. Doon din nagsimulang unti-unting gumuho ang kaniyang buhay.
“Tumitikim- tikim ako sa party kasama ang tropa. Masakit pero nangyari kasi hiniwalayan ako ng asawa ko at ang mga anak ko nawala ang tiwala nila sa ama nila, nagalit sila sa akin lalo nang lumabas na ang listahan ng Tokhang at kasama ako doon,” aniya.
Kaya nang naglunsad ng community-based rehabilitation program ang pamahalaan ay minabuti niyang magpalista.
Sa ilalim ng programa ay sumailalim siya sa serye ng counseling na pinangunahan ng Malasiqui Association of Pastors in Action, regular monitoring ng barangay officials at ng pulisya, gayon din ang livelihood training mula sa TESDA.
“Andoon kasi yong programa ng gobyerno natin under President Duterte, doon ko naramdaman na kapag nasa puso ang pagbabago, gaganda ang buhay mo,” sabi ni Bulatao. “Maganda ang epekto sa akin ng Tokhang kasi bumalik sa akin ang pamilya ko. Bumalik ang tiwala nila sa akin.”