KONGRESO at Senado aayusin ang magkasalungat na bersyon ng national budget bills.
Ni: Jonnalyn Cortez
PAGKATAPOS ng mahabang paghihintay at ilang diskusyon, inaprubahan na ng Senado sa pangatlo at huling pagbasa ang House Bill 8169 o ang proposed P3.757 trilyong 2019 national budget.
Ang chairman ng Committee on Finance na si Senator Loren Legarda ang nag-sponsor ng 2019 General Appropriations Bill (GAB), kabilang na ang mga amyenda rito.
Isang bicameral conference committee ang binuo upang ayusin ang mga salu-salungat na probisyon ng magkaibang House at Senate bills.
“We hope to be able to immediately reconcile the differences between the House and Senate versions so that we may approve the budget within the remaining session days that we have,” sabi ni Legarda.
Meron na lamang hanggang Pebrero 8 ang Upper at Lower Houses upang plantsahin ang pagkakaiba ng kanilang mga bersyon at i-ratify ang minumungkahing budget bago ang recess ng Kongreso para sa darating na eleksyon sa Mayo 13.
“This is very important because the passage of our national budget every year comes with the hope of achieving real lasting growth for Filipinos, especially the poor and the most vulnerable,” dagdag ni Legarda.
Ibinahagi naman ni House appropriations committee chair Rep. Rolando Andaya Jr. na nakapagtakda na ang mga senador at miyembro ng konseho ng ground rules para sa isang maayos, transparent at mabilis na bicameral conference.
Nangako rin ang representante ng unang distrito ng Camarines Sur na hahanapin ang common ground na lubhang pakikinabangan ng mga tao at isulong ang full transparency ng deliberasyon.
SENADO inaprubahan ang House Bill 8169 o ang proposed na P3.757 trilyong national budget para sa 2019.
Transparency sa budget
Upang alisin ang agam-agam ng mga tao, nais ni Andaya na buksan sa publiko ang bicameral conference committee meetings.
Wala naman nakikitang masama si Senator Joseph Victor Ejercito sa mungkahi upang siguraduhin ang transparency sa budget.
“Why not? We in the Senate mostly have institutional insertions. (We have) nothing to hide,” wika nito.
Sinang-ayunan din ni Senator Panfilo Lacson ang suhestiyon at iminungkahi ang live media coverage ng bicam proceedings.
Inihayag naman ni Legarda na gagamitin ng bicameral panel ang 2019 National Expenditure Program (NEP) bilang point of reference, ngunit isinasaalang-alang rin nito ang bersyon ng GAB mula sa Kongreso at Senado.
PANGULONG Rodrigo Duterte inaasahang pipirmahan ang 2019 budget bill sa araw ng mga puso.
Mga pagbabago sa budget
Inihayag ni Legarda na prayoridad pa rin ng Senado sa bersyon nito ng 2019 budget ang edukasyon, healthcare, pangkabuhayan, trabaho at social services.
“The 2019 national budget supports the infrastructure program of the government while also taking care of the human capital so that economic growth addresses the needs of the people, especially the poorest sector,” pahayag nito.
“It will also continue to fund programs to build our resilience to natural hazards and climate change and promote environmental integrity.”
Nabanggit naman ni Ejercito ang pagtutulak nito sa restoration ng budget ng Department of Health (DOH) para sa Health Facilities Enhancement Program na nagkakahalaga ng P16.796 bilyon.
“Most of the government hospitals, regional, district, and provincial are the ones that I made sure there is adequate funding for expansion, improvements and upgrades,” wika ng dating mayor ng San Juan City.
Dagdag naman ni Legarda, kabilang sa mga restored budget ay ang P4.797 bilyon mula sa P7 bilyon na requirement para sa Human Resource for Health Development.
“We reflected realignments within the unprogrammed fund to provide for the Rice Competitiveness Enhancement Fund of P10 billion; Coconut Farmers and Industry Development Fund of P10 billion; implementation of the Universal Health Care, P18 billion; and Organic Law for the Bangsamoro Region in Muslim Mindanao, P40 billion,” pahayag ng environmentalist.
“We are also supporting the endeavors of the Office of the Vice President to uplift the life of the poor through its various social programs through the additional funds that the committee has provided.”
Pinaliwanag din ni Legarda ang pagkabawas ng budget para sa Department of Foreign Affairs (DFA) ng P7.5 bilyon dahil inilipat ang South East Asian (SEA) games sa Philippine Sports Commission (PSC).
Nakakuha naman ng karagdagang pondo ang Department of Justice (DOJ) para sa pagbuo ng special task force, victims assistance program para sa Overseas Filipino Workers (OFW) at mga programa para sa proteksyon ng mga bata.
Nakatanggap naman ng P1.8 bilyon ang Bureau of Corrections (BOC) para sa konstruksiyon ng mga pasilidad sa bilangguan sa limang rehiyon.
Nakakuha naman ng karagdagang P48.766 milyon ang Department of National Defense (DND) para sa Task Force and Enhanced Comprehensive Local Integration Program para sa mga “rebel returnees.”
Dati nang sinabi ni Legarda na inalis nila ang ilang alokasyon para sa road right of way sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang mga proyekto na hindi parte ng orihinal na submission ng departamento sa Department of Budget and Management (DBM).
Pagpapatibay sa proposed budget
Inaasahang pipirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 2019 national budget sa darating na araw ng mga puso sa Pebrero 14.
“Hopefully, we can ratify the budget bill soon and it will be ready for the signature of the President, except that it will take some time to be ready for signing because it takes a lot of time and documents to be finalized. Mahaba, printing pinakamabigat,” wika ni Senate President Vicente Sotto III.
Ikinatuwa naman ng Malacañang ang pag-apruba sa minumungkahing P3.757-trilyong budget pagkatapos ng mahabang paghihintay.
“The Palace is pleased to know that the Senate has passed on third and final reading the proposed 2019 National Budget,” pahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa isang statement.
“We note that our lawmakers are treating the matter as urgent as they are about to finalize the 2019 national budget in the bicameral conference committee deliberations.”
Pagkatapos pagtibayan, ang pinal at consolidated version ng proposed budget para kasalukuyang taon, ay isusumite sa opisina ng Presidente.
Sumusunod naman sa isang cash-based system ang 2019 budget na ang ibig sabihin ay kailangang gamitin ng mga ahensya ang kanilang buong budget sa loob ng isang taon. Naiiba naman ito sa dating sistemang ginagamit na pinahihintulutan ang paggamit ng budget ng hanggang dalawang taon.