Ni: Edmund Gallanosa
Madalas natin naririnig ang nakakalungkot na balita na sa iba’t ibang panig ng mundo, kabi-kabila ang pagkawala ng mga lahi ng hayop, pang-lupa man o pang-tubig, mga halaman, at iba pang nilalang sa balat ng lupa. Total extinction ang ating tinutukoy. Ano man ang dahilan, natural calamity na tumama sa ating mundo, pagbabago ng klima at temperatura, sobrang pangangaso o excessive hunting, higit sa lahat, ang sanhi nito ay ang pagkasira ng kanilang natural habitat o tirahan.
Nakakalungkot ang kanilang pagkawala—nakakatuwa sanang makita nang buhay ang ibang hayop at halaman na naglipana at dumarami sa ating paligid. Sa isang banda maaaring benepisyal naman ito sa ibang nilalang sa mundo. Paano natin pagsasabayin ang mga tao at iba pang nilalang sa balat ng lupa? Magkakasya kaya tayo?
Magkaganunpaman, kung sakaling hindi naging extinct ang ibang mga hayop at halaman, baka maaaring nagaagawaan ng paraan na ma-contain ang ibang nilalang—mala-Jurassic Park ika nga. Kung nangyari ito, siguro mas exciting na makita sila nang buhay.
Kalimutan muna natin ang mga dinosaurs. May ibang nilalang na malamang ay hindi alam ng madla na nabuhay noon, milyong taon na ang nakakalipas. Kung buhay pa ang mga sumusunod sa kasalukuyan, paano kaya tayo ngayon?
Kung buhay pa ang Haast’s Eagle ngayon, ito ang magiging itsura niya at laki. Minsan itong gumala sa himpapawid ng New Zealand, at kaya nitong bumitbit ng medium-sized na baka at baboy.
Ang Haast’s Eagle
Nais n’yo bang makakita ng agilang lumilipad na may wing span na halos sinlaki ng isang buong yero? Ito ang Haast’s Eagle, isang species ng agila na dati’y nakikita sa katimugang isla ng New Zealand. Ang labi o fossils nito ay nadiskubre ni F. Fuller sa isang bana at ipinangalanan itong Haast’s Eagle para sa German geologist na si Julius von Haast, founder ng Canterbury Museum.
Ito ay tunay na ’’bird of prey.’’ Kung ito ay buhay pa sa ngayon, mas malaki pa ito sa pinaka-malaking buwitre sa buong mundo. Kaiingat lamang ang mga tao rito sapagkat kaya nitong bumuhat ng isang batang baka, o medium-sized na baboy—at noo’y dumadagit ng ibong Moa, isa sa pinaka-malaking ’’flightless bird’’ na naglakad sa ibabaw ng mundo, sa taas na 12 feet.
Kung buhay pa ang Haast’s Eagle sa kasalukuyan, siguradong napakaganda nitong panoorin sa himpapawid.
ANG Hatzegopteryx na minsan nang gumala sa kalangitan ng mundo, lalo na sa bahagi ng Europa, ilang milyong taon na ang nakakalipas.
Hatzegopteryx—Flying king ng Europa
Kung maghahari-harian ang Haast’s Eagle sa kalangitan ng New Zealand, wala namang tatalo sa Hatzegopteryx sa Europa—sila ang magmamay-ari ng kalangitan kung sakaling buhay pa sila. Subalit siguradong manganganib ang paglipad ng mga eroplano natin sa kasalukuyan, sapagkat ito ay magmimistulang kalahi ng mga butiki at hunyango sa tapat ng Hatzegopteryx na kasinlaki ng isang full-grown na Giraffe. Sa tindig, di kasama ang mga balahibo at pag nilagyan mo ito ng pakpak ng paniki, kamukha nito ang hornbill ng Palawan.
Kaya nitong dumampot ng medium-sized na dinosaur noon. Ano pa kaya ang ka-yang damputin ng Hatzegopteryx kung ito’y nabubuhay sa ngayon?
Super higante sa laking Carbonemys
Taong 2005, nang nadiskubre ng doctoral student ng North Carolina State University na si Edwin Cadena sa minahan ng Cerrejon sa Colombia ang mga labi ng isang Carbonemys. Nahukay ang bungo nito na sinlaki ng isang soccer ball—bungo pa lamang ito. Ang pira-pirasong labi ng carapace nito ay may sukat na halos anim na talampakan ang laki at lawak. Ang Carbonemys ay isang dambuhalang pagong. Nakakatuwang isipin na kung buhay ito ngayon, sinlaki ito ng isang Volkswagen.
Nabuhay ito 60 milyong taon na ang nakakalipas. Kung ito ay pagala-gala pa ngayon, magdadalawang-isip tayo sapagkat pinaniniwalaan na ito ay part-carnivorous at kumakain ng mga buwaya noong unang panahon. Ano kaya ang kayang kainin nito kung nabubuhay ito ngayon?
Ang Titanoboa
Ito pa ang isang kagimbal-gimbal na creature kung nabubuhay pa sa ngayon. Nadiskubre ni Fabiany Herrera ang mga buto nito na kaniyang pinadala sa laboratoryo ng University of Florida. Nang buuin ito ng mga scientists, nagulat sila sa laki nito—kung buhay ito sa ngayon, hindi ito magkakasya sa kanilang laboratoryo.
Ang Titanoboa ang nadiskubreng pinakamalaking ahas sa buong mundo. Kasing-haba ng isang bus, ito’y 40 feet at tumitimbang ng ilang tonelada. Ang katawan nito ay kasinlaki ng troso. Ang ating kinakatakutang mga buwaya, ang isa sa paborito nitong kainin.
Ilang milyong tao ang may phobia sa ahas—maliit man o malaki. Paano pa kaya kung nabubuhay pa ang Titanoboa sa kasalukuyan, kaya ninyo bang harapin ito? Ang present-day Anaconda ng South America, magmumukhang bulate lamang kung itatabi sa Titanoboa.
Giant pusit, in a shell
Noon pa man ay marami na ang nagtatanong kung may katotohanan ba sa mga kuwento tungkol sa dambuhalang pugita o octopus sa ating karagatan. Napatunayan nang may nabuhay na giant squid sa ilang malalim na bahagi ng karagatan. Subalit 470 milyong taon na ang nakakalipas, nabuhay ang Cameroceras,isang klase ng mollusk o lahi ng mga pusit at pugita na gumagala sa karagatan ng Laurentia, Baltica at Siberia. Mukha itong pusit na nabubuhay sa loob ng isang korteng-apa na shell. Ang haba nito ay tinatayang 18 hanggang 20 talampakan lang naman.
Itinuturing itong isa sa pinaka malaking nilalang noong Paleozoic era. Para itong cross-breed ng pusit sa susong pilipit. Kung nabubuhay pa ito sa kasalukuyan, maglalangoy ka pa ba sa karagatan?
Ito ang actual photo ng bunganga ng Megalodon—ang pinaka malaking pating na lumangoy sa karagatan natin ilang libong taon na ang nakakalipas.
Hari ng Karagatan
Pagdating sa usaping laman ng dagat, wala nang mas kinakatakutan pa kundi ang mga sharks o pating. Enter the Megalodon—ang dambuhalang pating na sinlaki ng balyena.
Nabuhay ito 28 hanggang 1.5 milyong taon na ang nakakalipas at may haba itong 50 hanggang 60 feet. Dahil malawak pa ang parte ng karagatan na unexplored pa, marami ang naniniwalang buhay pa ito. Kung magkaganunpaman, siguradong wala nang mangangahas na maligo sa mga dagat ngayon.
Ang Pilipinas ay suwerte sa pagkakataong walang Great White Shark sa ating karagatan. Isipin ninyo na lamang ang Megalodon na halos limang doble ng Great White Shark, hindi ka ba matatakot kang lumangoy pa sa open sea?
Makailang beses nang nakakakuha ng pailan-ilang ngipin ng Megalodon sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Ang isa sa pinaka-malaking ngipin na nadiskubre ay sinlaki ng isang porselanang plato.
Ilan lamang ito sa mga nilalang na nabuhay noong bata pa ang ating mundo. Ano kaya ang mangyayari sa atin kung sabay natin silang nabubuhay sa ngayon? Exciting ‘di ba pero siguradong nakakakaba.