Pinas News
Sa kasalukuyan, hindi bababa sa 55% ng populasyon ng buong mundo ang naninirahan sa mga lunsod. Maaaring madagdagan pa ng 2.5 bil-yong tao sa mga lunsod pagdating ng taong 2050. Ayon ito sa pinakahuling pag-aaral ng Population Division ng UN Department of Economic and Social Affairs (UN DESA) ngayon lamang 2018.
Naulat na mabilis na lumolobo ang populasyon ng mundo: mula 751 milyon noong 1950 hanggang naging 4.2 bilyon ngayong 2018.
Kasama sa pinaka-urbanized na rehiyon ang Northern America (na may 82% ng populasyon nito ay naninirahan sa urban areas ngayong 2018), Latin America at Caribbean (81%), Europa (74%) at Oceania (68%). Ang antas ng urbanisasyon sa Asya ngayon ay humigit-kumulang 50%. Sa kabilang banda, nananatili ang Africa bilang halos-kanayunan, at tinatantiyang may 43% lamang ng populasyon nito ang naninirahan sa mga lunsod.
Sa madaling salita, nasa 54% ng populasyon ng mga lunsod sa mundo ang nasa Asya, kasama na ang mga nasa Pilipinas. Sa kalakhang Maynila, kitang-kita at damang-dama ang kumakapal na bilang ng mga tao, lalo na ng mga naghihikahos.
Bakit dapat paglimian ang mga istatistikang na ito? Marami at mabigat ang mga hinaharap na usapin sa proseso ng urbanisasyon o ang paglawak at paglaki ng mga kalunsuran.
Sa isang artikulo ng National Geographic, tinukoy ang mga hamon at suliranin na dulot ng urbanisasyon. Nariyan ang kahirapan, polu-syon, kakulangan sa enerhiya, at iba’t ibang mga banta sa kalusugan at kalikasan o kapaligiran gaya ng pagbabaha at panipis na bilang ng mga puno’t halaman.
Tinukoy din naman sa nasabing artikulo ang mga kailangang gawin. Una, malalabanan ang kahirapan sa pagtataguyod ng higit pang pag-unlad ng ekonomiya at paglikha ng trabaho. Ikalawa, dapat na isangkot ang lokal na komunidad sa lokal na pamamahala. Ikatlo, dapat bawasan ang polusyon ng hangin sa pamamagitan ng pagbabago sa paggamit ng enerhiya at mga alternatibong sistema ng transportasyon. Ikaapat, palaguin pa ang mga pampri-vbado-pampublikong pagtutulungan upang makapaghain ng mga serbisyo tulad ng tamang pagtatapon ng basura at pabahay. Ikalima, magtanim ng mga puno’t halaman ayon sa binagong disenyo ng lugar o tiyakin ang paglilinang ng mga tinatawag na “luntiang lunsod” bilang isang mahalagang elemento sa pagpaplano ng kalunsuran.