Ni: Beng Samson
Sari-saring krimen – rape, karumal-dumal na pagpatay, holdap, pagnanakaw, at iba pa. Karamihan sa mga ito, sinasabing “Nakadroga yan kaya nagawa yan, hindi yan magagawa kung nasa normal na kundisyon.” Ang mga krimeng nabanggit lalo na ang panggagahasa sa mga menor de edad, sanggol, sariling kamag-anak at mga karumal-dumal na pagpatay ay palaging sinasabing droga ang ugat. Matagal na panahon nang talamak ito sa bansa.
Drug war, inilunsad, sagot sa problema?
Anti-illegal Drugs Campaign Plan: Double Barrel, Project Tokhang at Project High Value Target, ito ang kampanya laban sa droga na inilunsad ng pamahalaan sa unang araw pa lamang ng pag-upo ni Duterte bilang pangulo ng bansa.
Naging maingay ang kampanya dahil sa kabi-kabilang pagtimbuwang ng mga namamatay at pagdanak ng dugo sa mga kalsada ng mga diumanong suspek sa paggamit at pagbebenta ng iligal na droga.
“Forget the laws on human rights. If I make it to the presidential palace, I will do just what I did as mayor. You drug pushers, hold up men and do-nothings, you better go out, because I’d kill you. I’ll dump all of you into Manila Bay, and fatten all the fish there,” matigas na sambit ng pangulo sa panahon ng kampanya. Sa mga katagang ito naramdaman ng mga Pinoy ang sigasig ni PDU30 na masugpo ang iligal na droga sa bansa.
Operasyon ng Oplan Tokhang
nakapagsalba, nakapagbigay-hustisya, may mga namatay
Sa pagpapatupad ng Oplan Tokhang, marami ang natuwa at nabigyan ng pag-asa lalo na ang mga pamilya ng mga biktima ng mga krimeng iniuugnay sa kaso ng paggamit ng illegal drugs. Anila nabigyan na ng hustisya ang inabot ng kanilang mga nasawing kamag-anak. Hindi lang mga kamag-anak ng mga nabiktima ng mga diumano’y drug addict, kundi mismong mga dating adik o gumon sa paggamit ng iligal na droga ang nagpapasalamat sa Oplan Tokhang.
“Laking pasasalamat ko po talaga dahil nagkaron ng tokhang, kung hindi ay malamang na hanggang ngayon ay lulong pa ako sa ipinagbabawal na gamot at sira na ang buhay ko at pamilya ko,” pag-amin ni Mang Maxi, residente ng Barangay Malanday, Valenzuela City.
Si Mang Maxi, 48, ay nagsimulang nalulong sa droga nang siya ay 22 anyos pa lamang, “pero hindi naman po tuloy-tuloy ang paggamit ko ng drugs, sa twing nadedepress po ako ay gumagamit po ako. Nag-umpisa po iyon nang namatay ang aking anak’”, patuloy na kwento ni Mang Maxi.
Isa sa 142 surrenderees – first batch si Mang Maxi na ipinadala ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela sa Central Luzon Drug Rehabilitation na nasa Barangay Santo Niño, Magalang Pampanga, “Naisipan ko pong sumuko kay Mayor Rex Gatchalian ng hikayatin ako ng aming kapitan na sumuko, natatakot po kasi akong ma-tokhang,” dagdag ni Mang Maxi.
“Sumama lang kayo, ako ang bahala sa mga pamilya ninyo”, ito po ang salita ni Mayor Gatchalian na pinanghawakan ko kaya nagdesisyon na akong sumuko.
Ipinasok sa rehabilitation center si Mang Maxi noong Oktubre 2016 at naka-graduate noong May 2017.
“Napakalaking bagay po sa akin ang pagkakapasok ko sa center, hindi na po ako naghahanap ng drugs ngayon kahit ilang beses ako ma-depress, kahit na nung nasunugan kami ng bahay at namatay ang nanay ko,” kwento ni Mang Maxi.
“Sinagot po ni Mayor ang gastos ng pamilya ko, habang nasa loob ako ngcenter, may P5,000 kada buwan, 10 kilong bigas at mga delata kada linggo, pag-aaral ng mga anak ko na isang college at isang kinder, pati po lahat ng pangangailangan ko sa loob sinagot ni mayor,” dagdag ni Mang Maxi.
Ayon kay Mang Maxi, natuwa siya nang malamang ibabalik ang Oplan Tokhang dahil aniya marami pang Mang Maxi na maililigtas sa masamang bisyo. Ngayon aniya, ay natuto siya magdasal, nagtrabaho para sa pamilya.
“Ipinasok po ako ni mayor ng trabaho pati asawa ko kaya hindi ko na po sasayangin ang pagkakataon, sana yung mga gumagamit payo ko sa kanila tumigil na dahil masarap pala ang walang bisyo, lalo na ngayon ibabalik na ang tokhang” payo ni Mang Maxi.
Tinuligsa
Samantala, habang nagpapasalamat ang ilan, binatikos naman ang programa ng iba’t ibang human rights groups sa bansa at maging mula sa ibang bansa, mga mambabatas, United Nations dahil sa diumano’y extra judicial killings na ginawa anila ng kapulisan.
Naglabasan ang libo-libong bilang sa mga tala ng mga namatay na kinasangkutan ng ilang menor de edad, partikular na ang kontrobersiyal na kaso ni Kian delos Santos, 17 at Carl Arnaiz, 19, mga estudyante, at mga propesyunal, na naging sanhi upang lalong batikusin ang kampanya.
Kapangyarihan ng PNP sa Tokhang, inalis
Ipinasya ni President Digong noong Pebrero ng nakaraang taon na alisin ang kapangyarihan ng kapulisan sa paghuli sa mga drug suspect matapos masangkot ang mga ito sa sunod-sunod na tinaguriang “tokhang for ransom”, at sa pagkamatay ng Koreyanong si Jee Ick-Joo sa loob mismo ng Camp Crame noong Oktubre, 2016.
Naglabas ng kautusan ang pangulo na pangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang lahat ng anti-illegal drug oprations habang tumutok naman ang PNP sa internal cleansing at sa riding in tandem groups.
Pagbabalik ng kapulisan sa drug war
pinaboran, binatikos
Bago matapos ang taong 2017, buwan ng Disyembre, nilagdaan ni Duterte ang isang memorandum circular na nagbibigay pahintulot sa kapulisan na muling sumuporta sa nasabing programa ng pamahalaan kontra droga, katuwang ng PDEA.
Tinuligsa ng ilang mambabatas ang muling pagbabalik ng PNP sa drug war habang pabor naman ang iba. May nagsasabing mas mainam pa din na pangunahan pa din ito ng PDEA katuwang lamang ang PNP para sa karagdagang lakas dahil kulang sa tao ang PDEA. Karamihan naman ay nagsasabing dapat nang mag-ingat ang kapulisan sa kanilang mga susunod na hakbang at dapat na silang matuto sa kanilang kamalian sa nakaraang pagpapatupad ng operasyon. May nagbigay paalala na hindi dapat gawing lisensya ng kapulisan ang buong suporta ng pangulo sa kampanya upang magsagawa ang mga ito ng walang habas na mga pagpatay.
Nagpaalala din ang ilang mga tagapagtaguyod ng local at international human rights ukol sa muling pagdami ng insidente ng mga extra judicial killing kung muling maibabalik ang PNP sa kampanyang ito.
“Because the president returned it [to the police], he must not be satisfied. He wants more,” saad ni Malacañang spokesperson Harry Roque sa isang press briefing. Tinutukoy dito ang hindi umanong pagkasiya o pagka-satisfy ng pangulo sa pagganap ng PDEA sa pagpapatupad ng drug war.
PNP, inamin ang isinasagawang pagpaplanong pagrebisa ng war on drugs
Ayon kay PNP Deputy Spokesman Supt. Vimelee Madrid, nagsimula nang magplano ang kapulisan para sa pagrerebisa ng drug war. Aniya, sisikapin ng kanilang hanay na maipatupad ang kampanya ng hindi dadanak ang dugo. Subali’t hindi pa rin isinasaisang tabi ang pagtatanggol sa kanilang kaligtasan sakaling sila na ang inaatake ng kanilang mga inaaresto. Sinabi din ni Madrid na isinasaayos na nila ang kanilang watchlist ng mga high value target sa kalakalan ng iligal na droga.
Tala ng PNP kaugnay ng Oplan Tokhang
Simula July 1, 2016 hanggang Setyembre 26, 2017, nakapagtala ang PNP ng 76,863 anti-drug operations na nagresulta sa pagkamatay ng 3,906 drug personalities at 113,932 inaresto.
Sa tala ng Hulyo 25, 2017, pumalo na sa 1.3 milyong sumurender ang natulungan. Nasa 3,500 barangay naman ang naideklarang cleared of drugs ayon naman sa tala ng Agosto 31, 2017, ayon sa PNP.
Nakapagtala din ang pulisya ng bilang na 85 pagkamatay ng law enforcers, habang 225 naman ang nasugatan dahil sa operasyon.