Cavite
Red alert na! Pumapalyang mga planta?
Ni: Louie C. Montemar
“Tinatamaan na ng brownouts ang Quezon City, Valenzuela, Navotas, Caloocan, at Malabon. Sumunod sila sa Cavite, Laguna, Batangas, at Bulacan. Dumanas na ng rotating brownouts ang mga lugar na ito at malamang na patuloy pa ang pagdurusa nila sa tag-init.”
Nang magsimulang lumabas ang mga yellow alerts, pahayag ng Department of Energy (DoE) na may mga “parusa” ang mga plantang pumapalya at kailangan na talaga natin ng mga bagong planta dahil karamihan sa mga nakatayo sa ngayon mga luma na at hindi na maayos ang pagbuga ng kuryente.
Higit pa, mismong si DoE Secretary Fuentebella na ang nagsabing mayroon daw tayong sapat na suplay ng kuryente para sa buong summer ngunit kailangang bantayan ang katayuan ng bawat planta ng kuryente.
Dagdag pa, sinabi na rin ng DoE na magpapatuloy ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa pagbabahagi ng mga yellow alert sa media ngunit hindi naman daw dapat isama pa ang listahan ng mga plantang pumapalya.
Ano po ba talaga Secretary Fuentebella? Bakit tila tulak-kabig ang inyong mga pahayag? Ngayong nagkaroon na tayo ng red alert at ibig sabihin kakapusin na ang suplay, kaya nga may mga brownout na, paano na?
Kailangan natin ng mas malinaw na direksiyon at mas tiyak na mga hakbangin upang maharap ang hamon ng kasalakuyang sitwasyon sa supply ng kuryente.
Isa rito ang ang patuloy na paglalabas ng listahan ng mga planta at dahilan para sa pagtigil operasyon nila. Ipagpatuloy ang pagpapahayag ng mga alerto sa suplay ng kuryente. Dapat ipagbigay-alam ito sa publiko nang mamonitor ang maaaring sabwatan sa mga kasali sa pamilihan ng enerhiya upang itulak pataas ang presyo ng kuryente, gaya ng pagtaas na makikita ngayon sa presyuhan sa Wholesale Electricity Spot Market o WESM matapos ang unang serye ng mga brownout.
Nariyan din ang tinatawag na Interruptible Load Program (ILP) ng DoE at ng Energy Regulatory Commission (ERC) upang magkatulong na mapawi ang kakulangan sa suplay ng enerhiya hanggang makuha ang mga bagong kapasidad sa grid. Sa programang ito, ang mga kompanyang may mga stand-by capacity generation na lumahok sa ILP ay babayaran kung gagamitin nila ang kanilang sariling mga pasilidad upang makatulong tugunan ang pangangailangan sa suplay ng kuryente.
Subalit sapat ba talaga ang mga pansamantalang tugon na gaya nito? Red Alert na! Nagba-brownout na sa harap ng matinding init at maghahalalan pa. Hindi ba kailangan ng mas mabilis pang aksiyon na may pangmatagalang epekto?
Paano na ang mga pumapalyang planta DoE? Red Alert na!
PITX, magdaragdag ng 20 bagong ruta
DALAWAMPUNG ruta ang dinagdag upang mapaganda ang serbisyo ng PITX.
Ni: Jonnalyn Cortez
MARAMI ang natuwa sa pagbubukas ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) na itinuturing na kauna-unahang landport sa Pilipinas. Ngunit kasabay ng pagdiriwang ng marami, meron ding mga nagrereklamo sa diumanong mabagal at matagal na serbisyo nito.
Kaya upang solusyunan ang reklamo ng mga commuter, nagdesisyon ang Department of Transportation (DOTr) and Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magtakda ng karagdagang 20 bagong ruta para sa public utility vehicles (PUV) upang maibsan na rin ang lumalalang trapiko.
Ayon sa nakasaad sa Memorandum Circular (MC) No. 2019-005, magkakaroon ang public utility buses (PUB) ng 10 bagong ruta habang ang mga UV Express naman ay madagdagan ng dalawang ruta. Ang Class 2 public utility jeepneys (PUJ) naman ay magkakaroon ng walong bagong ruta.
Mahigit na 600 PUV ang mabibigyan ng bagong prangkisa kasunod ng pagbubukas ng mga bagong ruta.
Ang mga nais mag-apply para rito ay kinakailangang may pondong P10 milyon para sa mga bus, P2.2 milyon para sa mga UV Express van at P2,000 naman para sa mga jeepney na siya namang i-multiply sa kabuuang bilang ng mga sasakyan sa bawat ruta.
Ang mga kasalakuyan o area-based operators naman ay kailangang bigyan ng preference dahil na rin sa kanilang pagsunod sa kanilang mga kwalipikasyon.
MAGIGING mas madali na ang pagbyahe ng mga communter dahil sa PITX.
MGA BAGONG RUTA NG PITX
Sumusunod at nakabase sa direktiba ng DOTr at ng LTFRB ang naturang MC noong isang taon upang magbukas ng mga bagong ruta ang PITX.
Para sa mga PUB, ang 10 mga bagong ruta ay sa Ternate, Alfonso/Mendez, Palapala, Dasmariñas, Silang, Cavite, Tagaytay City, Cavite City, Indang, Manggahan, General Trias, Lancaster New City at Nasugbu sa pamamagitan ng pagdaan sa Ternate.
Para naman sa mga UV Express van o Class 3 PUJ, ang dalawang nadagdag na ruta ay sa Alabang at Tanza.
Ang Class 2 PUJ naman ay may walong nadagdag na ruta sa mga sumusunod na lugar: Bayang Luma, Imus, Alabang, Tanza, Bicutan sa pamamagitan ng pagdaan sa East Service Road, Bicutan sa pamamagitan ng pagdaan sa West Service Road, Sucat sa pamamagitan ng pagdaan sa Sucat Avenue, Blumentritt at Bacoor.
Sinabi ng LTFRB na kinakailangang maisagawa ang pag-improve ng accessibility ng PITX matapos ng napakaraming reklamo na natanggap nito mula sa mga commuters.
HALOS 600 PUV ang mabibigyan ng bagong prangkisa kasunod ng pagbubukas ng 20 bagong ruta ng PITX.
MGA PWEDE SA BAGONG RUTA
Plano ng LTFRB na magbigay lamang ng prangkisa sa mga operators na kayang mag-provide ng mga sasakyan sa sumusunod sa guidelines na itinakda ng PUV modernization program ng gobyerno.
Sa ilalim ng modernization plan, papayagan lang ang mga PUV na may edad na hindi hihigit sa 15 taon, environment-friendly at may mga safety measures. Kinakailangan ding may Euro 4 engines o mas mataas pa ang mga sasakyan.
Ayon naman sa guidelines mula sa DOTr, ibibigay ang prangkisa sa mga bus na may single-deck, dalawang pinto, air-condition, CCTV, dashboard camera, libreng Wi-Fi at automatic fare collection system.
Para naman sa mga UV Express units, ang mga sumusunod lamang sa Omnibus Franchising Guidelines ang mabibigyan ng lisensya upang mag-operate sa mga nasabing bagong lugar.
Kinakailangan namang fit para sa urban travel, kayang magdala ng mahigit 22 pasahero, na pawang lahat ay nakaupo, at pwede rin ang mga nakatayo, ang mga Class 2 na sasakyan na bibiyahe sa mga bagong ruta. Ganito rin ang kinakailangan para sa mga Class 3 na sasakyan, ngunit bawal ang mga nakatayong pasahero dahil na rin sa mas malayo at matagal ang mga dadaanan at byahe nito.
INTERIM SERVICE
Dahil sa hindi naman lahat ng operator ay may kakayanang sundin ang lahat ng nasa ilalim ng PUV modernization program, mayroon ding mga probisyon na nakasaad sa MC 2019-005 para sa isang Interim Service.
Sa ilalim nito, ang mga napiling aplikante ay kinakailangang may 2/3 ng kinakailangang bilang ng sasakyan 15 araw mula mabigay ang Notice of Selection.
May karagdagang pamantayan para sa mga PUB sa ilalim nito, tulad ng hindi dapat mas tatanda pa sa limang taon ang edad ng sasakyan, habang hindi naman dapat hihigit pa sa tatlong taon ang mga UV Express vans.
Ang mapipiling operator ay kinakailangang may 25 porsyento ng kinakailangang bilang ng sasakyan sa loob ng tatlong buwan pagkatapos mabigyan ng Notice of Selection. Kailangan naman ay 50 porsyento na ang bilang ng sasakyan na hawak nito sa loob ng anim na buwan at makumpleto na lahat ang bilang pagkatapos ng siyam na buwan.
Bunga ng masusing pag-aaral ng mga ahensya ng transportasyon ang MC 2019-005 upang solusyunan ang pangangailangan ng mga commuters na gumagamit ng PITX.
Alinsunod din ito sa kagustuhan ng administrasyon na magkaroon ng PUV modernization program upang makapag-provide ng ligtas at maasahang paraan ng transportasyon na hindi lamang nangangalaga sa mga commuters kundi maging sa kapaligiran.
Ang PITX ang kauna-unahang integrated at multi-modal terminal sa southwestern part ng Metro Manila. Nagsisilbi itong transfer point sa pagitan ng mga provincial buses ng Cavite at Batangas, maging ng mga transportasyong in-city mode. Nagsisilbi rin itong interconnectivity sa pagitan ng mga iba’t-ibang paraan at serbisyo ng transportasyon upang siguruhin ang mahusay at tuluy-tuloy na biyahe ng mga commuter.
“As the first integrated and multi-modal terminal in the southwestern part of Metro Manila, the PITX is a landmark project, a landport that feels and functions like an airport,” pagmamalaki ni Pangulong Rodrigo Duterte sa inagurasyon nito.
Nagbukas ang PITX noong Nobyembre 2018. Bukod sa pagiging transportation bay ng mga bus, jeepney at UV Express, meron din itong commercial spaces at office buildings.
Giyera kontra droga: Tuloy ang pagratsada
MAGPAPATULOY ang giyera kontra droga ng pamahalaan ngayong 2019. Inanunsyo kamakailan ni Pangulog Rodrigo Duterte na tutugisin ng kanyang administrasyon ang big-time drug lords
Ni: Quincy Joel V. Cahilig
NOONG 2016, iniluklok bilang Pangulo ng Pilipinas si Rodrigo Roa Duterte dahil pinanghawakan ng mga botante ang kanyang pangakong lilinisin ang mga lansangan mula sa ipinagbabawal na gamot, na isang pangunahing sanhi ng iba’t-ibang krimen. Makalipas ang tatlong taon, sa kabila ng mga batikos sa madugong war on drugs ng kaniyang administrasyon, marami pa ring mga Pinoy ang pabor sa kampanyang ito.
Ang mataas na approval rating na nakuha ni Pangulong Duterte sa nakaraang Social Weather Stations (SWS) survey Disyembre 2018 ay patunay ng mainit pa rin na suporta ng mga Pinoy sa kampanya na sugpuin ang ipinagbabawal na mga gamot sa mga lansangan. Base sa fourth quarter SWS survey na sinagawa mula Disyembre 16 hanggang 19, nasa 74 porsyento ng mga Pilipino ang “satisfied” sa performance ng kaunaunahang Pangulo ng bansa mula sa Mindanao.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ang resulta ng survey ay nagpapamali sa mga akusasyon ng mga kritiko sa kampanya ng Pangulo kontra droga.
“The support of the Filipinos for our Chief Executive also sends a strong message to foreign human rights groups and foreign governments to put a stop to their baseless and unkind accusations on his war on drugs,” aniya.
Sa nalalabing tatlong taon ng kanyang termino, mukhang hindi na mapipigilan pa ang pag-hunting ng Pangulo sa mga elementong patuloy na lumalason sa mga utak ng mamamayan gamit ang illegal drugs gaya ng shabu. Kamakailan nga nagbitaw pa ng matinding babala si Duterte sa mga “malalaking isda” na nagpakalat ng droga.
“I’m just warning for the remaining 3 years, ‘yung malalaking drug lords matatamaan yan, I will slit your throats,” banta ng Pangulo sa kanyang talumpati sa kaarawan ni Political Adviser Francis Tolentino kamakailan.
“Yung malalaki talagang tatamaan ‘yan. And if you ask me kung mamamatay ‘yan, mamamatay talaga ‘yan. Nasabi ko na eh, huwag dito sa akin. Pag big-time ka hindi kita patatawarin. Sa harapan ng human rights I will slit your throat. Wala akong pakialam. Talagang yayariin kita,” wika pa ng Pangulo.
Kaalinsabay ng babala ay ang paghimok ni Pangulong Duterte sa mamamayan na patuloy na suportahan ang kampanya ng gobyerno laban sa droga at kurapsyon.
“Let us work hand in hand to defeat the ills of drugs, criminality and corruption that stunt our development. Together, let us face all obstacles head on, armed with the knowledge and brimming with hope that we can triumph over any struggle that we may face as a nation,” wika ng Pangulo sa kaniyang New Year’s message.
Iniinspeksyon ni PDEA Director General Aaron N. Aquino ang nasabat na magnetic lifters sa General Mariano Alvarez, Cavite na hinihinalang ginamit upang ipuslit sa loob ng bansa ang bilyon-bilyong halaga ng shabu.
LIBO-LIBONG BARANGAY IDINEKLARANG DRUG-FREE
Itinuturing ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na isang mabunga at matagumpay na taon ang 2018 para sa giyera kontra droga. Bukod sa naging mas maigting na kampanya para hulihin ang mga big time at small time na sangkot sa kalakaran ng ipinagbabawal na gamot, mas pinagbuti din ng gobyerno ang rehabilitasyon para sa mga sumukong drug users na nagnanais na maituwid ang kanilang landas.
Batay sa datos ng PDEA ng November 30, 2018, nasa 9,500 na ang bilang ng mga barangay sa bansa ang idineklarang drug-free buhat nang pasimula ng termino ni Pangulong Duterte.
Umabot naman sa 303,533 ang mga drug surrenderers ang nagtapos sa Recovery and Wellness Program (RWP), na isinagawa sa pagtutulungan ng Philippine National Police (PNP) at ng pribadong sektor para matulungang makabangon muli ang mga nalulong sa droga sa buong bansa.
Nakasaad din sa report ng PDEA na umabot na sa PHP 25.19 bilyon ang halaga ng mga nasabat na illegal drugs and equipment mula Hulyo 2016. Nitong Nobyembre lang, nakasabat ang ahensya ng 128.96 milyong halaga ng illegal drugs and equipment.
Bilang patunay naman na walang sinasanto ang war on drugs, nasa 296 na law enforcers ang sinibak sa pwesto dahil sa paggamit ng droga samantalang 142 personnel ang kinastigo dahil sa drug-related offenses.
Pinasinayaan ng mga opisyal ng pamahalaan ang Bahay Silangan sa Caloocan City, kung saan tutulungan ng gobyerno ang mga sumukong drug offenders na makapagbagong buhay.
JUVENILE JUSTICE LAW, DAPAT NANG BAGUHIN
Samantala, buhat sa pasimula ng Duterte administration, umabot na sa 1,861 minors na sangkot sa droga ang naaresto. Ang numerong ito ay binubuo ng 1,001 pushers; 501 possessors, 255 users; 93 drug den visitors, anim na drug den maintainers; tatlong drug den employees at dalawang cultivators, ayon sa PDEA.
Ang mga nahuhuling menor de edad, pagkatapos ng court proceedings, ay hindi naman ikinukulong kundi dinadala sa pangangalaga ng Department of Social and Welfare Development (DSWD) pagtapos ang walong oras na police custody. Ang ibig sabihin, malaki pa rin ang chance na bumalik sila sa maling gawain.
Kaya naman ginagamit ng malalaking sindikato ang mga menor de edad sa pagpapakalat ng droga sa mga lansangan dahil alam nilang hindi pwedeng ikulong ang mga ito batay sa Juvenile Justice Law of 2006. Nakasaad sa naturang batas na ang minimum age of criminal liability ay 15 years old.
Dahil dito, maigting ang panawagan ng administrasyon sa mga mambabatas na i-revise ang naturang batas. Ayon kay Presidential Communications Operations (PCOO) Assistant Secretary Marie Rafael, panahon na para pag-aralan ang Juvenile Justice Law kung mabisa pa nga ba ito lalo na’t dumadami ang bilang ng mga batang nagiging sangkot sa krimen.
“If we lower down the age of accountability for minors, because at age 17, they can go further, they can even kill. Nakikita po natin dito that pushers, yung age of discernment ng isang bata nowadays, by 15 kaya, alam na niya ang tama at mali?” wika ni Rafael.
Suportado naman ng PNP ang naturang panawagan na ibaba ang age of criminal liability, at nagbabala na pwedeng parusahan ang mga magulang ng mga batang sangkot sa krimen alinsunod sa Republic Act 7610.
“These children have no business selling drugs or being out-of-school. It is about time that we give this responsibility to our parents to take good care of their children. We would like to see this law applied to parents seriously neglecting their children,” ayon kay PNP deputy spokesperson PSupt. Kimberly Molitas.
Hindi din dapat aniyang gawing dahilan ang kahirapan para maging sangkot sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.
Manila Bay sasailalim sa rehabilitasyon
DENR nakatakdang isailalim sa rehabilitasyon ang Manila Bay.
Ni: Jonnalyn Cortez
PLANO ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ibalik ang dating ganda at sigla ng Manila Bay.
Gamit ang parehong estratehiyang sa rehabilitasyon ng Boracay Island, determinado si Environment Secretary Roy Cimatu na tanggapin ang hamon na linisin ang Manila Bay.
Pagbuhay sa Manila Bay
Kilala ang Manila Bay sa kabigha-bighani nitong sunset, pero kilala rin ito bilang dagat ng basura. Ngunit sa plano ng gobyernong rehabilitasyon, hindi magtatagal ay muling mabubuhay ang ganda ng look.
“We are preparing for an all-out strategy to bring the coliform concentration in Manila Bay to a safe level so that millions of people who reside in the bay region and neighboring areas will enjoy its waters and marine resources without fear of getting sick,” ani Cimatu.
Sinabi ng retired general na nakikita nitong pangmatagalang solusyon ang pagpapababa sa coliform level ng tubig sa 100 kada 100 milliliters (MPN/100ml) upang muling makalangoy dito at makapagsagawa ng iba pang water activities. Sa kasalukuyan, mayroon itong 333 million MPN/100ml.
Dagdag din ni Cimatu na magpapakita ng parehong political will ang gobyerno sa paglilinis nito tulad ng ginawang rehabilitasyon sa Boracay.
Nanawagan naman si DENR Calabarzon Executive Director Ipat Luna na tumulong ang mga local government units (LGU) na disiplinahin ang mga naninirahan sa easements.
“Kasi ‘pag napigilan natin sila – kahit patrolin mo ‘yan araw-araw, mas maliit pa rin ang gagastusin mo kaysa hanapan mo sila ng bahay. Mas malaking gastusin pag ire-relocate mo na sila,” paliwanag nito.
Sinang-ayunan naman ito ni Cimatu at pinaalalahanan ang mga mga LGU na sumunod sa mga environmental law upang makatulong sa rehabilitasyon ng Manila Bay.
“I am calling on all LGUs to step up their efforts in cleaning up the bay because it is their own constituents who will benefit,” anito.
Polusyon dulot ng domestic waste
Ibinunyag ni Luna na 90 porsyento ng polusyon sa Manila Bay ay mula sa domestic waste.
Pangunahing kontributor umano dito ay ang Calabarzon. Dumidiretso ang basura nito sa Laguna Lake at tumutungo sa Manila Bay.
Sinabi naman ni Cimatu na ang mataas na coliform nito ay dulot ng dumi mula sa mga estero o estuaries sa Metro Manila.
Dagdag nito, natukoy na ng DENR ang apat na pangunahing estero na nagdadala ng bilyong coliform sa mga tubig kabilang na ang Pasig River. Dalawa naman dito ay nakakaapekto lamang sa Manila Bay. Isa nga rito ang Estero de San Antonio de Abad sa Malate, Manila, na nakatakdang inspeksyonin ni Cimatu.
“If we control these four esteros, I am very optimistic that the coliform level of the bay will be reduced significantly,” pagtitiyak nito.
Hamon kay Cimatu
Malaking hamon para kay Cimatu ang paglilinis ng Manila Bay dahil sakop nito ang apat na lungsod — Metro Manila, Cavite, Bulacan at Bataan.
“We have divided the cleanup based on these areas but we will concentrate first here in Metro Manila,” pahayag nito.
“This is urgent because I believe that during habagat, dirt and garbage is blown to the west and stagnates in Manila Bay.”
Nakatakdang magsimulang bumisita si Cimatu sa mga gusali, pagawaan, at sapa na nagtatapon ng maruming tubig dito.
Determinado umano itong ipasara ang mga makikita nitong establisyemento na lumalabag sa environmental laws na malapit at nasa paligid nito.
Plano ni Cimatu na makipagpulong sa mga stakeholders at opisyal ng gobyerno sa lalong madaling panahon upang mailunsad nila ang kanilang plano sa darating na Enero 2019.
“We start this early and we are planning to have a meeting-conference with stakeholders and city mayors of Metro Manila,” anito.
“After that, we’ll be launching also this plan into reality within the month of January so that we expect that at the end of this year, by Christmas next year we’ll have a better Manila Bay.”
Dati nang iniutos ni Cimatu sa Manila Bay Coordinating Council ang paggawa ng draft master plan para sa rehabilitasyon. Bukod naman sa DENR, 15 pang ahensya ng gobyerno ang magtutulung-tulong na gumawa ng draft rehabilitation plan para rito.
DENR Sec. Roy Cimatu at Sen. Cynthia Villar
Pagkilala kay Villar
Kinilala ng DENR ang pagsisikap ni Senator Cynthia Villar na linisin at isailalim sa rehabilitasyon ang Manila Bay sa ika-10 anibersaryo ng pagpapalabas ng mandamus ng Supreme Court na nag-uutos sa 13 ahensya ng gobyerno na pangunahan ang rehabilitasyon ng look.
Si Villar ang chairperson ng Committee on Environment and Natural Resources.
“Manila Bay is one big toilet kaya hindi malinis-linis,” anito pagkatanggap ng plake mula kay DENR Undersecretary Sherwin Rigor sa harap ng representante mula sa mandamus agencies at opisyal ng DENR.
Pinansin din nito ang kawalan ng waste water treatment facilities na siyang nagiging dahilan ng mataas na coliform level sa tubig.
Pinuri naman ni Villar si Cimatu nang ianunsyo nito ang planong rehabilitasyon.
Sinabi ng senadora na maaaring magsilbing modelo ng paglilinis ng look ang kanyang dalawang proyekto sa Manila Bay.
Isa rito ay ang Las Piñas-Parañaque Wetland Park, kungsaan nagsasagawa ng buwanang clean-up at tree-planting activity. Ang isa naman ay ang proyekto niya sa Baseco Compound, kung saan sa tulong ng Villar Social Institute for Poverty Alleviation and Governance kaakibat ang Department of Health (DOH) ay nakapagtayo sila ng mga palikuran para sa mga residente. Nakagawa naman sila ng mga livelihood projects katulad ng aquaculture at urban gardening para sa mga nakatira rito sa pagtutulungan ng Department of Agriculture (DA) at Pasig River Rehabilitation Commission.
Militarization kontra corruption sa BoC
Pinangasiwaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panunumpa sa tungkulin si bagong Bureau of Customs Commissioner Rey Guerrero sa isang ceremonya sa Presidential Guest House sa Davao City.
Ni: Quincy Joel V. Cahilig
TUMAMBAD kamakailan ang isang kontrobersya sa Bureau of Customs (BoC) kung saan nakalusot ang malaking halaga ng illegal substance na crystal meth o shabu na isinilid sa mga magnetic lifters na natagpuan sa Cavite.
Sa ngayon ay ibinebenta na umano sa mga lansangan ang nakapuslit na shabu mula abroad na nagkakahalaga ng P11 bilyon ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency.
Matatandaan na nitong Mayo ay nakalusot din sa BoC ang P6.4 bilyong halaga ng shabu na galing sa China, na natuklasan ng awtoridad sa isang bodega sa Valenzuela.
Sa tuwing nakakarinig ng mga ganitong balita sa Customs ang mga Pinoy, ang reaksyon ay “Eh, ano pa bang bago?” Tila nasanay nang makasagap ng mga balita ng anomalya sa ahensya, dahil panahon pa umano ng mga Kastila, kilala nang tadtad ng dungis ng katiwalian ang Customs, na pangunahing tagalikom ng pondo ng pamahalaan.
Nguni’t ang mas masaklap, nangyari ang mga pagpuslit ng malalaking drug shipments sa gitna ng maigting na kampanya ng Duterte Administration kontra droga. Ito ay dagok sa liderato ni Pangulong Rodrigo R. Duterte, na iniluklok ng 16 milyong mga botante dahil sa kanyang pangakong lilipulin ang salot na bawal na gamot.
Kaya minabuti na ni Pangulong Duterte na magkaroon ng military takeover sa BoC upang tuluyan nang matigil ang drug smuggling sa bansa.
Iniinspeksyon ni Philippine Drug Enforcement Agency General Aaron Aquino ang isa sa apat na magnetic lifters na nasabat sa isang bodega sa Cavite, na umano’y ginamit upang maipuslit ang PHP 11 bilyong halaga ng shabu sa bansa.
Militarisasyon ng Customs?
Wika ng Pangulo panahon na para tapusin ang “dirty games” sa Customs kaya inatasan niya ang mga sundalo na may technical expertise na palitan ang mga opisyal ng BoC na inilagay sa floating status dahil sa mga alegasyon ng korapsyon.
“They will all be replaced … all of them … by military men. It will be a takeover of the Armed Forces in the matter of operating in the meantime while we are sorting out how to effectively meet the challenges of corruption in this country,” wika ng Pangulo.
Dagdag ni Duterte, ipinatawag niya ang mga opisyal sa Malacañang nguni’t inamin na di niya basta-bastang masisibak ang mga ito.
“Almost all of them there have been … in one way or the other been charged of … corruption. Lahat ‘yan sila may kaso. And yet we cannot just move on because we want to be lawfully correct so dahan-dahan lang tayo. But with this kind of games that they are playing dirty games, I am forced now to ask the Armed Forces to take over,” dagdag ni Duterte.
Dating Bureau of Customs Commissioner Isidro Lapeña, na ngayo’y director-general na ng Techincal Education and Skills Development Authority.
Binitawan ng Pangulo ang direktiba ilang araw matapos alisin si Isidro Lapeña bilang Customs chief pagkatapos makalusot ang kontrobersyal na shabu shipment. Ipinalit sa kanyang pwesto si dating Maritime Industry Authority head Rey Leonardo Guerrero, dating Armed Forces chief.
Inilipat si Lapeña sa Technical Education and Skills Development Authority na sinabi ng Pangulo ay isang promotion dahil may Cabinet rank and posisyon.
Ipinagtanggol din ng Pangulo si Lapeña at ang kanyang sinundang dating Customs chief na si Nicanor Faeldon. Aniya, naniniwala pa rin siya sa kanilang integridad sa kabila ng mga nangyaring drug smuggling sa kanilang liderato.
“They will not sacrifice their career para diyan lang. They are too smart to do such kind of an idiotic smuggling. Talagang nalusutan sila, nandiyan na ‘yung system,” paliwanag ng Pangulo.
“There was really a continuous play of corruption in the lower echelons of the Customs bureau. You put any other pati ako and even if I will be there at the helm of the Bureau of Customs, papalusutan…lusot talaga ‘yan. They will undercut you because of money,” dagdag niya.
Mas mahigpit na pagbabantay
Ipinahayag ng Pangulo sa ilang pagkakataon na talagang malaki ang kanyang kumpyansa sa mga military personnel dahil agad tumatalima ang mga ito sa kanyang kautusan. Marahil nakikita niyang isang drastic solution ang paggamit ng pwersa ng sundalo para tuluyan nang malinis ang imahe ng BoC.
Inatasan ni Duterte si Guerrero na kumuha ng mga sundalo mula sa Army, Navy, at Air Force para patakbuhin ang Customs, lalo na sa x-ray security systems na sumusuri sa mga shipment na pumapasok sa bansa.
Kaya asahan ang mas mahigpit na screening sa mga cargo upang di na makapagpuslit pa ng droga sa bansa.
“There will be about three signatures before a container will eventually be declared out of Customs control so there will be about three, six eyes there. And they must sign that it could be a Navy or a Coast Guard, something like that,” wika ni Duterte.
Hindi tiyak na solusyon?
Sa kabila nito, naniniwala ang ilang senador na hindi ito ang tamang solusyon sa mga problema ng BoC.
Ayon kay Senator Francis Escudero, labag sa Saligang-Batas ang hakbang na ito ng Pangulo.
“Under Sec. 18, Art. VI of the Constitution, the President, as Commander-in-Chief, can only call out the Armed Forced of the Philippines to ‘prevent or suppress lawless violence, invasion or rebellion.’ These factors are not attendant at the Bureau of Customs,” pahayag ni Escudero sa Twitter.
Naniniwala naman si Senador Panfilo Lacson na ang paglalagay ng military personnel ay hindi total solution para tuluyan nang matigil ang smuggling sa BoC.
“In the early 60’s, some young, idealistic AFP officers were put in charge of the BOC operations. They learned fast, they couldn’t be bribed or intimidated. The smugglers used equally young, beautiful women to influence them. The rest is history we don’t want to remember, but Malacañang should learn from that,” wika ni Lacson.
Inirekomenda ng mambabatas sa Pangulo ang pagtatalaga ng mga miyembro ng AFP na mahusay sa intelligence operations dahil gagawin umano ng mga sindikato ang lahat para maituloy ang kanilang illegal na gawain.
“I can only suggest that a continuous, dedicated, focused, highly classified and sophisticated counter-intelligence operations should be put in place to watch the watchdogs, so to speak. And yes, the ones in charge must apply a basic leadership principle we all learned in military schools —leadership by example, not in words, but in practice. It is second to none. There is no substitute to it that I know of,” sabi ni Lacson.
Ipinagtanggol naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang desisyon ng Pangulo. Aniya, pansamantala lamang ang hakbang na ito upang tiyakin na di na makakapasok ang illegal drugs sa bansa na banta sa seguridad ng publiko.
“The President, as chief executive, has the power of supervision and control over the entire Executive Department, and is duty-bound to ensure that all laws be faithfully executed (Art. VII, sec 17),” sabi ni Guevarra.
“However, civilian rule shall at all times be supreme,” pagtitiyak ng Justice Secretary.
Nilinaw naman ni BoC Chief Guerrero na hindi militarization ang mangyayari sa kanyang ahensya.
“Let us correct the impression that there would be a militarization of the BoC. There will be personnel from the AFP that would support the BoC but that does not mean the BoC would be taken over by the military because clearly I’m a civilian and I am the head of the agency,” wika ni Guerrero. “This is not a militarization process because clearly the officers of Bureau of Customs will still be in control of operations and activities of the bureau,” pagdidiin ni Guerrero.