NI: MAYNARD DELFIN
Ang labis na pagkahilig ng mga bata sa mga pagkaing maaalat o masyadong maraming asin ay maaaring magdulot ng sakit sa puso o iba pang kaugnay na karamdaman, na posibleng madala nila hanggang sa pagtanda, ayon sa bagong pag-aaral na inilunsad sa 2017 Pediatric Academic Societies Meeting sa San Francisco sa Amerika.
Sa ginawang pananaliksik, nais nitong alamin kung ang labis na pagkonsumo ng mga kabataan ng mga pagkaing masyadong maraming asin ay may negatibong epekto sa daluyan ng dugo sa arteries at sa kalauna’y magdudulot ng paninigas ng mga ito.
Ang pananaliksik ay pinangunahan ni Dr. Elaine Urbina na siya ring tagapangasiwa ng preventive cardiology sa Cincinnati Children’s Hospital Medical Center.
Ang paninigas ng arteries o mas kilala sa tawag na ‘arterial stiffness’ ay may kaakibat na panganib na maaaring maging sanhi ng atake sa puso at stroke sa pagtanda. Maaari itong masuri sa pagmo-monitor sa balat na malapit sa anumang parte ng katawan malapit sa mga pangunahing arteries.
Batay sa mga naunang pag-aaral, malaki ang tiyansang magkaroon ng ‘arterial stiffness’ ang mga indibidwal na malimit kumain nang masyadong maaalat na pagkain habang sila’y mga bata pa, lalo na ang mga taong may risk factors na magkaroon ng mga sakit tulad ng diabetes, mataas na cholesterol (high cholesterol) at alta-presyon (hypertension).
Ang National Institutes of Health ang nagpondo ng pag-aaral na may 775 kalahok mula sa Ohio Children’s Hospital.
Sinuri ng mga mananaliksik ang elasticity o distensibility ng brachial artery (BrachD) na makikita sa itaas na braso (upper arm) ng mga kalahok. Sinuri rin ang pulse wave velocity (PWV) upang malaman ang pagkakaiba sa sirkulasyon at bilis ng paggalaw ng dugo mula sa carotid artery sa leeg at femoral artery sa singit.
Sa pagsukat sa rami ng asin sa kanilang kinakain, ang mga kalahok ay pinayuhang itala ang kanilang mga kinain o diyeta sa loob ng tatlong araw. Kasabay ng pagtatala ay ang pagrerekord ng iba pang factors tulad ng edad, lahi, kasarian at body mass index (timbang) ng mga kalahok na may kinalaman sa makukuhang resulta, ang mas marami at madalas na pagkonsumo ng mga pagkaing maaalat sa normal na rekomendasyon ay may kinalaman sa mabilis na pagtigas ng arteries.
Ayon kay Dr. Urbina, dahilan sa maraming mga tinedyer at young adults ang kumukonsumo ng mga pagkaing masyadong maraming asin na mas mataas kaysa sa inirerekomenda, nakita sa pag-aaral na sila ay nasa panganib na magkaroon ng atake sa puso o stroke sa kanilang pagtanda.
Batay sa rekomendasyon ng Centers for Disease Control at Prevention, ang mga tinedyer at matatanda ay dapat kumonsumo lamang nang mas mababa sa 2,300 milligrams ng asin kada- araw. Subalit kalimitan ito ay ‘di nasusunod.
Sa Amerika, naitala na 90% ng mga bata at mga tinedyer na Amerikano ay madalas kumukonsumo nang masyadong maraming asin na 3,194 milligrams araw-araw sa mga nasa edad na 11 hanggang 13 at 3,672 milligrams sa mga nasa edad na 14 hanggang 18 kada-araw.
Gaano nga ba kaepektibo ang paggamit ng mga produktong organic?
NI: JONNALYN CORTEZ
Dahil nga sa walang halong kemikal, mas ligtas gamitin sa balat ang mga produktong organic. Ang mga ito ay may nutritional value na tumutulong na pagandahin ang inyong mga balat. Ang mga sangkap nito ay dumaan sa masusing pananaliksik upang siguraduhing epektibo nitong maisaayos, pakinisin at pagmukhaing mas bata ang balat ng mga gumagamit nito.
Kumpara sa mga produktong pampaganda na karaniwang mabibili sa merkado, mas masisiguro ng mga gumagamit ng natural skincare ang inilalagay at pumapasok na sangkap sa kanilang mga balat. Mayroon ding natural na amoy ang mga nabibili sa labas na nakasasama sa kalusugan, hindi tulad ng mga pampabangong kemikal na maaaring makapinsala sa inyong katawan.
Murang organic skincare
Sa ngayon, marami nang mabibiling mga produktong organic na pampaganda sa Pilipinas. Sa katunayan, kapag sinabing natural skincare, una nang papasok sa isipan ng nakararami ang Human Heart Nature.
Kumpara sa iba, sa murang halaga, maaari mo nang ma-enjoy gamitin ang mga produktong organic nila mula ulo hanggang paa — mula sa sabon, shampoo, lotion, toothpaste at marami pang iba ay maaari mong mabili sa kanila.
Kung wala namang badyet, maraming natural skincare remedies na maaaring gawin sa bahay.
Katunayan, maaaring nasa kusina lamang ninyo ang mga remedying makatutulong upang gumanda ang inyong mga balat.