Ni: Jun Samson
MAHIGPIT na pinaalalahanan ng Commission on Elections ang lahat ng mga kumandidato sa nagdaang Barangay at Sangguniang Kabataan elections na idinaos noong May 14.
Sinabi ni COMELEC spokesman, Director James Jimenez na ang lahat ng naghain ng CoC o ng Certificate of Candidacy ay obligadong magsumite ng SOCE o ng Statement of Contributions and Expenses, bago o hanggang sa araw ng deadline na June 13, 2018.
Nilinaw pa ni Jimenez na nanalo man o natalo ang isang partikular na kandidato ay kailangang maihain ang kanyang SOCE, tatlumpung araw matapos ang halalan. Ito anya ay nakasaad sa Chapter 4, Section 16, 17 at 18 ng Resolution number 10209.
Ang mga forms ng SOCE ay makukuha sa pamamagitan ng pag-download sa official comelec website. Nakasaad sa election law o sa Omnibus Election Code na ang sinumang nanalo pero hindi nagsumite ng SOCE ay maaaring matanggal sa pwesto.
Pero kung ang pagbabatayan ang kasaysayan ay wala pa tayong narinig o nabalitaan na may natanggal nga sa pwesto. Seryoso kaya ang implementasyon o malambot at hindi lang pinagtutuunan ng pansin ang nasabing batas?
Dapat siguro ay may masampulan para sa mga susunod na halalan ay mapipilitan ang lahat ng kandidato na sumunod sa alintuntunin.