Ni: Jonnalyn Cortez
ITINATANTYA ng kumpanyang Microsoft na magiging taon ng pag-usbong ng artificial intelligence ang 2018. Inaasahan nito na mas magiging laganap ang paggamit ng AI bukod pa sa pagiging virtual assistant nito.
Sa isang pahayag, sinabi ng mga eksperto sa ganitong uri ng industriya na ang pag-usbong ng AI ay matatawag na “invisible resolution.” Sa katunayan, pinapamahalaan na ng AI ang pagtakbo ng ilang mga gamit ng tao, tulad ng mga online recommendation engines, Chabot’s, newsfeed personalization’s at maging ang sistema ng pagprotekta sa ating mga credit cards.
Nagiging parte na nga ating pang araw-araw na buhay ang AI, hindi man natin ito napapansin,
Pamumuhunan ng mga kumpanya sa AI
Tinatalang mahigit 5 bilyong mga aparato na may digital assistants ang magagamit ngayong taong 2018. Inaasahan namang madadagdagan pa ito ng 3 bilyon pagsapit ng 2021, ayon sa isang analyst firm na IHS Markit.
“Major technology companies continue to make investments and acquire companies that increase AI expertise,” anito.
Gayon man, sa kabila ng pag-usbong nito, sinasabing marami pa ding mga problemang kailangang masolusyunan bago pa man ito magamit ng lahat.
Nagpapakita ng malaking interes sa AI ngayon ang Apple. Kilala naman ang Google na pinaka-aktibong namumuhunan sa mga third-party na mga AI-centric na kumpanya.
Sinasabi namang magiging malaki ang pakinabang ng mga negosyo sa AI. Makakatulong ito upang mapangasiwaang mabuti ang malalaking dami ng datos na naiipon ng mga empleyado at mga iba pang applications.
Kaya naman, nakikinita ng kumpanyang Gartner na 85% ng pakikipag-ugnayan ng mga mamimili sa mga kumpanya ay panghahawakan na ng mga AI. Maaari rin itong maging pangunahing teknolohiya na gagamitin ng mga customer service.
Mga kasangkapang patatakbuhin ng AI
Iprinisinta naman sa nakaraang Consumer Electronics Show 2018 sa Las Vegas ang ilang mga produktong gumagamit ng AI. Mula sa smartphones at speakers na mga mayroong built-in virtual assistants, meron ding mga kasangkapan at kotse na pinapatakbo ng AI.
Hindi lamang mga kumpanya ang namumuhunan ng oras, pera, at enerhiya upang isulong ang paggamit ng AI. Sa katunayan, isinusulong ng gobyerno ng Chinese ang ganitong uri ng teknolohiya sa tangkang kontrolin ang kabuuan ng makabagong ideya sa hinaharap.
Inaasahan namang maraming mga kilalang kumpanya ang maglalabas ng mga produktong may AI. Dahil na rin ito sa dami ng malalaking korporasyon sa buong mundo ang binibigyan ito ng pansin.
Isa na nga dito ang ang mga kilalang pabrika ng kotse. Inaasahang ang mga mainstream na tatak ng sasakyan ay maglulunsad ng mga self-driving na kotse ngayong 2018.
Kilala ang Tesla bilang nangunguna na pabrika ng sasakyan na naglunsad ng ganitong uri ng kotse. Kaya naman, upang tapatan ang nasabing pagawaan, nakatakdang maglabas ang Audi ng ganitong klase ng sasakyan ngayong taon. Bumubuo din ng ganitong mga sasakyan ang Cadillac at Volvo.
Isusulong naman ng Defense Advanced Research Project Agency o DARPA ang paggawa ng robo-warriors.
Hindi na bago para sa naturang organisasyon ang lumikha ng mga makabagong ideya pagdating sa teknolohiya.
Sa katunayan, nakikipagtulungan na ito sa Boston Dynamics upang gumawa ng isang hanay ng mga robot na sadyang idedesenyo para tumulong sa oras ng kalamidad. Pinaplano din itong gamitin sa larangan ng pakikipaglaban. Isa na nga sa mga binubuo ngayon ng DARPA ang sumikat sa internet na Atlas robot na may kakayahang mag backflip.
Pinaplano ring gamitin ang AI upang tulungan ang mga manggagawa, empleyado, lalo na ang mga nagtuturo ng karunungan. Ito ay sa kabila ng pangamba ng ilan na tatanggalan ng AI ng trabaho ang mga tao.
“This technology can coach customer-facing service workers to speak more effectively, thanks to machine-learning algorithms. Expect AI to increasingly support white-collar workers in 2018 and beyond,” paliwanag ng Operations VP ng Mint Solar na si Carrie Christensen
Pag-iingat sa paggamit ng AI
Mainit na pinagdedebatehan ang paggamit ng AI bilang parte ng ating pamumuhay. Sa katunayan, may mga nagsasabing magdadala ito ng isang malaking banta sa sangkatauhan. May ibang nagsasabi namang may kakayahan itong tulungan ang mga tao na mapagbuti ang kanilang pagiging produktibo at ang kondisyon sa paligid nito.
Subalit, sa paglaganap ng paggamit nito, maraming mga tanong ang umiibabaw. Bunsod nito, inaasahan ang mga pamahalaan at malalaking industriya sa teknolohiya na gumawa ng mga pormal na tuntunin upang sagutin ang mga tanong ukol sa paggamit nito.
Pag-asa at takot sa pag-usbong ng AI
Hindi naman sigurado ang mga Amerikano sa magandang pangako ng paggamit ng AI. Ayon ito sa bagong resulta sa ginawang poll ng consulting company na Gallup.
Malawak ang pag-asa ng ilan sa magandang dulot ng pag-usbong ng teknolohiya. Ngunit, natatakot naman ang iba sa pwedeng maging negatibong epekto nito sa mga tao.
Lumabas na 79% ng mga banyaga ang nagsasabing may positibong epekto ang AI sa kanilang buhay. Inaasahan naman ng 73% nito na ang malawakang paggamit ng AI ay maaaring magdulot ng pagkawala ng trabaho sa karamihan. Habang 63% naman ay kinikinita na ang bagong teknolohiya at ang mga tinatawag na smart machines ay palalawigin lamang ang agwat ng mayaman at mahirap.
Ukol naman sa paggamit ng mga self-driving na sasakyan, 42% ng mga tumugon ay nagsabing hindi sila kumportableng sumakay dito. Nangangamba naman ang 62% dito na makipagsabayan sa mga self-driving na truck sa daan.
“In general it’s fair to say there is optimism and also anxiety,” ani Brandon Busteed na mula sa Gallup.
Ilan lamang ang mga nabanggit sa mga kinikinitang progreso sa pag-usbong ng AI sa buong mundo. Tunay nga namang hindi na mapigilan ang paglago ng industriya ng nasabing bagong teknolohiya.
Kaya naman, kailangang maging mapagmasid at siguruhin ng mga tao na ang mga AI na ito ay gagalaw at kikilos para sa atin at hindi tayo magiging alipin nito.