Ni: Dennis Blanco
NOONG Setyembre 20, 2017 ipinasa ng mababang kapulungan ang Sexual Identity or Gender Identity and Expression Bill (SOGIE) o House Bill 4982. Sa botong 197-0 ay pinagtibay sa ikatlong pagbasa ang nasabing panukala na naglalayon na protektahan ang karapatan ng mga LGBT (Lesbians, Gays, Bisexuals at Transgenders) laban sa ano mang uri ng diskriminasyon.
Ayon sa bill na ito, bawal ang mga sumusunod na desisyon batay sa sexual o gender identity: ang pagtanggap at pagtanggal sa trabaho, pagtangging tanggapin at pagpapatalsik ng estudyante, pagpataw ng mas marahas na parusa sa mga estudyante, pagtanggi o pagpapawalang bisa ng akreditasyon sa mga organisasyon dahil sa sexual o gender identity ng mga kasapi, paglalahad ng sexual o gender identity ng isang tao na wala nitong pahintulot, pagpapahiya at pag-aalipusta sa mga LGBT at iba pang paglabag sa karapatang pantao batay sa kasarian at identidad.
Subalit mahigit isang taon na mula nang ito ay maipasa sa mababang kapulungan ay nanatili pa ring nakabinbin ang katumbas nitong panukala sa Senado at tila baga nanatiling tahimik sa kung ano ang kahihinatnan nito. Ito ay naglalayon ding protektahan ang karapatang pantao ng mga LGBT sa trabaho, paaralan, ospital, opisina, pampublikong lugar at ibang institusyon.
Subalit may ilang senador na tumututol sa pagpasa nito sa kadahilanang ang nasabing batas diumano ay may nakaakibat na paglabag sa karapatang pantao ng iba, partikular na sa kanilang freedom of religion.
Sinisigurado lamang nila na sa pagpasa ng SOGIE Bill ay hindi malalabag ang karapatang pantao ng iba. Dagdag pa rito may mga tumututol din sa bill mula sa ibang religious sector na itinuturing pa ring kasalanan ang pagiging LGBT at naniniwalang sapat na ang mga umiiral na batas para maprotektahan ang kanilang karapatang pantao. Para sa iba naman, ang pagpasa ng SOGIE Bill ay paglabag din sa equal protection clause dahil binibigyan importansiya nito ang karapatan ng LGBTQ kumpara sa iba.
Subalit ano man ang posisyon ng ilang senador at ibang sektor na tutol sa panukala, mahalaga na bigyang prayoridad ito dahil ito ang isa sa mga panukalang pinakamatagal nakamit ang katalagahan mula pa nang ito ay pangunahan ng namayapang Senador Miriam Defensor Santiago noong 2000 at ipinagpatuloy ni dating Commission on Human Rights Chair Etta Rosales. Dagdag pa rito, mahalaga na magkaroon na ng kongklusyon ang nasabing panukala dahil na rin sa mga panawagan ng iba’t ibang sektor ng lipunan na wakasan na ang debate tungkol dito at lubusan ng tuldukan ang kasasapitan ng SOGIE Bill.
Kung ang senado man ay magdesisyong ipasa o ibasura ang SOGIE bill, mahalaga rin na dapat tanggapin ng pabor at tutol dito ang pinal na desisyon ng senado. Ano mang pagtutol sa nasabing desisyon ay ang Korte Suprema na ang makakasagot. Sa ngayon, ang mahalaga ay matapos na ang mahabang paghihintay sa kasasapitan nito nang sa gayon ay tuluyan na ring tuldukan ang diskurso sa panig ng pabor at tutol dito.