Ni: Ana Paula A. Canua
ISANG hakbang na lamang bago tuluyang maisabatas ang National ID system dahil kasalukuyang nasa pinal na pagbasa na ang panukala sa senado. Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, positibo siya na tuluyang makakalusot ang bill lalo pa’t pabor ito sa lahat dahil mapapabilis nito ang transaksyon mapapribado o publiko man.
“We are hoping the House will simply adopt the Senate version, ergo it becomes an enrolled bill next week before we go on a break,” pahayag ni Lacson.
Tatawaging Filipino Identification Sysem o FilSys ang naturang ID. Kapag mayroon na nito, hindi na kailangan pa magpresenta ng maraming ID bilang proof of Identification sa alinmang proseso sa government at private sector.
Nakasaad sa panukala na lahat ng Pilipino na nandito sa bansa at abroad ay kailangang magregister ng kanilang impormasyon upang magkaroon ng FilSys.
Ilan sa mga impormasyon na lalamanin ng FilSys ay ang pangalan, picture, birthdate, kasarian, pirma, blood type at Common Reference Number (CRN) o individual serial number na magmumula sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa pamamagitan ng CRN maaring makikita at ma-verify ng awtoridad ang iba pang government-issued numbers ng may-ari mula sa passport, SSS, PAGIBIG, voter’s ID, Philhealth, at tax identification papers.
Upang masigurado naman na magiging tamper-proof ang ID, magkakaroon ito ng smart chip na naglalaman ng biometrics, iris scan, facial image, reception code at iba pang feature upang matiyak na hindi madaling mapeke ang ID.
“Sa pamamagitan nito, isa na lang ang kailangan nating ID at nag-identify tayo na magagamit ito sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno,” pahayag ni Population Committee Chair Sol Aragones.
Ang sinuman na mapatunayan na gumagawa at nagmamay-ari ng pekeng FilSys ay haharap sa anim hanggang dalawang taong pagkakakulong at multang P50,000 hanggang P500,000.
Nakasaad din sa panukala na kailangan ng consent bago ma-access ang iba pang personal na impormasyon ng may-ari, maliban na lamang sa oras ng aksidente o mga sitwasyon na kailangan ng medical workers na makuha ang impormasyon ng biktima. Maaari rin na ma-access ito kapag inutos ng korte na tingnan ito dahil sa banta sa seguridad at kaligtasan ng nakararami.
Nakatakda namang siguraduhin ng Philippine Statistics Authority, Department of Information and Communications Technology at ng National Privacy Commission na mapoprotektahan ang impormasyon ng may-ari.
Permanent ID number
“The bill would allow every Filipino and resident alien of the country to be identified with the use of a PhilSys number, or PSN, a randomly generated, unique and permanent ID number which shall be the standard number assigned to each individual to be incorporated in all ID systems of government agencies,” dagdag ni Sen. Lacson na siyang nagsponsor ng panukalang Senate Bill No. 1738, o An Act Establishing the Philippine Identification System.
Sa kasalukuyan mayroong tinatawag na unified multipurpose ID ang mga miyembro ng SSS and GSIS Philippine Health Insurance Corp. at Home Development Mutual Fund. Hindi saklaw ng lahat ang unified multipurpose ID na ito kaya sa pamamagitan ng FilSys mas mapapaigting ang pagkakaroon ng datos sa bawat Pilipino.
Privacy Violation
Ilan sa mga kinakatakot ng ilang grupo ang posibilidad ng data breaching o ang pagsiwalat at pagnakaw ng impormasyon.
“Aside from the fact that this is an invasion of our people’s privacy this measure may have some very serious sovereignty and security implications since the proposed repository of all these data is the Philippine Statistics Authority (PSA) that entered into questionable contract with a US-based firm called Unisys,” pahayag ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate.
Nagbabala siya na maaring maging banta ito sa mga Pilipino dahil sa kwestiona-bleng kredibilidad ng ilang kontratang pinasok ng PSA gaya ng Unisys.
“Unisys having unbridled control” of the civil registry system, the US government can also easily have undiminished access to all civil documents of more than 100 million Filipinos” giit nito.
Aniya, “Sa pagsusuri ng Bayan Muna at mga pangkat ng IT (information technology) professionals sa panukalang batas na ito, naging malinaw para sa amin na ito ay labag sa Saligang Batas, ilalagay sa panganib ang seguridad ng taumbayan, at nagbibigay ng mas malawak pang puwang upang supilin ang karapatan ng mamamayan.”
“Napaka-powerful ng binibigay mo, personal information ang nilalagay kaya marami ang may interest diyan hindi lang militarily, bureaucracy, lahat,” pahayag naman ni Gabriela Party-List Rep. Arlene Brosas.
Ayon kay Brosas, sa pamamagitan ng FilSys mapapadali rin ang State Surveillance o kaya ay maaring ipagbili ng gobyerno sa mga korporasyon ang personal na impormasyon ng mga Pilipino.
“Baka magkaroon ng third-party data leaks at magamit din sa militarization dahil napakarami nga sa bureaucracy natin ngayon ang military ang nakaupo na hindi naman magbubunga ng ganansya para sa mga maliliit nating mamamayan,” dagdag nito.
Budget
Sa ngayon nasa P2 bilyon ang tantyang badyet para sa FilSys at nakatakdang pag-usapan pa kung ano ang magiging sistema kung kaya ba itong maging libre sa lahat at paano mapapabilis ang sistema ng registration at pagclaim nito.
Nauna na rito, nagpakita na ng interes at pagpabor ang pangulo sa tuluyang pagpapatupad nito noong ito ay nasa unang pagbasa pa lamang, ito rin ang tini-tingnang dahilan kung bakit umaani ng malaking suporta sa halos lahat ng senador at representante ang naturang panukala.